Skip to main content

SIMULASYON (Isang maikling katha)

LUTONG ng lintik na pinadaloy sa kawad ang banayad na bigwas ng tinig sa siksikang silid.
“Dito… merong marunong tumugtog. Gitara, silindro, piano, banduria? Violin… Kahit anong pantugtog ng musika?”
Walang umangat, walang tumango ni tumingin kahit isang mukha sa hanay ng mga nakaupo, nakadukdok sa kani-kaniyang computer screen. Bawat mukha’y ginagapangan ng nagsalit-salitang anino’t putlang liwanag mula sa walang kurap na matang salamin. Kumunoy na nahigop niyon bawat musmos na ulirat.
“Meron bang nagtatanim dito? Kapirasong halamanan. Paisa-isang buto ng ampalaya. Tangkay ng kamote. Santulos na malunggay, Sanga ng rosal. Sampaguita. Basta nagtatanim. Kahit sa paso. Sa tabing-bakod. Sa bakanteng lote…”
Walang pumansin sa tanong. Umaalimpuyo sa siksikang silid ang kasahan ng mga modernong riple’t pistola. Gumugutay sa katinuan ang sunud-sunod na putok. May kasunod na sambulat sa simuladong tugisan-engkuwentro. Tinatabunan sa elektronikong ingay, kantiyaw at bulwak ng mura ang bawat tanong. Nagsusumamo’t naghahagilap na mga tanong.
“Meron ditong atleta… school athlete? Manlalaro? Panlaban ng eskuwela sa mga paligsahan?”
Sunud-sunod na putok ng Browning semi-automatic .45 pistol. Nagmula sa sound blasters. Ganoon ang naging tugon.
“Sino dito ang mahilig sa pagguhit? O kaya humubog sa putik ng mga tau-tauhan. Kahit hayop. Kahit monster na bulilit na nagiging dambuhala sa isip… Sino dito?
Tilamsikan ang dugo ng tauhang winalis sa tingga ng AK-47 sa salaming mata ng computer. Dinugtungan ng gigil na sabayang pagmumura’t bulyaw ng namayani sa biglaang sagupaan.
“Sino dito ang nasa top ten sa klase? Meron ba ditong honor student? Scholar?”
“Fuck you!” Paungol ang pakli. Inis. Ni hindi binalingan ang pinagmumulan ng pag-uusisa. Nagkatawanan ang mga subsob sa simuladong iglap ng karahasan, sa elektronikong pakikilaro sa kamatayan.
Hindi nagmula sa hanay ng sound blasters ang sabay na pagkasa ng semi-automatic pistol. Kaiba ang tunog ng kumaskas na piraso ng bakal sa kapwa bakal, ang pagsalpak ng bala sa firing chamber… at ang kasunod niyong bulwak ng apoy. Sunud-sunod, walang patlang. Patuhog sa mga bungong nakadukdok sa simuladong karahasan at kamatayan.

SUNUD-SUNOD ang sambulat ng liwanag. Mula sa mga kamera. Patuloy na ikinakasa’t mala-kanyong nakaasinta. Halos walang patid na nagbubuhos ng kidlat sa pawisang mukha nina Tenyente Bruno Montemar at lima niyang tauhan. Barikada silang humarang sa kawan ng mga taga-media— tila mga langaw na kumulumpon sa paligid, pasinghot-singhot bago sumugod sa sansang ng dumi’t bulok. Nakatambang sa lulusutang puwang. Pawang nagpupumilit makapasok sa loob ng Bethlehem Cybergame Café.
“Trabaho naming ‘to, sir. Pupukpukin kami sa news desk. Malaki masyado ‘tong balita. Sobrang grabe. Lagot kami sa mga manonood,” giit ng isa.
“P’wede na ‘tong sa harapan kayo pumitik ng retrato. Me agos pa ng dugo hanggang dito sa labas ng pintuan. Pahiwatig na lang ng katayan sa loob. Bubuhol na’ng bituka ng makakakita niyan sa prime time news. P’wede nang anggulo ‘yan,” salag ni Montemar, may bahid pakiusap sa boses.
“Mas maganda kung may solid na ebidensiya, sir. Mga bangkay. Tinadtad ng tingga. Hinamburger. Me langhap-sarap. Para alam ng lahat—may masaker na nangyari dito.”
“Sorry guys. Mabigat ‘tong… kaso. Kooperasyon naman. Pagbigyan n’yo kami…”
Umugong ang kantiyaw. Tumahip na tulyapis sa hangin. Tila tubig na biglang lumagaslas; ibinuhos sa butas ng kasilyas.
“Ano ba ‘to, sir? Cover-up? Whitewash? News black-out muna tayo.” Nakangisi ang humirit. Nang-uuyam. Nangungutya.
Gumuhit ang dugo sa ulo ni Montemar. Gusto niyang sugurin ang reporter. Kaldagin nang kaldagin. Walang patid na kaldag sa bunganga. Gawakin ang sihang at ngala-ngala. Hanggang mawasak anumang palatandaan ng mukha nito.. An’sarap dikdikin pati buto’t bungo nito; pulbusin saka ihasik saanmang inodoro, sa alinmang kanal para tangayin o isadlak sa poso negro. An’sarap niyon. Ilang ulit siyang huminga nang malalim. Nagbuntong-hininga. Timpi pa rin sa bitaw ng salita, napapailing. Pinamumulahan ng mukha sa pigil na ngitngit.
“Ilagay natin: anak ninyo ang isa sa tatlumpung bata sa loob. Sabog ang bungo… sambulat ang mukha. Gusto n’yong ipagbilaran. Ipapausyoso natin? May naitulong ba ang mga usyoso’t usisero?”
Katabi ni Montemar ang imbestigador na humirit sa kawan ng taga-media. “Okey, okey. Nakapagtrabaho kayo. A, ano pa? Kami naman. Pagtrabahuhin n’yo kami…”
“P-pero… s-s-ser…” Bahintulot ang nagsalita, nakikisiksik, halos mapitpit ang katawan sa pagitan ng gitgitan ng mga taga-media.
“Isa ka pa… H’wag mong sabihing ahente ka ng punerarya. Napeste na kami ng taga-media. Mabuburat pa sa taga-punerarya. Santambak na talaga’ng kababuyan sa mundo… Sinalaula ng negosyo.” Kumikinig na ang litid sa leeg ng imbestigador sa pagsasalita. Suya na.
“Kailangang papasukin n’yo ‘ko. Dalawang anak ko. Nandiyan sa loob, ser…”
Laglag ang balikat ng imbestigador. Natilihan. Naupos. Nahimasmasan ang gigil. Nilinga si Montemar. Nagpapatulong.
“Naiintindihan naming kayo. Mag-intindihan tayo. Bigyan n’yo kami ng sapat na oras. ‘Yon lang ang hiling namin. Sapat na oras.
“’Pag pinapasok lahat sa loob, tungkab lahat ng bakas ng kriminal. Katkat ang mga ebidensiya. Semplang ang kaso. Walang krimen. Lusot ang kriminal.” Malumanay pero madiin tugon ni Montemar.
HINAGOD ng tingin ni Montemar ang hanay ng mga computer. Bawat isa’y terminal, sampirasong daigdig. Lubluban ng imahinasyon, kapirasong bintanang tatanaw sa saang larangan kapag dinadaluyan na ng kuryente’t programa ng laro.
Liban sa nangingitim na tilamsik, walang naiwang gasgas ni gatla sa bawat kaha ng computer. Makikinis pa rin. Hindi ganoon ang combat zone, kahit ang firing range, alinmang simuladong larangan ng digmaan. May mga naiiwang lagda’t bakas ng labanan.
“Wala ho akong natatandaang pumasok na ibang tao bago nagputukan. Nakita ko na lang do’n sa dulo. Sa bandang sulok. Narinig ko na lang na kinukulit ‘yung mga naglalaro. Pinagtatanong.” Nakapako ang mata ng katiwala ng Bethlehem Cybergame Café sa tinukoy na sulok ng bulwagan. Inaaninaw ang anino ng salarin na doon tumindig.
“Natatandaan mo’ng anyo ng suspek? Maituturo mo kung makikita mo uli?” pukol ni Montemar.
“Kahit medyo madilim dito, sir, kita pa rin ang mga naglalaro. Kita ko hanggang sulok na ‘yon, sir,” giit ng katiwala.
“Nakilala mo’ng nakita mo sa sulok?”
“Hindi ako nagkakamali, sir. Nakita ko. Si Santa Claus…”


LUHAAN ang mga nakasinding kandila sa Bethlehem Cybergame Café. Hagulgol/alulong-aso ang bulong ng lamig mula sa nakatanghodna air conditioner sa siksikang silid, humihigop sa magkahalong amoy ng nagnanaknak na sugat at nasusunog na sebong isaw sa mga kandila.
Hapyaw na binahiran ng liwanag-kandila ang mga salansan na nasa dulo ng silid. Pansamantala, doon itinambak ang mga computer. Ikinahon. Pinagpatung-patong, nakaambang banta ng bigla—pagguho’t salampak-tilamsik ng kuryente, metal, at plastik. Napipilitang magbigay-daan muna sa karaniwang rituwal ng padasal-gunita sa mga patay.
“Hahawak kami sa Iyong pangako, Panginoon. Na kung may dalawa o tatlong magtitipon sa lilim ng Iyong Pangalan, dadalo Ka’t sasaluhan kami…” usal ng nangunguna sa dasal.
Walang nakadinig sa unti-unting kinig mula talaksan ng computers. Ni hindi napansin ang pagkabuo muna ng anino, kung anong anyo na nahuhubog, binibihisan ng laman sa diklap ng kuryente…
“Ipanalangin Mo po sila…” paanod na sunod ng mga yukong nakaluhod.
Putok ng kulog ang humawi sa hikab ng litanya…
“Magsalsal na lang kayo lahat! Hanggang sa salsal ng dasal, puro kayo bulok. Wala kayong usok. Walang putok! Walang isasabog!
“Hah, ako ang diyos! Tunay na diyos. Diyos sa inyong mga anak. Diyos na lalamon sa alay na ulirat! Ako ang sinasamba, bubuhusan ng puso’t pananampalataya… Fire in the hole!”
Humahagupit ang lutong ng lintik sa tinig. Bumulwak sa mga sound blasters. Gitlang napaangat ng tingin ang mga nagdarasal, nahagip ng tanaw ang anyong kidlat na gumuhit, kisap-matang nawala sa talaksan ng mga computers. Iglap na tumambad doon ang anyo ng nakasuot panggiyera. Armado. Anyo ni Santa Claus.
Saglit munang umalingawngaw ang sound blasters ng papalahong tinig: “Ako ang diyos. Ako! Gagapas sa mga alay na ulirat. Ako ang diyos: Counter Strike…”

HIGIT pa sa ikasampung bahagi ng ulirat ang iniaalay sa mga elektronikong altar na iyon. Araw-araw. Bawat oras. Bawat walang patid na daloy ng sandali. Isinusuob. Isinusubsob. Isinasalubsob. Isinusukob. Isinusuko sa altar ng bagong panginoon sa bawat Bethlehem Cybergame Café sa kung saan-saang panig ng mga lunsod, sa mga bagong dambana’t simbahan ng modernong panahon.
Pira-piraso mang tinapay na inihagis, buong loob na pinaanod sa tubig ay uumbok, magbubunton. Nagiging dambuhalang talaksan ng tinapay…
Sangkurot na elektronikong ulirat ang walang patlang na inaalayan ng tala-talaksan, magkakasanib na ulirat… Larong simulasyon sa dahas at kamatayan ang pinakabagong relihiyon, pinakabagong opium ng mga kawan ng kordero’t tupang kabataan.
“Hindi kaya gano’n, sir?” ungkat ng imbestigador sa natilihang si Montemar.
“Kung anu-ano’ng napupulot mo sa prayer meetings ninyo,” kibitz-balikat ng pinuno.
“Sa panahon ngayon, mas marami nang sampalataya’t sumasamba sa kahibangang libangan, sir. Ang kutob ko nga, baka kahit hindi sinasadya… nakalikha na ng ibang diyos. Cybergod ba… Pumasok na ang bagong milenyo. Pinapasok na yata pati mga demonyo. An’daming karumal-dumal na pagbabago, sir.”
“Tsk-tsk-tsk… Pinahihirapan mo’ng paglutas sa kaso. Wala bang ibang lead sa massacre ng mga bata sa Bethlehem?” untag ni Montemar.

WALANG patlang ang dagundong-alingawngaw ng mga sandata sa siksikang silid. Katulad halos ng pagtitipon sa kaibang misa sagrada. Umaakit. Humihigop ng mga ligaw na anino’t anito sa paligid.
Nakamasid lang si Montemar. Napapailing habang hinhagod ng tingin ang hanay ng mga naglalaro ng simuladong pagsuong sa biglang sagupaan, iglap na kamatayan. Ganitung-ganito din sa Bethlehem Cybergame Café. Ganito marahil… bago naganap ang hindi dapat sanang maganap.
Sambuwan na ang lumipas. Hindi na muling kinalkal ng mga balita sa media ang krimen sa Bethlehem Cybergame Café. Wala nang nag-uungkat. Napalibing na lang sa limot ang mga naganap. Pakiramdam niya’y naging parang panandaliang libangan din ang bawat lagim na tututukan ng pag-uulat. Kung ilang araw na ipagsisigawan sa mata ng telebisyon, sa bunganga ng radyo’t mga mukha ng diyaryo. Palulutangin ang samut-saring haka-haka, muni-muni, kuro-kuro.. Sa huli’y matatabunan sa pagbangon ng iba pang mukha ng lupit, kabuktutan at kabuhungan. Manlalansi. Manlilinlang. Manlilibang.
Saka walang bakas na iniwan ang salarin sa Bethlehem para masundan ng tulad niyang tutugis. Walang palatandaang iginatla para makilala. Para matunton. Saang lupalop susundan ang nag-anyong Santa Claus?
Napigtas ang dili-dili ng imbestigador. Dinalahit ng pagmumura ang batang kalapit. Naging bukal ng “Putang ina! Fuck you! Putang ina!” ang bunganga nito habang ipinagdidiinan ang mga daliri sa mga teklado ng computer keyboard. Gigil na gigil. Nakatiim-bagang. May sulak ng galit sa mga mata.
Tinitigan niya ang paslit. Nakita niya ang isa pang paslit sa kanyang puso. Ang kanyang panganay. Niregaluhan niya. Sampares na kuneho sa huling kaarawan nito. Gusto sana niyang bigyan ng computer— parusa sa bulsa, dalawang buwang suweldo ang katumbas ng kumpletong set ng computer. Magaan sa bulsa ang sampares na kuneho: putting babae, abuhing lalaki. Tuwang-tuwa ang bata. Binigyan agad ng pangalan ang kanyang kalaro— Asap at Usok. Sa mga sumunod na linggo, naging abala ang kanyang anak sa pag-asikaso sa pares. Araw-araw na namumupol ng damong pakain. Laging sinasalinan ng tubig ang inuman. Katabi sa pagtulog ang mga nakahawlang alaga. Minsan, sinalubong siya ng anak. Hindi magkandatuto sa pagbabalita: nanganak ang inang kuneho. Anim na mumunting kuneho. Napailing siya. Dumami ang aasikasuhin. Dumami ang pangalang hahagilapin para ibigay sa mga kasisilang. Mas maraming damo ang kailangang pupulin. Dumami ang duming iimisin. Lalong nabuhos ang loob ng anak sa mga alaga.
Napangiti siya sa untag ng alaala ng kanyang panganay at mga alaga nito. Buong suyo, hinaplos ang ulong ulirat na nakalublob pa rin sa computer screen: “Mas masayang mag-alaga ng kuneho. Subukan mo, bata. Nakakalambot sa puso.”
“Fuck you!” Ni hindi ito lumingon. Nanatiling nakalublob sa simulasyon ng dahas at kamatayan.
Napaigtad si Montemar. Pailing na dinalirot ang sariling tainga. Tanggap niya: bukambibig ng mga pusakal at kriminal ang alimura’t mura. Isinusukli niya ang ganoong mura sa mga pusakal. Masakit masagap sa pandinig ang saltik ng mura mula sa musmos.
Kibit-balikat na tinalikuran niya ang nagmura, nasagi ang isa pang paslit na patultok-tuldok ng mga titik sa keyboard, bumubuo paunti-unti ng pailan-ilang kataga. Saglit na sinulyapan ng imbestigador: Ah, assignment sa klase! Kaisa-isang gumagawa ng takdang aralin. Ako rin, tulad mo. May assignment.
Palabas na siya ng Carnage Network Game Zone nang maulinig ang kaibang lagaslas ng boses mula sound blasters. Umaanas. Tila singasing ng ahas. Tutuklaw.
“Subukan mong pigilan ang diyos… Subukan mo…”
Napakunot-noo si Montemar. Dumantay sa isip ang nabanggit minsan ng kanyang tauhan— ibang diyos, cybergod. Imposible ang ganoon, giit ng kanyang ulirat. Malayo sa katotohanan na magaganap ang ganoon, diin niya. Ano ba ang mga katangian ng sinasambang Diyos, ng kriminal na diyos? Pilit mang sunggaban sa isip ang katuturan niyon, laging huhulagpos. Makakatakas. Hindi kailanman mabibidbid ng posas.
Kibit-balikat na tinungo niya ang pintuan. Bago ipinid, hapyaw na naulinig pa niya ang masuyong pagsusumamo ng tinig na iyon. Kawangki halos ng kanyang maamong paghimok sa paslit para mag-alaga ng kuneho. Parang mapagkupkop na pastol na maghihiwalay ng kanyang tupa sa mga kambing.
“Dito… merong marunong tumugtog. Gitara, silindro, piano, banduria? Violin… Kahit anong pantugtog ng musika?”
Sa ikapitong hakbang palayo sa Carnage Network Game Zone, napatigil si Montemar. Hapyaw na nilingon ang pinanggalingan. Nabuksan ang pinto niyon. Bahagyang umalingawngaw ang bulwak ng daing at putukan sa loob habang lumalabas ang batang nasagi niya kangina. Nakangiti ito, palapit sa kanyang direksiyon, bitbit ang bag sa bisig, yakap sa dibdib ang isang abuhing kahon na may tali na pulang laso.
“Uy, mabigat yata ‘yang regalo mo,” bati ni Montemar sa palapit na paslit.
Nakangiti pa rin ang paslit, magiliw: “Opo. Laptop computer po ito. Para sa bahay na lang daw ako gagawa ng homework.”
“Aba, mahal ‘yan, iha. Ang suwerte mo. Sino’ng nagbigay?”
“Si Santa Claus po.”

-- In joyous praise of the Father --

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Wealth garden

‘TWAS CRUEL as smashing a budding green thumb: some years back, an abuela warned me about letting any clump of katigbi (Job’s tears or Coix lachrymal jobi for you botanists) from growing in our homeyard. That grass with rapier-like leaves that smelled of freshly pounded pinipig supposedly invited bad luck and sorrows—why, that biblical character Job wailed and howled a lot, didn’t he? (But was later rewarded with oodles of goodies, wasn’t he?) Then, I came across some arcane text that practically goaded folks to grow katigbi in their gardens—why, there’s a starchy kernel wrapped shut in the seed’s shiny coat. A handful or more of kernels could be cooked as porridge. Too, one could whisper a wish upon seven seed pods, throw ‘em pods in running water—a river or stream—and the wish would be granted! I was warned, too, about planting kapok or talisay trees right in the homeyard—these trees form a cross-like branching pattern. Pasang-krus daw ang bahay na kalapit sa puno ng kapok, tal...