SUWERTE daw ang hatid ng gagamba kung makikita sa gabi—kaya siguro santambak na suwerte pa ang hinihintay na dumating… gabi-gabing daratnan sa itaas ng pintuan sa pamamahay ang 2-3 gagamba na nakapaglatag na ng kani-kanilang paanyayang lambat sa samut-saring mabibitag at malalapang na kulisap… “Come to my funeral parlor.”
Nakalipas ang pagsulpot ng mga salagubang nitong Hunyo, pero ni isa’y walang nahuli para ipasiyasat, ipalaro sa apo… mula ulalo ng kamote ang salagubang, at tila nanatiling kamote’t ulalo—nahalal o naluklok pa nga sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno.
Hindi na manginginain ng dahon ng kakawate, mangga, dapdap, alibangbang, sinigwelas o sampalok-- internal revenue allocation, tongpats o pork barrel na ang lalantakan. Kapit-bayawak pa ang sakmal sa kinalalagyan kaya kahit yugyugin nang todo, walang maririnig ni makikitang lumagapak sa lupa.
Kaya baka-sakali na lang sa suwerteng hahabiin ng gagamba… na sa tuusan nga’y payak lang ang payo tungo sa magandang kapalaran… fulfillment of responsibilities accrues power to the responsible o gampanan ang pinakamumunting gawain at dapat panindigan, tiyak na magtatamasa ng kapangyarihan.
At tuwing takipsilim nga, nagsisinop ng patibong na pamamahay ang gagamba.
Sa karimlan ng madawag na paligid ng isang agricultural training facility sa Bombon, Camarines Sur nakapanghuli noon ng higit sandosenang panlabang gagamba—ibinigay sa isang anak na lalaki, ‘kako’y ibenta ng kahit P10 isa sa kanyang mga kaklase na mahilig sa gagambakbakan… kambal na hiwas na patalim—paboritong gamit ni Dr. Hannibal “The Cannibal” Lecter—ang panagupang pangil, umaatikabong sagpangan… a study in close quarters combat and applied martial techniques in kinesiology.
Nauna rito, sa kalagitnaan ng itinitindig na Beverly Hills Subdivision sa Cebu City nakapanghuli ng kung ilan ding gagamba—maghahatinggabi habang kami’y lumalaklak ng Red Horse sa kalagitnaan ng ulilang lansangan na wala pang kabahayan… pandalas na pagsasabi sa ‘kin na baka raw ako mahulog sa bangin, madilim kasi, pero mga kainuman ang bumagsak sa kalasingan.
At lumaki ngang gumagalugad sa mga pilapil, patuto’t parang ng Nueva Ecija at Batangas na paghahagilap ng gagamba ang nakagiliwang libangan sa kamusmusan… naibahagi ang hilig sa mga lumalaking anak pati na ilang kuntil-butil na kaalaman mula sa pagbasa at pag-angkop ng kilos ng katawan sa latag ng lupain na gagalugarin sa paghahahap hanggang sa materials development…
Matindi sa tibay ang hibla ng gagamba-- about five times stronger than steel and twice as strong as Kevlar (the material for bulletproof vests) of the same weight, stretchable up to about 30% longer than its original length without breaking, and that’s very, very resilient.
Spiderman is a joke— hindi sa kamay, sa tumbong lumalabas ang hiblang pansapot ng gagamba. At kaiba ang ipinayo, fulfillment of tremendous responsibilities accrues tremendous powers to the responsible.
Comments