MANGAHAS umalulong ng ilang kanta… ‘yung tinatawag na Christmas quarrels para pumitas ng P10,000 mula Pambansang Samahang Pindot (PSP) o National Press Club.
Pampaligsahan dapat ang ibusina… taimtim na Gregorian chant sa panimula… Dona nobis pacem… litanya muna na may kasabay na mahina pero unti-unting lumalakas na sagitsit-taginting ng Angels we have heard on high…
Sa bahaging gorilla, oops, gloria in excelsis Deo, buhos na unos ng Joy to the world, the lewd has come, let earth receive their King… na may kasaliw-tuhog na lambing-lamyos ng Greensleeves…
Sa panapos, ubo’t ubos sa Hallelujah chorus mula “Messiah” ni George Frederick Handel…
Tuhog na tuhog ang uhog ng kuwento sa konsepto… nagsusumamong hiling ng kapayapaan sa sanlibutan… may mauulinig na balita mula kaitaasan ukol sa iluluwal na sanggol na maghahasik ng mga binhi niyon… tatambad nga ang hirang na mag-ina sa Joy to the World at Greensleeves… at sa huli’y maghahari magpakailanman ang kapayapaan…
Mungkahi lang naman ang inihanay na mga awit batay sa nawawaglit—o nalimutan yata—na diwa ng Pasko.
Udyok ang mungkahing bungkos ng awit sa mga kapatid sa hanapbuhay—and we don’t expect them to turn overnight into a Vienna Sausage Boys Choir-- na nais lumahok sa paligsahan ng PSP (hindi ‘to dinaglat na Pigil sa Pigi o Panday sa Pu…).
Pito kasi ang ubrang manalo’t kabilang naman ako sa sabik nang makarinig ng matinong Christmas quarrels… na hindi yata uso dahil nagkasundo sa 18-araw na tigil-putukan simula sa yugto ng simbang gabi at quarreling, Disyembre 16.
Kahit may tigil-putukan, walang humpay ang putakan. Pulos putak ng tandang gunggong ang mauulinig maghapon at magdamag dito sa isang lupalop sa San Jose del Monte… sintomas ‘yun ng acidosis, nakabukaka lagi ang bunganga, ilang buwan pa’t tigok ‘yon, wala kasing perang pangkonsulta kahit sa albularyo’t hilot.
Apat hanggang 10-kataong pangkat ang makakasali sa paligsahan—na hindi lalabis sa walong minuto ang performance.
Ipagbawal man ng DSWD ang quarreling, talagang talamak na ‘to para umamot ng konting panggasta o pantawid-gutom… kahit sa gitna ng EDSA, tiyak na may isa o dalawang gusgusin na kokokak, kakalampag ng konting barya sa sasakyang nakahinto.
‘Yang pagkanta’y katumbas ng dalawang ulit na pagdarasal. Talagang hinuhugot sa bukal o bukang puso’t puson ang ipupulandit na awit.
Tatlong ulit na dalangin naman daw ang katumbas ng taimtim na pananahimik… hinuhugot kasi sa budhi at katinuan ng isip ang pananahimik—exempted naman dito ‘yung walang katinuan, walang isip at walang budhi.
Sa paligsahan ng PSP, kabilang ako sa tahimik na ‘kikinig lang, ‘kikibahagi sa pagdiriwang sa diwa ng pagsilang ng Manunubos, pagpaslang sa mga manunuba.
Good luck sa mga lalahok na katoto’t kasangga at hayaan ninyong batiin ko kayo ng Happy Valentine…
Comments