SECOND round ng pakikipagbuno ng apong Musa sa dengue, nakaratay sa ospital, baka abutin ng sanlinggo bago maigupo ang sakit… nasagap sa Guiguinto, Bulacan sa pamilihan ng mga pananim.
Silver dollar tree or Eucalyptus cinerea sana ang nahagilap doon o kahit sa pinuntahan nilang lupalop sa Benguet, do’n ako nakasumpong ng naturang munting puno… P150 santangkay sa bagsakan ng mga bulaklak sa paanan ng tulay ng Dimasalang sa Sampaloc… may hibo ng pilak ang mga hugis-bilog na dahon, pampasuwerte sa daloy ng salapi sa pamamahay kapag nakatanim sa gawing silangan o timog-silangan…
Pero mahirap patubuin, kailangan ng rooting hormone para mag-ugat. Pananim na angkat mula Australia, balwarte ng katoto at katunggaang Carl Wilson, isa sa mga dating kabise ng sangay sa bansa ng Agence France Presse. May kakatwang halimuyak na nagtataboy ng mga kulisap, lalo sa lamok… na sanhi ng karamdaman ng apo…
…na kung kabilang sa mga kabataang peryodista na nabibigyan ko ng panayam, tiyak na masasagot ang panganay na ungkat sa kanila… 10 aklat na binasa sa nakalipas na tatlong buwan. ‘Yun lang kasing may isinalaksak na input sa bumbunan ang may ibubugang output kahit sa makabuluhang satsatan o ratratan.
Nagmistulang aklatan ang silid ng apo… nagtambak ang kanyang mga aklat sa paligid… ‘kakahili, Pepe and Pilar ang tanging aklat na nakamulatan ko sa kanyang edad, napilitan agad na ilantak ang murang bagang ng utak sa Philippine Readers series ni Camilo Osias… pulos komiks na ang kasunod kahit hindi pa tumutuntong sa unang baytang ng paaralan.
Pagkagising sa umaga, gawi na ng apo na ihasa ang kanyang pansin sa pagbuklat ng mga pahina—a book is one noble warrior with so many pages.
Baka may katiting na kiliti sa mga daliri’t palad ang pagbuklat-buklat… baka nakakatuwaan ang mga nakatambad na larawan sa bawat dahon—‘halaman,’ ‘alaman’ ang katumbas sa wikang Malay. Inaarok marahil ang mga nakalatag na titik at tinta.
Baka tulad pa do’n sa “Crouching Tiger, Hidden Dragon.” Ninakaw ni Silver Fox ang Green Destiny Manual na nililinaw ang mga masinop na paraan sa gamit ng espada. Mangmang pala’t hindi marunong magbasa ang nagnakaw. Hanggang tingin lang sa mga nakalarawang anyo sa aklat… na binasa nang lubusan ng kanyang alagad… nagagap na ganap ang pamamaraan, dinaig sa pananandata si Silver Fox— na nangimbulo sa kakayahan ng bata.
Siyempre, a picture paints a thousand words… but so few words of illumination can paint a zillion pictures.
Masakit sa bulsa ang presyo ng kahit mga aklat ng apong Musa, talagang higit P50 ang isa, katumbas ng arawang pantustos sa pagkain at iba pang pangangailangan para mabuhay ang higit 20 milyong Pilipino ngayon… lalabas na luho ang aklat.
Pero natukoy na kailangan ng musmos ang pinakamababang dami na 500 aklat sa pamamahay upang magpursige sa aral, magtapos sa kolehiyo… sabi nga’y reading maketh a full man.
Tiyak: isususog na naman ni Dennis Fetalino na konti na lang ang nagbabasa ngayon… kaya naglipana ang mga bakla.
Comments