HINDI pa ipinagbabawal ang mga tanga’t gunggong.
Kaya lumabas man sa isang ulat na bawal na raw ang paputok, watusi man o weapons of mass destruction, hindi naman bawal ang paputak.
Laway at lalamunan na may itatagal sa maghapon at magdamag na putak ang kailangan upang isalubong sa paglisan ng lumang taon, pagpasok ng bagong taon.
Kasabihan nang pinagsanib ng Lumikha ang saradong utak at walang humpay na putak… small minds fit into loudmouths… at naglipana sa paligid ang ganitong kakatwang gunggong na animal.
Puputak lang ang inahin na nakalimlim sa pugad kapag may handog na itlog… parang nanganganak ang pangingitlog, hihilab din, iiri bago lubusang lumabas sa puwerta ang pinaghirapan. At patalastas nga ang putak, may bagong lagak na galak—na sagana sa protina.
Bawal ang paputok. Hindi bawal ang tanga’t gunggong—mamamayagpag pa ang paputak. Na ubrang tipunin saanmang liwasan, sulsulang pumutak nang pumutak, magsaboy ng halitosis sa hangin… para masabi nga naman ng sambayanan na meron silang nagawa… mas angkop, nangawa.
Naging tradisyon kasi ng ingay at usok ang pagdiriwang ng bawat bagong taon. Pantaboy daw ng malas ang ingay, pambingwit sa suwerte… kahit naman tilapia o tursilyo ang bibingwitin, mabubulabog sa ingay… lalayo sa bingwit.
Kung wala rin lang balak magsayang ng pera sa pailaw, maaaring maglagay na lang ng siyam na mirasol o kandila sa bahaging timog ng tahanan… sa paniwalang feng shui, sa timog nakadambana ang kinabukasan, ang hinaharap, at kasikatan.
Sa mga nagnanasang sumikat, dapat na sinupin ang bahaging timog sa pamamahay… there’s no way to go but up when you’ve done south.
Apoy at mga kulay na pula’t kahel ang nakatalaga sa timog… hindi lang bagong taon kundi kinabukasan ang saklaw dito— angkop na lagyan ng ihawan, fireplace, muwebles na kahoy… mga palamuting matulis o hugis-tatsulok, ay, hugis tatsulok nga pala ang malinamnam na carne sur…
Sa timog nakaluklok ang puwerta… na kahit maglabas man ng itlog, madalas na tikom ang labia nito… tahimik… payapa, tiwasay.
Mas kapani-paniwala ang naglalako ng isda, gulay, o kakanin… maghapon man ang bulwak ng bunganga ukol sa inilalakong paninda, tiyak may maipapakitang katibayan ng itinitinda… and that’s a lot of edibility and credibility… so who’s buying hogwash peddled off at all hours?
Pero kapag ganitong bawal na nga ang mga paputok, kahit pulos mintis ang mga paputak, baka sila na ang mapagbalingan ng balanang nasanay sa salaulang paghahasik ng usok at ingay sa hangin sa pagsapit ng bagong taon.
That’s how Filipinoise do it.
Comments