LUMUTANG sa inuman na walo ang kanyang puwesto sa palengke-- nagtitinda ng mga kasangkapan sa bahay. Tumatakbo siyang punong barangay.
Tiyak na daw ang panalo: 200 ang kukuning bantay sa bilangan, 200 bantay sa presinto, at 50 tagaluto ng pagkain para sa mga dadagsa sa kanyang bahay.
Tinuos ang gastos—tig-P200 daw bawat bantay na papatak sa P80,000.
Hahakot daw ng kahit tatlong boto ang bawat bantay, 400 x 3 kaya kokopo ng 1,200 ulo sa barangay na may 2,000 botante… idagdag pa sa bilangan ang makukuhang 150 ng mga tagaluto.
Kailangan lang na pasayahin ang 10 araw na kampanya-- bumaha sa taltalan, pulutan at hinebra, sabaw at sarsa, banda at parada…
Napasabak ng tagay doon, nasasaan… nabiling, nahimasmasan… at ipinasyang huwag na lang makigulo pa sa singaw ng halalan ngayong Oktubre 25 kahit sa sariling barangay sa San Jose del Monte, Bulacan.
Naging kapingkian ng bisig ang yumaong Ernesto Ortega—nag-aral ng iaido o iglap na igkas-tarak ng patalim, sumikat sa pelikula—na matagal ding naglingkod na punong barangay sa ilang tumpok ng mga sambahayan sa Tondo sa Maynila.
Sabihin mang balwarte ng mga isang-kahig-isang-tuka ang saklaw ng katoto, hindi niya naging sakit ng ulo ang mga ilegal na pasugalan, bakbakan ng mga gang, nakawan o bentahan ng droga… na aakalaing pinakamatingkad o madalas sumulpot na mga problema sa ganoong lugar.
Halos dinding ang pagitan ng mga kabahayan, magsasalin-salin, naghihiraman lang pati hininga’t amoy, alimuom ng ingay bawat tagaroon…
Tsismis at kaliwaan, kaliwaan at tsismis… gano’n lang lagi ang idudulog na problema sa katoto— walang pinipiling oras na ikakatok, idudulog ang ganoong sigalot sa kanya…
Kaya yata patok sa buong sambayanan na nakatutok sa mga palabas sa TV o sulatin sa babasahin ang ukol sa tsismis at kaliwaan, kaliwaan at tsismis.
Wala nang mas mataas pang antas ng usapin na lulutang o mauungkat. Hanggang doon lang ang abot ng pananaw.
Katapatan sa isa’t isa para sa magsiyota’t mag-asawa, ‘yon na ang pinakamahalaga.
Katapatan at respeto sa sariling pagkatao ang nakalimutan ng mga nakatulos ang tanaw at tingin sa mga kalapit… sisiraan, gagawan ng tsismis.
Gano’n ang kalakaran do’n. Kumpirmado sa ilan na ring kakilala na naninirahan o nanunuluyan sa mga katulad na lugar.
Ilan bang lugar ang may ganitong kalakaran sa may 42,000 barangay sa Pilipinas?
Sabi nga’y tal pueblo, tal gobierno—kung ano ang tao, gano’n ang gobyerno… parehong talo.
Lilitaw na sadsad sa bansa ang anumang ipinangaral ng Manunubos at ng kanyang mga kampong pastor, pari at mga kauri…
Lilitaw: hindi pulitiko ang kailangan para lunasan ang pinakalaganap na kapansanan ng sambayanan.
Bakit kaya walang kandidatong Padre Damaso, Padre Salvi, Pastor Rotot o Pastor Nilyo sa halalang pambarangay?

Comments