'Langya, hindi pala puwede ang subscript at superscript dito...
SARAP namnamin ng nilalaman ng kamote. Naglalagak ng mayuming tamis sa salabat, kahit sa pinakbet o anumang nilaga.
Mauungkat tuloy ang tamis mula lamang-ugat. Saan ba mauugat.
Sa pananaw kasi ng mga bihasa sa feng shui, sumasagisag ang kamote, gabi, lamang-ugat ng loto, labanos, liryo at mga katulad na pananim ang kakayahan na magtipon ng yaman at kasaganaan sa mismong lupang pinanindigan… paunti-unti man, tuloy-tuloy naman.
Aba, nagsasalitan ng anyo ang bagay at enerhiya, batay sa isinasaad ng E = mc2… o mahahango ang enerhiya mula timbang (mass) ng bagay, pinarami sa pinarami pang sariling taglay na bilis ng liwanag (c = 300,000 kilometro bawat segundo, c2 = 90 bilyong kilometro isang segundo).
Masusukat sa pag-ungkat, m = E/c2 o nahango ang katiting na timbang mula sala-salabat na sambulat ng lakas na ipamamahagi sa tala-talaksang haginit ng kidlat… isinakay daw ni Albert Einstein ang kanyang diwa sa kidlat upang maturol ang salitan ng anyo mula enerhiya, liwanag at timbang ng bagay.
Sa pagpapalit ng anyo, hahabi ng laman mula sa mga hibla ng humahaginit na liwanag, hahango ng laman mula sa lakas ng sambulat.
Kahit santipak na kamote, bumuo ng payak na anyo’t nagtipon ng kaunting bigat mula walang humpay na agos ng liwanag at mga sagitsit ng pagsambulat sa sanlibutan…
Nakakatuwa ang himala ng kamote—mula hangin hahango ng lason, CO2 at mula lupa hihitit ng katas, H2O… pagsasanibin ang dalawang sangkap sa lunti at liwanag… may nabuo nang arina at kaunting protina na isasalin upang maimbak, uumbok sa sisidlang ugat… alinsunod pa rin sa itinakdang batas, m = E/c2.
Aliwalas o kulimlim man ang kalangitan, walang tantan sa himala ang kamote… walang tigil sa gawaing pag-imbak ng pagkain… kaya siguro ang almusal na gasuntok na kamote’y sapat ang taglay na pantustos-lakas upang magliyab ang utak, humango ng liwanag hanggang sa tanghalian.
Kaya naman lubusang nasunod ang tagubilin ng naging guro noon… go home and plant camote!
Napakasimple ng himala ng kamote… sa munting puwang na sinadlakan…mag-ugat na sasaliksik sa dibdib ng lupa… sumunggab mula sa liwanag at iba pang sangkap ng pantustos sa paglago ng sarili… mag-imbak upang may makinabang.
Mahigit yata sa sangkilometro na putol-putol na baging ng kamote ang nabitbit noon ng mga lumalaking anak sa hinahawang kalawakan ng kugon sa isang bahagi ng Sierra Madre…
May kung ilang hanay ng kamote ang naitusok sa lupa sa simula ng tag-ulan. Umusbong naman. Hindi na nakapagbantang lalago, papalit sa hinawang lawak ng kugon.
Nagsoga ng ilang kambing ang isang tagaroon, tanod-lupa. Nilamon ang mga umuusbong na kamote— makakaya ba namin bumitbit ng mga lamang-ugat ng kamote mula Sierra Madre?
Nanumbalik ang latag ng kugon. Hindi na kami bumalik doon.
Comments
mahusay!