MAGTALISUYONG sunbird at pulangga (yellow-vented bulbul) ang magkasunod na sumulpot sa dawag ng sipit-banagan sa aming halamanan… signos yata ng tila paurong na usad ng lagalag na Venus sa Scorpio simula Oktubre 8 hanggang Nobyembre 18… aba’y 40 araw na udyok para maglimi ukol sa mga kaliyag, kaliyab, kasuyo, kasabwat, katoto, at iba pang kaniig sa buhay.
Nanunudyo ang dalawang sunbird— mataginting na sweet, sweet, sweet ang kagyat na bati pagkadapo sa nakalaylay na bulaklak ng sipit-banagan… sisimsim sila ng nektar, saka aalis.
Pakitang-gilas lang ang magkabiyak na pulangga, wala silang malalantakan na anumang bungang-kahoy sa aming pananim… baka nga nagsaboy lang ng kamandag o mga punit na gunita— ilan bang inakay at inahing pulangga ang napilas ang katawan sa saltik ko noon?
Paslang na ang inakay na pulangga’t lugmok sa lupa, pero hindi tatantanan ng kasamang ina o ama, aali-aligid na humihikbi… kasama siya ng kanyang inakay na mamamatay.
‘Tindi ng nurturing instinct ng ina at amang pulangga… maglagay ng nakataling inakay sa bukas na hawla, sisiyap ang “ibon mang may layang lumipad, kulungin mo at pumipiglas…” tiyak na dadaluhan, papasukin ng kahit sinong mga magulang ang hawla… at kasamang mabibilanggo ng inakay. Ganoon ang pakana ng isang katiwala ng isa sa mga natutuluyan sa Tagaytay, nakadunghal sa lawa… hindi lang dosenang magtalisuyong pulangga ang mabibitag—ipagbibili ng P70 sampares.
Noon… malakas pa ang purchasing power ng salapi, nasa magkabilang mukha ng bagol ang tao at ibon… karaniwang bayani o taga-ugit ang isang mukha, mandaragit na agila ang kabila. Duling na ang nakasagisag sa singko ngayon—wala nang sigasig ng pag-ugit at sagisag ng pagdagit. Wala nang maliliming halimbawa ng ibon at tao.
Nang mabuntis at naiba ang hubog ng katawan ng pinagpapasasaan, tinuwaran na ng kupal na ‘yon ang kagampang ina… o pumiling pero tinuwaran na ang mga tungkulin bilang padre de pamilya… mag-isa ang ina na kailangang nagpapalaki’t nagtutustos sa bawat kailangan ng musmos… iba talaga ang gawi ng pulangga, hindi na kailangan pang ipagunita ang unang aralin sa larangan ng digmaan mula Bhagavad-Gita… “nakalaan ang isang lunan sa impiyerno sa mga lalaki na sumisira sa tungkuling pampamilya.”
Para makaiwas sa kahihiyan… o kakulangan ng pantustos… o kulang sa kahandaan sa pagiging magulang… o ihahalihaw na sampal sa simbahan ang pagsuway sa patakaran, iiwan sa paanan ng simboryo ang inilaglag na sanggol… iba talaga ang gawi ng pulangga.
Maiiwang nakasalagmak sa lupa ang inakay, ama’t ina… pare-parehong mamamatay na magkasama. That’s nature, so predictably set in wont and want… human nature is a lot difficult to figure out.
Baka may susulpot na makabagong Gregor Mendel, huhugot sa mga mainam na katangian ng pulangga sa pagpapamilya… isasalin sa tao…gene splicing doesn’t need sermons.
Comments