“The limits of my language are the limits of my mind. All I know is what I have words for.”
Ludwig Wittgenstein
SANLINGGONG singkad na nasa tuktok ng punong sampalok sa bakuran ng isang kalapit-bahay ang isa naming pusa, si Hsing-I… humihibik o humihikbi yata, hindi mapababa kahit anumang sulsol o bulaga… umuwi lang matapos ang sapilitang bakasyon ko—nabalian ng buto sa paa, tinistis-- sa Capitol Medical Center, sumalubong, pandalas nang kiskis-katawan sa aking binti, magiliw na bumabati.
Napulot sa tagpong salpukan nina Nameless (Jet Li) at Sky (Donnie Yen) mula obra ni Zhang Yi-mou-- “Hero”-- ang pangalan ng lekat na pusa… bago nagkapingkian ng kani-kanilang hawak na sandata, nagtagisan muna sa diwa o deva (translates to “demigod or godly person” in Sanskrit)…
Hsing-I ang tawag sa ganoong pakikilaban…
Na umaayon sa tusong tagubilin ni Sun Tzu, dalubguro sa digmaan. Nagaganap daw muna ang labanan sa larangan ng diwa. Sinuman ang manaig doon, ilalapat na lang ang naganap na sa kasunod na yugto ng salpukan na magaganap saanmang lunan… the battle had been fought in spirit and in truth, what ensues in whatever ground had been pre-arranged.
Una muna sa taimtim na diwa, kasunod na dadaloy ang gawa.
Tila yata trumpo na buong banayad na inikid sa mahabang sati, saka ipinukol na mahinahon sa lupa… tulad sa salawikain, iikot na matining na matining. Kapag tubig ay matining, asahan mong malalim; kapag tubig ay maingay, tiyak na mababaw pa sa kumukulong sabaw.
Magsasalpok ang isang matining at isang kangkarot… titilapon sa matining na lakas ang kangkarot… From such children’s past time of yore came the quaint Tagalog idiom, walang binatbat… lagi kasing ipinapalo o ibinabatbat lang sa tulis-talas ng matining na trumpo ang talunang kangkarot… nagkakauka-uka, nagkakabiyak-biyak…
Nahalungkat naman kamakailan sa isang website ang tinatayang katumbas ng matining na pagtuon ng diwa sa balak isagawa… “17 seconds is worth 2,000 man-hours (about a year at 40 hours per week of action taken.)”
Sa dagdag na tuusan…“34 seconds is worth 20,000 man-hours (or about 10 years); 51 seconds is worth 200,000 man-hours (or about 100 years); 68 seconds is worth two million man-hours (or about 1,000 years).”
At sa huling kabit na habilin, “If we can learn to offer pure thought energy for 68 seconds at a time, action becomes inconsequential!”
Pero kapag hikahos ang isipan at diwa, talagang iiral ang tinatawag na mendicant thought, mendicant thought, mendicant thought… at asahang tahasang magkakahindut-hindot ang takbo ng pamumuhay.
Sa tagpong pinagkunan ng pangalan ng isa naming pusa, hiniling muna ni Nameless na magpatuloy sa kanyang pagtugtog ng samisen ang isang matanda… at sa kung ilang matining, matiim, mataimtim na mga saglit, sabay na pumikit ang magkatunggali… ginanap ang kanilang sagupaan sa larangan ng diwa. Cum tacent, clamant.
Talagang hindi ako nasanay sa sangkatutak na bulyawan at murahan sa maraming lokal na panoorin… maingay… mababaw.
Comments