Skip to main content

Patram, puspam, phalam, toyam

HINDI naman pala tumataginting na pilak at limpak-limpak ang hinihinging handog ng Maykapal—ni hindi nga ikasampung bahagi o 10% ng kita na kinakabig ng mga pangkatin na isinasangkalan ang mga pangalang Kristo (marami nito saanmang sabungan), Ma-el s’ya ‘day (sumasamba’t dumadamba ang tulad ko kay Elpu ‘day) o kahit pa Batman, Superman, at suman.



Nakabungkal na nga sa Qur’an ang walang pangiming bilin ni Allah na “Kami ang magdudulot sa iyo ng biyaya. Hindi ikaw ang magbibigay (sa Amin) ng biyaya.”



Sa Bhagavad-Gita (Song of God), lalong nakaligtas ang bulsa sa mga panganib, parusa, at pangakong “siksik, liglig at umaapaw” ng mga namamayagpag-angas sa pulpito, entablado o kahit na sa bus na humaharurot sa kahabaan ng EDSA… laganap na talaga ang holdapan kung saan-saan.



“Putram, puspam, phalam, toyam.”



Hindi po ito bahagi ng “Oratio Imperata” na taimtim na inuusal upang maiwasan ang mga kagimbal-gimbal na kalamidad—tulad ng kalam-sikmura sa sambuwang gutom… halalan 2010, “Hello Garci,” ZTE-NBN deal… pakulong fertilizer a la Joc-joc Bolante… kandidatura ni Bayani Fernando at Erap Estrada… nasilat na de-padyak ni Mar Roxas… Charter Change at Con-Ass… pagbili ng P100-M swine flu vaccine kahit naghahagilap pa ng mga biktima niyong sakit… balisawsaw ni Ondoy na kaanak daw ni Mang Pandoy… teleseryeng para yata sa mga bobotante… alipunga’t hadhad sa singit na hindi matungkab ng Rexona… Pepeng iihi’t iihip… birit na pag-alulong ng kanta… pagsalida sa Marikina ng isang walang kalatoy-latoy na artista na dumapurak sa puso’t dibdib ng kanyang mga masugid na tangahanga matapos walang paglingon at paglinga kaliwa’t kanan na sinagip nito ang isa ring walang latoy na artista habang nakatunganga sa kanilang paligid ang nangangatog na daan-daang tangahanga na sinalanta din pala ni Ondoy…



Dahon, bulaklak, bunga, tubig. ‘Yan ang katumbas niyong mga katagang Sanskrit.

Ang mga ‘yon ang maihahandog—at tahasang tatanggapin. Parang musmos pala ang Maykapal na inaalayan ng mga pinakapayak na bagay na mahahagilap sa paligid.



Sa ika-26 na taludtod, pansiyam na aral ng Bhagavad-Gita, ito ang wika ng Maykapal: “If one offers Me with love and devotion a leaf, a flower, a fruit or water, I will accept it.”



Maipagkakait pa ba ang mga abot-kaya, abot-kamay na handog… na kailangan lang lakipan ng lantay na pagmamahal at pananalig?



Matapos ngang ialay ang kapipitas na bungkos na dahon ng ampalaya, naisama pa nga sa ginisang munggo na may hinimay na tinapang Salinas at hibe… naging food for lesser gods… like me.



Ganoon din ang simpleng seremonya sa bulaklak ng katuray bago gawing ensalada. Pati sa bunga ng okra, talong at ampalaya bago ilahok sa pinakbet.



Ganoon lang ang pag-aalay. Lalo na sa saganang buhos ng unos.

Comments

Popular posts from this blog

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Hardin at basura

ni Abraham Arjuna G. de los Reyes May hardin kami sa loob ng bakuran. Meron din sa labas sa bakanteng lote na tapat ng tindahan na konti lang ang layo. Yung hardin namin sa loob ay malago at kumpulan ang mga halaman. Wala na kaming matataniman sa loob. Laging basa ang mga halaman dahil lagi sa amin umuulan. Kapag walang ulan, dinidilig. Sa kinatatayuan ng mga halaman ay mga pasong basag. Mabato ang daanan sa hardin. May mga kalat na shell ng oysters. Dito gumagala ang mga alaga naming pagong, manok, aso, palaka saka mga gagamba. Sa hardin namin sa labas na tapat ng isang tindahan ay malupa. Tabi ng hugis bundok na tambakan ng basura na mabaho at malansa ang amoy. Mataas ang lupa kaya ginawa namin na lang na parang terraces na tawag sa Tagalog ay “payaw”. Ang pagpapayaw ay madaling gawin. Kumukuha kami ng asarol o “mattock” sa English. Ito ay isang metal na walang matulis na talim sa dulo at ito ay nakasuksok sa dulo ng hawakan. Ginagam...

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...