Skip to main content

Posts

Showing posts from October, 2009

Todos los Santi

M ASAKLAP dumalaw sa mga lansangan Lalo’t nagsisikip ang mga libingan. Balana’y hahangos sa Araw ng Patay Sa siksikang trapik—gas, oras ay sayang. Dahil ninanais nating makapiling Mahal na yumaong lumisan sa dilim, Bakit hindi kaya sila’y imbitahin Sila ang dumalaw sa tahanan natin? Iyang dalaw-dalaw talagang buwanan Ligaya sa kama ay paglulubluban… Ang buwanang dalaw kapagka sumablay Seksing mapagbigay mahihin… takutan! Dahil nakabuo panibagong bata… Teka, nagkamali… may bagyo pa yata Sungit ng panahon ay mananalasa Sa Araw ng Patay ay mananagasa. Hagulgol ng ulan, hinagpis ng langit Sa mga libingan… doon ihahatid Inang Kalikasan yata ang tatangis Mabubulabog po ang session ng tong-its. Ulila mang puntod tiyak matitigmak Sa luha ng langit buhos na dadanak… Gunitang nawaglit sa putik at lusak Dadaloy nab aha sa buong magdamag? May takutan siempre, meron ngang treat or tricks Ang mga kapural niyon pong ghost projects Pondo’y maglalaho, saan isinilid? Sa bulsa daw niyong mga ghost employ...

Kapre 'tso

Kapre ‘tso KUMAKAYAW ang kapre, nakangisi-- parang nangangampanyang Erap, Chiz, Gibo, Noynoy o Manny B. Villar, Jr. na mas kahila-hilakbot yata—sa guwardiyang nakatalaga sa may bahaging Snake Road ng Picnic Grove, Tagaytay City tuwing tikatik ang ulan o lirit ang ambon, dakong hatinggabi’t may buwan sa langit… Hindi maungkat ng guwardiya kung balak ding kumandidato sa 2010 ng kakila-kilabot na nilalang… naunahan na siya ng sindak… hindi naungkat kung meron mang plataporma sa pamamalakad ng gobyerno ang kapre… balot ng itim na balahibo ang katawan, parang Fidel V. Ramos na hitit-buga sa mahabang abano, nakatalungko sa tabi ng punongkahoy. Kung pananakot lang kasi, mas talamak ang inihahasik na hilakbot ng Kagawaran ng Kalusugan ukol sa mananalanta raw na A(H1N1), severe acute respiratory syndrome, avian influenza, at mga nauna pang salot… at mas matindi pa rin ang kleptospirosis na talagang sumasalanta sa sambayanan, pwe-he-he-he! Nagpalipat ng babantayang bahagi ng Picnic Grove ang guw...

Zaqqûm: Puno sa impiyerno

SISIHAN, sisihang umaatikabo Operasyon ng dam dapat daw mahinto Dahil kuryente lang iyong hinahango Pagtapon ng tubig hindi maiwasto. Patubig sa tanim walang pakinabang Hindi maigiit ng gobyernong lokal Na dapat maglaan sa mga sakahan Ang imbak na tubig nitong San Roque Dam. Hindi yata huli kapag ipinilit Na maglaan ang dam para sa patubig Ng lupang sakahan… lalo ung tag-init Palayan, gulayan pawang tumatangis. Kung ilang panahong dumaan ang bagyo Nanira, nangwasak… pero nang delubyo Itong sumagasa nataranta tayo. Madaling sumisi, sisihin nga ang dam Na itinindig daw malapit sa fault line Sakaling lumindol… wasak ang imbakan, Burado sa mapa itong Pangasinan. Mahirap po kasing maghanap ng lunas Lalo’t tayo’y sakmal ng takot at sindak. Panganib nitong dam laging mauungkat Mga pakinabang hindi masisipat. Ang biyayang tubig, talagang imbaka Malago, malawak nating kagubatan… Pansinin po natin kung gaano na lang Itong forest cover nitong kapuluan. Green spaces ng Hongkong? Sitenta por...

Patram, puspam, phalam, toyam

HINDI naman pala tumataginting na pilak at limpak-limpak ang hinihinging handog ng Maykapal—ni hindi nga ikasampung bahagi o 10% ng kita na kinakabig ng mga pangkatin na isinasangkalan ang mga pangalang Kristo (marami nito saanmang sabungan), Ma-el s’ya ‘day (sumasamba’t dumadamba ang tulad ko kay Elpu ‘day) o kahit pa Batman, Superman, at suman. Nakabungkal na nga sa Qur’an ang walang pangiming bilin ni Allah na “Kami ang magdudulot sa iyo ng biyaya. Hindi ikaw ang magbibigay (sa Amin) ng biyaya.” Sa Bhagavad-Gita (Song of God), lalong nakaligtas ang bulsa sa mga panganib, parusa, at pangakong “siksik, liglig at umaapaw” ng mga namamayagpag-angas sa pulpito, entablado o kahit na sa bus na humaharurot sa kahabaan ng EDSA… laganap na talaga ang holdapan kung saan-saan. “Putram, puspam, phalam, toyam.” Hindi po ito bahagi ng “Oratio Imperata” na taimtim na inuusal upang maiwasan ang mga kagimbal-gimbal na kalamidad—tulad ng kalam-sikmura sa sambuwang gutom… halalan 2010, “Hello Garci...

Off my chess

VAGINA raw ang pinagnanasaang bilhin ng panauhing banyaga nang hapong iyon. Karaniwang araw sa Heritage Art Center sa isang panig ng P. Guevarra, Little Baguio sa San Juan na saklaw ng lalawigang Rizal. “Mag-ina” pala ang pamagat ng guhit ni Norma Belleza—sumablay lang sa igkas ng bigkas. Lutong ng sitsaro’t sitsaron ang lutang sa tawa ng lakambini niyong tahanan ng sining. Si Lourdes “Odette” B. Alcantara. Na madalas kong kasagupa sa chess. Kapag wala pang naliligaw o nagsadyang panauhinsa halos ulilang bahagi ng lansangan. Mas madalas na may nagsasadya sa tatlong palapag na bahay American colonial period na ligid ng mga punong zapote’t kalachuchi—na naging imbakan at tahanan ng mga likhang sining. Matagal na panahon din kaming nagtatagisan sa chess—akalain ko bang naging women’s team captain pa siya ng tropang isinabak ng bansa sa World Chess Olympics? May isang pagkakataon na napaaga doon. Walang puknat na labanan agad. Natapos sa tanghalian… ginisang upo ang pinagsaluhan… cocido an...

Baba, babaw, baha

MAS malalim ang pundasyon, mas mataas ang maititindig. Kapag mababaw ang haliging ibinaon, tiyak na may erectile dysfunction, mabuhay na paninindigan… wala talagang itatagal sa bayo ng bagyo’t luha ng baha. Natambakan na pala ng basura, putik, at banlik o silt ang Lawang Laguna’t Ilog Pasig. Mababaw na ang kaligayahan. Kaya bawas na ang ikakaya para sa matinding buhos-unos, liligwak na ang bultong dagdag sa gilid at paligid. H’wag aasahan ang ungas na sambaso lang ang imbak, santimba ang pilit na itatambak—tiyak na magkakalat. Ibabaha ang baho. Kaya ang bunganga na pulos laway ang umiilandang, panay basura’t burak ang nakabara sa ulunan. Call that halitosis of the intellect, whatever passes for one. Kaya mas matindi ang tiwala at paniwala sa mga walang humpay sa pagdukal at pagbungkal. Lumalalim sila—run silent, run deep. Kagulat-gulat ang mabilis na pagbulas ng ratiles… pero mababaw lang ang suksok ng ugat ng ganoong puno. Hindi talaga pilit maghahalungkat at hihitit ng sustansiya...

Saan titino?

KAPAIN man nila ang laman ng dibdib Self-fulfilled prophecy ang nawa’y makamit; Muli, muli’t muli… laging ihihirit Trangkaso ng baboy ipagpupumilit. ‘Yang A(H1N1) na talagang ewan Mabagsik umano, dapat na iwasan… Salot na kakalat sa binahang bayan Lagim ng trangkaso, hatid—kamatayan. Pati na sa lotto subukang itaya Ang A(H1N1) at baka tumama. Nakaregla na raw ang matinding banta Pero parang bakla—ayaw manalanta? Dapat nang iboto, dapat ngang ihalal Para manalasa nitong taumbayan. Talaksang babala’y tila infomercial Ang sakit na ito’y ating paghandaan. Ating ihahanda baboy na mataba Ano’ng isusuka? Sampalok na mura! Ano’ng isasahog? Sambaldeng mantika! Saan ipapasok? Pagitan ng hita… Nauna kasi nga trangkaso ng ibon Avian flu pa yata ang taguri doon… Taguri’t tarugo—pareho na rin ‘yon Nag-SARS-SARS pa mandin, naging banta noon. Kahit nga nag-SARS-SARS, meron bang lumabas? Maski na sampatak ni walang nakatas… Public health prognosis lagi yatang palpak Pulos death threats mandin ang...

Titinik na, kikiling pa

TO hold up a bank… bangenge sa todo tungga nang ibungad ang limpak-limpak na balak sa kausap… ‘kako’y punuan na ang pampang na nanganganib laging gumuho, matuklap, matibag… punuan ng kawayan to curb erosion.. to hold up that bank of the Zapote River . Sa pagsiyasat sa bambang ng ilog na hatsing lang ang layo sa bahay ng kainuman, nagambala ng paghakbang ang sandosena yatang palaka,,, sinlaki halos ng tuta na bilis-kidlat ang igtad tungo sa ilog. Magtatakip-silim na noon, pandalas na sa panginginain ng mga nagsulputang gamumu’t mumunting kulisap ang mga palakang nakatambang sa sukal at damuhan. That diet of insects provide frog legs a Spanish fly side effect on the gourmet who eats wild bullfrog legs… but as for me I take to eating what’s between the legs of a dilag… Agad na inutusan ng kabungguang bote ang isang alalay na mamingwit mg palaka… talagang bigay-hilig sa tulad kong palaka… plog! plog! plog! ang sunod-sunod na tunog ng mga nabulabog, tuloy-lundag sa ilog. Ni walang sumagp...

Makalupang pagnanasa: 6"

BANGENGE sa todo tungga kaya iiral ang sinasabng “the loins’ desire increaseth but the performance decreaseth” kahit nagkataong paglulupa ang pulutan sa usapan. Nagluluwas sa China ng pulbos bunot-niyog o coconut coir dust ang mga katotong kausap. Inilalatag ang ganoong pulbos sa hangganan ng Gobi Desert, pinipigil ang pagkamkam ng disyerto sa mga lupang maaari pang tamnan ng food crops. All-out war to regain tracts of inhospitable land. ‘Kako’y matindi talaga ang mga taga-China sa pagmamahal sa kanilang tinubuang lupa. Kahit gumastos pa ng milyones para masinop, mapagyaman at masagip sa tuluyang pagkabaog ang ganoong latag ng lupain. True-brown patriotism and down-to-earth humanity begins with a passion for the soil. Humans are an expression of the land they inhabit, and the doting love they have lavished on it… Adam was fashioned out of the stuff he stood and trod upon, remember? Nabanggit na tuloy ang Nauru —bahura o coral reefs ang kailaliman ng lupa pero suson-susong tae ng pa...

Bayog at bayag

PINAKAMAKUNAT yata sa may 1,250 species ng kawayan ang bayog—na malimit gamiting haligi sa bahay-kubo. Tumatagal kasi ng 50 taon, lalo na ‘yung higit dalawang taon ang edad… ‘yung taga sa panahon na halos dilaw na ang kulay… nakakabungi sa ngipin ng lagare ang kasinsinan ng makunat na himaymay. Siyempre, panalo sa lutuin ang labong ng bayog—may sangkap na pait. Kailangang ibabad ng tatlong araw sa tubig na may timplang apog para mapalis ang pait… para masalinan ng mineral na pampatibay ng buhok, kuko’t ngipin. Sa ganoong timpla, mananatili ang mapusyaw na puti ng himaymay, mas malutong pa sa kagat. Mapapagkamalang mataas na uri ng palmetto cabbage o ubod ng niyog kapag isinangkap sa lumpia. Tinimtim sa saluyot at bagoong ang karaniwang luto nito—katiting lang ang protina sa supling ng kawayan, pulos himaymay o digestible fiber lang… na mas masisikmura kaysa tinatawag na moral fiber ng mga sikat at sikwat na tao sa pamahalaan. Saka mainam sa katawan ang bisa ng ganoong himaymay. Kinakas...

Furyu

SA self-sustaining 70-square meter lot na binalangkas noong rehimeng Ferdinand E. Marcos: 25 sq. m. ang nakalaan sa sampalapag na dampa, 45 sq. m. sa tanimang lupa na nakapaligid. Pumapatak na 35% allocation for structure, 65% for Nature—the entire scheme of sharing spaces is meant as enhancement to the dweller’s humanity and inner quality of life. ‘Yung kabuuan ng 70 metro kuwadradong lote ang mismong lawak ng pamamahay para sa pinakapayak at masinop na pamumuhay. Maisasalin sa mas malawak na latag ng lupain at pamayanan ang ganitong hatian, 35% for structure, 65% for Nature. Sa Japan, 75% ang inilaan sa Kalikasan, 25% sa pamayanan at sambahayan. Sa inaakala nating masikip na Hongkong, 70% ang sa Kalikasan, 30% sa mga pamayana’t sambahayan. Magugunita ang iginiit ng isang mistiko ukol sa ganitong pagpaparaya ng mas malaking bahagi ng lupain sa Kalikasan: “Hindi sisidlan ng kapangyarihan ang kalawakan. Ito mismo’y kapangyarihan!” Magugunita muli na sa kalawakan ng disyerto nag-ayuno ng...

Haliging kugon, pwe-he-he-he!

MAGHANAP ng puno hindi gawang biro Kung sa kugunan lang uungkat ng tubo— Masusumpungan do’n pulos sukal lang po Pawang mga bansot, tindig naigupo. Kasi nga ang lupa, lupang tinubuan Nahuthot, nasimot ang taglay na yaman… Kasi nga, kasi nga ay pinabayaan Kaya pawang kugon silang nakatanghal. Diin nga ni Rizal kung ano ang tao Walang alinlangan—magiging gobyerno Kung ang nakahasik ay binhi ng bagyo Aanihi’y unos, bagyong todo-todo. Sa bayan ng bulag ang hari ay pisak… Paano na kayang tayo’y maghahanap Kung pawang karimlan ang taglay sa mata’t Pulos abo’t putak ang karga sa utak? Roleta ng palad muli pong iikot At bagong numero itong mabubunot… Roletang halalan tayo ay tatanghod Bobolahin muli’t tutuklas ng sagot. Tumaya, bumakas, pili ng uugit Sa bangka ng bansa na tumatagiliid Kahit pulos ugon, kahit pawang impis Hahanap po tayo materiales fuertes… Haligi ng bayan: haligi ng bahay Sinusukat-sipat diyan sa kugunan. Baka may lumabas, baka may lumitaw Kahit lang pambubong na sadyang matiba...

Subukan ang Sudoku

PARA maging labaha ang killer instinct sa pagsalakay, naipayo sa anak na matuto munang (1) gumuhit o umukit, (2) sumulat, (3) tumugtog ng gitara o plawta at (4) magpakabihasa sa sining tanggulan o martial arts. Kulang pa kasi sa talim at lalim ang kanyang mga pakana’t pamatay na sulong sa chess noon… Sa sinaunang panahon sa China, ang mga tinukoy—kabilang na ang paglalaro ng kanilang katumbas sa chess, shang kee (na pinagmulan naman ng ating katutubong laro, sungka) -- ang pamantayan sa pagiging ganap na tao... hindi talaga ituturing na tao kapag kulang ang kaalaman sa limang sining at larangan. Marka o palatandaan daw ng matinong pagkatao ang may taglay sa mga ganoong kaalaman— na ang tahasang pakay ay mahubog na lubusan ang (1) diwa, (2) katawan, (3) puso, (4) isip, at (5) kaluluwa. Talagang totoo yata sa China ang kasabihang “madaling maging tao—kahit sa tabi-tabi’y ubrang patuwad o patayo para makabuo—mahirap magpakatao.” O, maituturing ba na kapwa-tao ang kulang na kulang at hika...

Sulak ng bibig...

“WORDS, bearer of significance, have consequences.” Kulang pa yata ang itinakal na bugbog ng napikang mambobola sa miron na inakala yatang may karapatan nang manghalihaw ng tungayaw at kantiyaw ang kahit sinong kayang magbayad ng P1,000 yata sa ringside couch for any couch potato. Babakas kami ng simpatiya sa mambobola. Karaniwang miron lang po ako, suwerte nga na payag ang game officials na tumutok nang malapitan sa aksiyon. Pero mas hiyang pagtutok sa mixed martial arts—karatedo, muay, taekwondo… tipid na tipid makakuha ng kill point kaysa tambakan ng basketbolahan, meron pang graceful, easy animal poetry in motion. May panahong pinatutok sa PBA. Pero sa tatlong yugto ng laro, tunggaan kaming umaatikabo ni Mr. Fernando Dalupan sa Alibangbang o Bamboo City… sa fourth quarter na lang magmimiron… at susulat ng ulat… engagement is not required of a spectator—kahit pa ang binobosohan ay umuusok na pakikidaupang-ari ni Dr. Hayden Kho o paulit-ulit na pagbasura sa impeachment complaint sa n...

Krudorobo at bobo

BANGENGE nang binanggit sa mga katungga—ika-apat ang kanilang kompanya sa mga dambuhalang nagtutustos ng krudo sa bansa—ang copa-iba (Copaifera jacquinii, C. nitida, C. paupera, C. sellowii, Copaiva officinalis), punong katutubo sa South America na (ayon sa nabungkal noon sa aklatan ng Kamara) diesel ang katumbas ng katas… hindi na kailangang idaan sa thermal cracking para maigatong ng diesel engine. Dahil malawakang tanim-puno ‘kako ang kailangan, lalo na sa mga a la noo ni Noynoy Aquino na kagubatan ng bansa—kahit sa Sierra Madre, Caraballo’t Cordillera—baka mapakinabangan ang copa-iba sa pagpapanumbalik ng mga 80% ng forest cover… at ang bawat puno’y buhay na bio-diesel pump na mapagkukunan ng fuel for SUV and public utility vehicles, hindi pa makakapanalanta ang mga Ondoy, Pepeng, at mga 20 bayo ng bagyo sa bansa. Lumalabas kasi na mas mainam ang copa-iba kaysa tuba-tuba o Jatropha curcas. Napapanahon nang maging oil sheik ang mga makakatuklas ng renewable diesel source at magtatan...