Skip to main content

Blind item

SIRIT na…

Hindi sagot sa hulaan o bugtungan ang tinutukoy ng “sirit” sa wikang Batangan… pulandit o bulwak ng laman-loob, ihi’t dugo ang talagang tinutukoy.

Maraming pinaglaruang babae si Iton… at isang gabi nga habang suray ang lakad galing sa inuman, may umakbay sa kanyang kakilala… ni hindi nahagip kahit sa gilid ng paningin ang iglap na igkas-tuklaw ng balisong sa tagiliran ng dibdib… buong hinay na iniupo pa siya sa tabi ng kalsada. Saka lumakad palayo ang salarin… marahan, parang walang ginawang marahas.

Sirit mula sugat sa puso ang dugo ni Iton… nagmapa’t namuo ang kimpal sa aspalto… sa mismong pagkakaupo nalagutan ng hininga. Poetic justice for a debt of honor. Naging sukli daw sa daming puso’t puson na tinarakan ng biktima… hindi na nakilala pa ang salarin.

Sa mga blind item na lang itinatapat ang “sirit” sa ngayon, ‘pag hindi mahulaan ang tinutukoy… hindi na madugo’t masansang.

Sa malagim na pagpaslang sa mga mag-inang Estrellita, Carmela at Jennifer Vizconde noong 1991, lumutang ang mga kutob at haka-haka na kilala raw sa lugar ang mga salarin… pero walang tumuga sa pulisya o hukuman liban sa iisang saksi… may mga pangkatin pa raw na lumapit noon kay Lauro Vizconde, sila ang bahalang “magligpit” sa mga tunay na kapural ng krimen… para maigawad daw ang totoong katarungan… para sumikat—may media mileage siyempre. (Kung totoong may street justice vigilante groups, ba’t hindi na lang nila itinuloy ang “pagliligpit” kahit walang basbas ang Lauro?)

Laman na naman ng mga balita ang “Vizconde Masaker”—kumikilos kasi ang pamilyang Webb para mapawalang-sala si Hubert, isa sa anim na hinatulan nitong Enero 2000 ng reclusion perpetua o karaniwang 23 taon sa kulungan…

At lumulutang muli ang intrigang blind item… hulaan kung sino ang tinutukoy ni Lauro Vizconde na mahistrado ng Korte Suprema na nagsabi sa kanya na isa raw sa kapwa mahistrado ang “lumalakad” para mabaligtad ang hatol sa kaso.

Mahistrado #1 ang bumulong kay Vizconde sa hindi kanais-nais na Mahistrado #2 na bumubulong naman sa kapwa taga-Korte Suprema.

Sirit na kung sino sila?

Tumestigo raw sa panig ng akusado ang Mahistrado #2… baka kaya ang tinutukoy, si Senior Associate Justice Antonio Carpio na tumestigo nga noon?

Pero nang mapabilang siya sa Korte Suprema, ni hindi na nga sumawsaw sa naturang kaso… delicadeza kasi, kahihiyan at kagandahang-asal… saka ganoon ang itinatakda ng mga alituntunin ng hudikatura.

Oo nga pala, maraming Carpio sa Batangas… and they should know honorable demeanor and what it takes to uphold that.

Laway lang naman ang isisirit kung sakali ni Vizconde. Ibunyag na niya kung sino ba talaga sina Mahistrado #1 (na nagsumbong sa kanya, totoo kaya ang sumbong o baka tumbong?) at Mahistrado #2.

Baka may gagawa uli ng pelikula (Sirit Na Part 2?) kaya gumagawa na naman ng mga intriga’t blind item…

And these do not serve the interest of honor, justice or truth.

Comments

Popular posts from this blog

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Hardin at basura

ni Abraham Arjuna G. de los Reyes May hardin kami sa loob ng bakuran. Meron din sa labas sa bakanteng lote na tapat ng tindahan na konti lang ang layo. Yung hardin namin sa loob ay malago at kumpulan ang mga halaman. Wala na kaming matataniman sa loob. Laging basa ang mga halaman dahil lagi sa amin umuulan. Kapag walang ulan, dinidilig. Sa kinatatayuan ng mga halaman ay mga pasong basag. Mabato ang daanan sa hardin. May mga kalat na shell ng oysters. Dito gumagala ang mga alaga naming pagong, manok, aso, palaka saka mga gagamba. Sa hardin namin sa labas na tapat ng isang tindahan ay malupa. Tabi ng hugis bundok na tambakan ng basura na mabaho at malansa ang amoy. Mataas ang lupa kaya ginawa namin na lang na parang terraces na tawag sa Tagalog ay “payaw”. Ang pagpapayaw ay madaling gawin. Kumukuha kami ng asarol o “mattock” sa English. Ito ay isang metal na walang matulis na talim sa dulo at ito ay nakasuksok sa dulo ng hawakan. Ginagam...

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...