“Knowing is not enough; we must apply.”
Johann von Goethe
PAALA-ALA’Y gamot sa nakakalimot.
Naihanay na natin ang mga halaman na kinamumuhian ng lamok sanhi ng taglay nilang biochemicals: (1) albahaka, balanoy o sweet basil, (2) tanglad, citronella or lemon grass, (3) amarilyo, marigold or bride of the sun, (4) malvarosa, (5) manzanilla, dolontas o chrysanthemum, (6) madre de cacao o kakawate, (7) linga o sesame, at (8) sweetsop, sugar apple o atis na ang katas ng giniling na buto, ipinapasok sa buwa upang maglaglag ng sanggol na dinadala sa sinapupunan…
Makakabili ng mga naturang halaman sa mga nagtitinda sa (1) Manila Seedling Bank Foundation, kanto ng EDSA at Quezon Avenue, Quezon City, (2) Bureau of Plant Industry nursery sa Visayas Avenue, Quezon City o San Andres, Maynila, o kahit sa mga nagtitinda sa (3) likuran ng Mahogany Market sa Tagaytay City.
Binanggit na rin sa isang naunang pitak na huwag munang magkakain ng saging dahil may taglay itong sangkap na talagang paboritong lantakan ng lamok… mainam din na may tanim na saging sa bakuran upang ang murang saha nito ang sabakan ng sigid ng mga lamok, pati mga babaeng Aedes aegypti na naghahasik ng lagim ng dengue.
Mayroon pang matatawag na asymmetrical lines of defense against hemorrhagic fever-causing mosquitoes… mas mabangis kaysa mga halaman ang mga ito… they’re efficient, highly mobile and are as unflinchingly ruthless as elite forces.
Sa pangitlugan ng lamok kumikilos ang (1) buriring—that’s the common colorful guppy—(2) gurami at (3) kataba, mga isdang kanal na walang patawad sa paglamon sa kiti-kiti na nagiging lamok…
Katulong din nila sa pagsila sa kiti-kiti ang mga ‘sanggol’ ng (1) tutubi (newly hatched nymphs of damselflies, scorpion flies, and dragonflies), (2) karag (toad), at (3) palaka (frog). Lalong mas mabangis sa pagdagit ng lamok at iba pang pesteng kulisap ang mga ito matapos magbanyuhay o metamorphosis into adult forms.
Kasama rin sa digmaan kontra dengue ang mga butiki (lizard), tuko (gecko),
mandarangkal (praying mantis), at iba’t ibang uri ng gagamba... aba’y marikit ang kulay ng mga gagambang talon (jumping spiders) na naglisaw sa aming pamamahay…may namahay pa ngang pampasuwerteng gagambang kalabaw sa timog silangang bahagi ng bakuran.
Parang balik-aral sa integrated pest management sa paglalahad ng ganito…parang mga pananim ang pakay na iwaksi sa pananalasa ng kung anu-anong mapamuksang sakit at peste… parang aralin sa entomology o pag-aaral sa mga kulisap.
Sintomas lang kasi ng mas malubhang sakit ang pananalasa ng dengue… na kikitil pa ng libu-libo, bata man o matanda. Tiyak na marami na ang nagkandabuhol ang kilay at noo nang isiwalat ang pangalan ng samut-saring halaman, samut-saring mumunting nilalang na namumuhay sa mga sapa’t kanal o sa mga imbakan ng tubig… kung anu-anong kulisap na tumatahan, gumagalugad sa mga taniman at halamanan.
Bahagi silang lahat ng masinop, mapanlunas at mapagkupkop na kapaligiran—na walang humpay na dinadapurak, winawasak. Matagal na silang nakaligtaan. O lubusang nakalimutan.
Paalaala’y gamot sa nakakalimot.
Comments