KULANG pa ang iniregalo sa ikalawang kaarawan ng apo—P100 ang bili sa inukab na lapad ng kahoy, sungkaan… dalawang hanay ng pitong butas sa kahabaan, tig-isang subihang butas sa magkabilang dulo…
Papatak sa tigwalong butas, kaya otso-otso. Suwerte!
Umaangal nga ang Anghelola, mababaw daw ang ukab ng nabiling sungkaan… kumpareng Jerusalino Araos na lang ang matiyagang gumawa ng ganoon mula antigong haligi, itatampok ang sungkaan sa mababang inukit na hapag… saksakan pa ng bigat, sa ikakaya ng bulsa at bisig.
98 sigay o cowrie shells ang kulang, papatak sa 100 ang kabuuang bilang pati na dalawang magsusungka… sa alinmang laro, nilalaro ng laro pati ang naglalaro… Homo sapiens turn as Homo ludens, thinking becomes playful… gano’n kasi sa quantum physics.
Aba’y mas maganda ang kinis ng mga sigay na nasusumpungan sa baybayin ng Ilog Malino sa Bolinao, Pangasinan… mula murang rosas hanggang matingkad na ube o may hibo ng bughaw, kulay sanlibong piso.
Boca del coño ang anyo ng sigay, nakangiti lagi, nakabuka. Na tila katumbas ng perra o babaeng aso… ginamit na salapi ng ilang sinaunang kultura, perang pambili ng alipin.
Pero anuman ang bilhin, pera pa rin kahit sa ukab ng sungkaan na lang ipapatak… laruan lang talagang tulad ng sa larong Monopoly… at kailangang igiit na laruan lang ng tao ang pera, hindi laruan ng pera ang tao.
Pag-ungkat sa sagisag ang sungka… katumbas ng pitong hakbang ang pitong ukab, isa-isang huhulugan ng sampatak na barya pero lagi’t laging isasalin ang isa—hindi na gagalawin o gugugulin sa pag-ikot sa mga ukab—sa subihan. Doon matitipon ang perang sigay. Subi = save; subihan = savings bank. Parang larong aralin sa pagtitipid at capital formation.
May kakaibang katangian ang lapat-kamay lapit-diwang laro. Magagagap ang daigdig sa paghawak ng mga bagay-bagay sa laro… na nilinaw ng isang sulatin sa September 2010 edition of Scientific American:
“Learning through touch is instinctual. Even newborns can recognize objects by touch alone.
“At first, tactile learning involves manipulating objects. But as children mature, they begin to apply these physical concepts to abstract ideas.
“Hands-on exploration helps children learn more and remember what they have discovered. It also enhances math, verbal and thinking skills.
Oo, palamuti rin ang sungkaan… bukod sa salaping pantumbas ng mga alipin, sagisag din kasi ang mga sigay ng karunungan at masinop na pag-aaral.
Dadakot ng mga sagisag-salapi ang musmos, kikimkimin sa kanyang palad… magsasalit-salitan sa isipan ang bilang ng mga butil na ipinadpad, ibinilad ng karagatan sa pampang… upang mapulot, mapaglaruan.
Para mahasa sa higpit ng gagap ang mga kamay. Para mabihasa sa paggagap pati na puso at isipan.
Hindi lang katumbas ng pitong ukab ang tutunguhin sa bukas na hinaharap.
Comments