Skip to main content

Salakay ng puso, salakab sa gunita

PEBRERO 2003. Matindi ang mga kasabay ng dinireheng dula ng anak kong babae. Topak ng isang bayani ang isa, mapapanood sa CCP. Kabaklaan ang isa pa- ilalabas ng PETA.

Nagbungkal ang anak sa mga dahon ng gulanit na aklat ng mga kuwentong bayan. Hiniling na isulat ko siya ng dula. Dulang pambata. Kasi, pawang laan sa mga gurang at de-edad ang mapapanood ngayon. Maglaan naman daw kami sa mga bata.

Paslit pa siya nang iregalo ang aklat na iyon sa kanilang magkakapatid. Apat sila. Iningatan ng anak na babae ang aklat. Iningatan sa kung ilan ding yugto ng lipat-bahay. Kasama iyon ng mga nakalibrong komiks ng pakikipagsapalaran nina Tintin, Spiderman, Wolverine, Batman... mga tauhang isiniwalat nina Hans Christian Andersen, Brothers Grimm at Mother Goose. Ah, masinop ang anak kong babae. Kaisa-isang anak na babae.

Santaon lang yata siya nang ipinagsasama sa ilang sukal na bahagi ng UP Diliman, weekends. Manunugis ng paru-paro't tutubi. Mamumupol ng kadena de amor at kalug-kalog. Maghahagilap ng gagamba't kabute. Yuyugyog sa punong mangga't sampalok ng salagubang. Hindi talaga mapaknit sa pagpapakarga. Palahaw ng iyak kahit sandaling ilapag. Kaya biglaan ang akyat-puno/yugyog-sanga/ talon-baba. Dadamputin muna siya. Tigil ang palahaw. Aaluin habang humihikbi. Pupulot ng mga gumagapang nang salagubang. Laruan niya. Natatandaan niya iyon.

Karga ko siya nang upakan ako ng bangag. Galing kami sa serenata. Hindi nakasalag ni nakailag. Sapol ako sa ilong. Sargo'ng dugo. Pinilit kong hindi bumaligtad. Sumadsad - kasi'y may batang kipkip sa dibdib. Magdidilim noon. Nagdidilim din ang paningin ko. Inilapag ang karga. Akala yata ng bugok, suntok ang isusukli ng kinursunada niya. Iglap na binalian muna sa tuhod. Kasunod sa siko. Lumagutok. Bagsak. Ni hindi yata nasaktan. Inigkas mula baywang ang kortapluma, sabunot ang buhok ng hindot na kupal -- binuyangyang ang leeg, tinolang manok, hindi makapiyok, titigok.

Palahaw ang anak, "Papa, uwi na. Papa, uwi na."

Buhos ng tubig-lamig sa tuktok ang narinig. Umuwi kami. Ni hindi nilingon ang iniwang lasog na kalat -- hilahod na salagubang, kinalas na manyikang hindi makagapang. Hindi mahahagip ni masusundan ng pananaw-musmos ang mga kisap-matang pihit ng pandigmang paraan. Mainam naman. Hindi dapat maglagda ng anino ang kahit iglap na siklab ng dahas. It takes reptilian cold-bloodedness to put to work such efficacy at mayhem.

May 20 tudling na ng ube't molave ang naitanim naming mag-ama sapul sumilip ang araw. Lampas 10 taon na siya noon. Nasa paanan kami ng Sierra Madre. Linggo rin. Alas-diyes na yata ng umaga: paakyat sa tuktok ang araw. Sagad-sigid ang init. Nakakahilo. Nagsusudsod siya ng lupa nang bumalong ang dugo sa kanyang ilong. Balinguyngoy. Tinamaan ng sunstroke. Inakay ang anak sa lilim. Hinagod ng malamig na tubig sa batok, sa ulunan. Tumigil ang dugo. 'Kako'y namana niya sa akin ang ganoong sumpong ng katawan. Mana sa ama ang baltik ng ulo.

Higit 12 taon na siya nang maisipang ikuha ng puting sanggumay-Benguet sa duklay ng punong pino - sa Baguio kami noon. May kataasan ang puno pero maganda't mahalimuyak na gantimpala ang bulaklak-ilap. Inalam lang kung saan naapuhap ang ganoong bulaklak. Itinuro ang pinagkunang sanga, nakayakap doon ang iba pang sanggumay, naghihitik sa talulot-ilap. Napangiti ang anak. Naisip tiyak: umiral na naman ang gawing bayawak ng kanyang ama - yakap-puno, tulay-duklay. Quite risky that, but a father doesn't pay any price for getting and gifting his daughter with such a spur-of-the-moment memento anywhere. Salagubang noon, sanggumay naman sa pagkakataong iyon.

Dalawang punggok na punong pino ang kasama ng natapos na iskrip ng dulang pambata na hiniling ng anak. Sa kagubatang pino ng Longlong-Puguis sa La Trinidad binuno ang huling yugto't ilang tagpo sa dula. Nakasumpong ng mga punggok na pino sa bubong ng kamarin ng mga kagamitang pansakahan. Matarik ang bubong. Pero umiral muli ang gawing bayawak.

Ibinilin kong alagaang mabuti ang dalawang punggok na pino, inanyo sa tig-isang mababaw na paso, ginayakan ng lumot at mumunting lunti sa paligid - bonsai talaga.

Payak ang dahilan sa pagtitipon ng mga ganoong punggok na puno. Huklubang puno ang anyo, munti sa sukat. Pambalik-tanaw sa nakalipas na pilit babalikan. Pampasariwa sa daloy ng masasayang gunita - sa bagwis ng ganoong gunita nakakapaimbulog, nakakagalugad sa lawak ng himpapawid si Peter Pan.

Punggok ang pino pero makapal na ang banakal. May gayak na lumot ang paanan, tulad ng mga dambuhalang pino sa ilang. Masusukat sa dangkal ang iilang mumunting duklay. Na hitik sa gunita ng mga puting sanggumay.

Ah, ganito lang ang masasalat at malalasap mula sa dulang sukli sa lambing ng anak. Ang totoo'y ibinubunyag lang ng manunulat ang kanyang sarili sa sinulat. Nakapaloob sa dula ang katiting na igkas-dahas mula shinkage-ryu kendo - na sa puso lang iglap na naglalagda ng anino ang dahas. Sinahugan ng taimtim na gawain bilang dalangin - such work ethos is love made palpable and enduring.

Mapapanood ang dulang musikal na "Larawang Kapilas Puso" - sa direksyon ni Angeli de los Reyes -- sa Rizal Conference Hall ng St. Raymond Building, University of Sto. Tomas nitong Pebrero 20, 21 at 22, 2003.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Wealth garden

‘TWAS CRUEL as smashing a budding green thumb: some years back, an abuela warned me about letting any clump of katigbi (Job’s tears or Coix lachrymal jobi for you botanists) from growing in our homeyard. That grass with rapier-like leaves that smelled of freshly pounded pinipig supposedly invited bad luck and sorrows—why, that biblical character Job wailed and howled a lot, didn’t he? (But was later rewarded with oodles of goodies, wasn’t he?) Then, I came across some arcane text that practically goaded folks to grow katigbi in their gardens—why, there’s a starchy kernel wrapped shut in the seed’s shiny coat. A handful or more of kernels could be cooked as porridge. Too, one could whisper a wish upon seven seed pods, throw ‘em pods in running water—a river or stream—and the wish would be granted! I was warned, too, about planting kapok or talisay trees right in the homeyard—these trees form a cross-like branching pattern. Pasang-krus daw ang bahay na kalapit sa puno ng kapok, tal...