KAPAG basa ang papel, dapat ‘patuyo muna… in short, better to dry fire rather than go through a practical shoot course after a hostage-taking fiasco.
Meron naman kasing mga matinong halimbawa na matutularan.
Halimbawa ang isang hari.
Ang hirap naman kasi dito kay Haring Bhumibol ng Thailand, kung anu-ano ang ipapakita sa taumbayan… na parang mga unggoy yata—monkey see, monkey do.
Ipakita ba naman na lulublob sa putik ng pilapil, magtatanim ng binhi ng palay… sinundan ng kanyang sambayanan ang ginawang halimbawa… hindi kasi mahilig sa talumpati at taltalan ang haring ‘to, pulos aksiyon lang…
Kamukat-mukat, kabilang na sa tatlong pinakamalakas na bansa sa daigdig sa produksiyon ng bigas ang Thailand… para bang buntot ng kalabaw ang mga tao do’n, kung saan tutungo’t uusad ang ulo, sunod agad ang buntot.
‘Buti na lang hindi gano’ng palabuntot ang Pinoy, aba’y nalalagas na ang buhok sa ulo ng Pangulo… aba’y baka mabangkarote ang negosyo ng mga barbero’t hair stylists kapag pikit-matang susunod sa halimbawa ng numero uno.
Baka naman totoo ‘yung kasabihan, the power of concrete example far exceeds the slather of words… ‘yun lang namang nasa kalapit bahay ang mahilig pumutak buong maghapon, ni hindi naman nagsasanay ng muay para makigaya sa mga Thai.
Nakita ng balana na nag-aalaga ng orchids ang kanilang hari…why, orchis is something legal and refers to the subpoena, and that’s under the pen is mightier than the sword… mas may pakinabang sigurong gawain kaysa magkamot lang ng bayag… talagang kakaibang ari, ehe-he-he-he-he, hari nga pala.
Kamukat-mukat, nakipagpaligsahan na sa Netherlands ang Thailand sa cutflower industry… aba’y umaabot hanggang sa ‘Pinas ang ibinabagsak nilang orchids.
Maghihimutok pa nga—dahil dito mismo nanggaling ang mga unang binhi nila ng waling-waling o Vanda sanderiana. Kinutinting, pinalahian… hayun nga, samut-saring anyo at kulay mula sa inahing waling-waling ang kinalabasan.
Palibhasa’y dalubhasa sa agrikultura, talagang samut-saring binhi ng pananim at bungangkahoy ang binubusisi niyong hari… kamukat-mukat na naman, pati sampalok at atis, inaangkat na rin ng ‘Pinas sa Thailand.
Hindi lang siguro mahilig tumilaok sa mikropono’t umalulong sa videoke si Haring Bhumibol… pero matagal nang libangan na kinahihibangan ang ganito sa ‘Pinas… ilan na ba ang natigok sa My Way?
Hindi rin yata mahilig sa Ma Ling, este, malling ang naturang hari.
Mabuti na lang hindi rin mahilig sa putakan at putukan ang hari nila… nabasa siguro ‘yung sinulat ni Lao Tzu sa Tao Te Ching, “kasangkapan ng masaklap na kapalaran ang mga sandata, hindi mahilig sa mga ito ang mga nasa matuwid na landas.”
Mahirap talagang pantayan ang ulirang halibawa ng ganoong pinuno… kahit na isupalpal pa sa mukha ng numero uno dito, that’s something you must tie!
Comments