NAGMULA pa sa Paracale, Camarines Norte ang bumili ng ilang pirasong kagamitan para sa kanyang mga tauhan—hindi aakalain na paldong pera ang dala niya sa lukbutan, pulos kaliwaan ang bilihan ng pambomba ng hangin at ilang kilometrong haba ng tubo na dadaluyan ng hangin na pantustos-hininga ng ilang minero na nagdudukal ng mga tipak ng bato’t lupa… na paghahanguan ng madadalisay na ginto.
Asoge pa rin daw ang gamit nila para kumapit ang hilaw na metal… apoy mula suplete ang pandalisay… kumikinang na mumunting tipak ng abo ang hihiwalay, iiwan ng matinding init ng liyab… at sasalin naman sa hangin ang asoge.
Paulit-ulit na sasalin sa hangin ang hindi matuos na bulto ng asoge sa bawat pagdadalisay ng ginto.
Malalanghap, sasalin sa baga, puso’t aagos sa dugo’t lalagak hanggang sa utak… unti-unting mamiminsala. Sinaunang kasabihan: “Kangino ba pakikita ang ginto kundi sa sintu-sinto?”
Paulit-ulit na magsasalya ng ginto sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang nakausap na namumuhunan sa minahan sa loob ng bakuran.
Ayon nga sa mga ulat, small scale mining accounts for 80% of gold extraction in the Philippines.
Hindi pa naman siguro namimigat sa asoge ang papawirin sa Paracale, Sibuyan sa Romblon o kahit sa Diwalwal… wala pa marahil kritikal na antas upang sumulpot ang mga kakatwang sakit mula asoge, halimbawa’y mga dispalinghadong mukha, kahila-hilakbot na kakulangan sa mga bahagi ng katawan ng mga isinisilang na sanggol o mga pinsala sa utak at dugo… ganoon ang hatid na panganib ng asoge.
Siguro’y ito ang nakaugnay na pagsablay ng mga pagsisiwalat, pakikipagtalastasan at mga paglalakbay tuwing tila paurong o pabagsak ang manlalakbay na asoge— planet is a Greek word for ‘wanderer’—sa kaitaasan… Mercury goes on retrograde or falling motion 3-4 times yearly.
Nais mapatunayan ang sinasabi noon na kapag ipinahid daw ang asoge sa talampakan ng patay, babangon ito’t manghahabol ng tao. Para mapatunayan kung totoo nga ang ganoon, sinubukan sa isang lamayan… sabi nga, sapiens nihil affirmat quod non probat… pero walang nangyaring makahagalpak-sikmurang halakhakan, himala o habulan… sa mga napanood na lumang pelikula nina Dolphy, Panchito at Chiquito nangyayari ang kalmot-kiliti ng asoge sa talampakan ng bangkay... sa pelikula lang.
Samantala, nakaamba ang Minamata disease at iba pang kahila-hilakbot na sakit mula asoge… pero malaking kabuhayan ang ginto.
Pulos digital thermometers and blood pressure monitors ang ginamit sa ‘kin nang ako’y maospital… ah, a 2008 Department of Health directive calls for the phase out of mercury-containing devices by September 2010…
Nakatanggap kamakailan ng ulat… Omron Healthcare Group, represented here by Collins International Trading Corporation, “was the first to introduce manual and digital blood pressure monitors into the healthcare market and offers innovative products and medical devices for use in sites ranging from hospitals to the home…”
Pero mas matindi pa rin ang halina ng ginto.
Comments