“A low 0.002 percent of senior high school students had mastery of Filipino.”
--Department of Education
PAYAK na pamantayan ang inilapat namin. Para sa mga lahok sa isang pambansang timpalak-panitik nitong nakaraang taon. Basta matino lang ang pagbuo ng pangungusap. Ganoon lang.
Hindi na naghangad na biglang masambilat sa bayag o kipay, mahagod na malamyos o malamutak sa dibdib. O biglang makaldag sa sikmura. Kahit makiliti sa singit o makalaykay-halukay ang likaw ng isaw o iglap na matahip ang isip. Walang nasumpungang ganoong pamamaraan..
Panay sablay. Pulos nagkahindot-hindot. Talagang hilahod bawat lumahok sa pagbuo ng tumpak na pangungusap.
Mahirap paniwalaan pero totoo ang masisipat sa bawat natunghayang kuwento: barukbok sa English, busalsal naman sa Pilipino. Paano sila makapagsisiwalat ng kuwenta sa kuwento?
Kapansin-pansin na pinulot ng mga lahok ang diskarte sa pananalita mula radio. May mga ginagad mula telebisyon. Gumaya rin sa tabloid. Pero pulos pilantod at lumpong paraan sa pangungusap ang tinularan. Karima-rimarim na pagsusulat ang kinalabasan sa paraang monkey-see, monkey-do.
Takbo at ikid ng isipan ang ipinagkakanulo, ibubunyag sa pangungusap. Madaling matukoy na binuo muna sa English-Tagalog ang pangungusap. Saka ibinisaklat sa Pilipino. An’sakit sapulin kung ano ang talagang nais sabihin.
Naglipana sa pagsasaad pati matatawag na mga kakatwang kataga na sapilitang isinalin sa Pilipino mula English. Pidgin coinage o putok-sa-buho nang mailuwal. Sa madaling sabi, bastardo. Anak sa labas—ectopic pregnancy kaya hindi nabuo sa mismong sinapupunan. Nailuwal man, ituturing ng komadrona o obstetrician-gynecologist na monster, freak.
Partikular. Kung saan. Presensiya. Solusyonan. Komento. Polisiya…Kinarir. Taklesa. Mamamahayag? (An’dami nang bastardo niyan. Wala akong balak ampunin ang mga ganyan sa paghubog at pagbuo ng pangungusap.)
Saliwang gamit ng "siyang," “nang,” at “ng.”
Nakaugat sa latag ng lupain, sa pinagdaanang karanasan, sa mga taglay na kakayahan na ipinamumuhay ang pagyabong ng wika. Tukuyin nating halimbawa: sa mga paanan at tuktok ng bulubunduking Pyrenees at Alps nagpalit-anyo at nag-iba ng gayak ang Latin. Naging Spanish, French, Italian—bawat isa ay may itatangi na angking kaluluwa at pananaw sa umiiral na panahon at pamumuhay.
Tutukoy at magbabangon ng maraming kataga ang kalikasan. Sabi nga, laging kagampan ang Inang Kalikasan—lagi’t laging may isisilang na malalapatan ng katagang pangalan. Magbabangon ng maraming kataga ang pagsalunga sa iba’t ibang karanasan. May magpupumiglas at huhulagpos na mga kataga sa paglalapat ng kakayahan at kaalaman sa anumang gawain. Napakaraming isisiwalat na mga salita sa makulay na pamumuhay.
Lulusog ang wika. Tila dambuhalang ukab ng lupain na mapupuspos, mapupuno sa tuloy-tuloy na daloy ng tubig mula sa iba’t ibang pinagmulan—sa kalikasan, sa karanasan, sa pamumuhay, sa paglalapat-kamay ng kakayahan at kaalaman. Sarap maglunoy sa ganoon. Magtampisaw. Maghumiyaw. Maglublob-laro.
Hindi naman nakalublob sa kumunoy ang wika. Umuusbong ang mga kataga. Napipigtal na tila dahon sa usad ng panahon. Pero may mga nananatili, Naiiwan. Muli’t muling nailalahok na tila mga pangunahing sangkap sa lutuin—at magiging masustansiyang pagkain na inihahain sa mga paglalahad, sa pagsasaad, sa pangungusap. Isang piging, isang pista na may saganang handaan ang pagbunton ng mga pangungusap.
Huwag naman kaming gutumin. Ni ituring na kami’y timawa. O patay-gutom na lalablab sa kahit ulbuan ng baboy.
Naipasya namin na huwag magbigay ng anumang gantimpala ni gantimpagal o gantimpagod sa naturang timpalak. Naging parusa’t penitensiya kasi ang pagbasa sa mga lahok.
Nakakapika. Masasabi na ‘malalim’ na ang ganitong paglalahad. Malulunod na ang magtatangkang lumublob dito. Hindi na mauunawa ng karaniwang mambabasa’t mamboboso. Antigo na raw ang ganitong paraan sa paglalahad. Hindi na aangkop sa umiiral na kasalukuyang panahon.
Higit na kulimlim marahil kaysa pusikit na karimlan sa hinaharap-sarap nina Angel Locsin, Diana Zubiri at Francine Prieto ang nagbabantang sungit ng panahon.
Natukoy ng Department of Education batay sa mga pagsusulit sa mga mag-aaral sa huling taon ng mataas na paaralan: 2 bawat 1,000 lang ang may gagap sa Filipino.
Nagkahindot-hindot na talaga. Nauunawaan pa kaya ngayon ang mga nasulat na ito?

Comments