Mga Tauhan:
Gombei, ang maghahabi
Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei
Daimyo, ang panginoon ng kastilyo
Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp.
Tatlong Paslit
Tatlong Alalay ng Daimyo
Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin
Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan:
Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino.
Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo.
Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakakapagliwaliw ang diwa ng kamusmusan at lantay na pagmamahalan.
UNANG YUGTO.
Tagpo 1. May Isang Panahon
Tilaok ng mga tandang – umagang ihuhudyat ng liwanag kay GOMBEI, abala sa paghahabi ng banig, subsob sa kanyang ginagawa habang bawat isa sa kanyang MGA KANAYON ay sagsag sa kani-kanilang gawain – isang karaniwang araw na bawat isa’y may takdang gawain at tungkulin. Sisimulan ni GOMBEI ang paghuni-gagad sa likas na mga ingay at tunog sa paligid. Aawit siya, susundan at sasabayan ng kanyang MGA KANAYON.
May isang panahon
Sumilip kahapon
May isang umaga
Sa atin ay tumawa.
Payak ang pakay ko
Sa araw na ito
Aking gagampanan
Gawaing nagisnan.
Mag-iinat-inat
Mag-uunat-unat
Mag-iinot-inot
Magkukukot-kukot.
Dadaan ang ngayon
Magiging kahapon
Dakmain na, dali,
Ang bawat sandali.
Ang ating panahon
Kung minsa’y may sumpong.
Minsan maglalambing
(Kahit) Kapit sa patalim.
May isang panahon
Kayakap ko ngayon
Panahong may ngiti
At pulot sa labi.
Panahong tiwasay
Ang alay sa malay
May pintig ng puso
Bukal ng pagsuyo
Mag-iinat-inat
Mag-uunat-unat
Mag-iinot-inot
Magkukukot-kukot.
Tatalungko saka unti-unting sasalampak si GOMBEI. Maghahabi. Hahanay sa dakong likuran niya ang mga Kanayon, abala ang bawat isa sa kanilang takdang gawain. Sa bawat lalapit na kanayon, mananatili si GOMBEI sa pagkasalampak – mas mapanagisag sa tingin kung Mahatmasana o ang kinagawiang salampak ni Mohandas K. Gandhi -- tahasang pahiwatig sa pagiging laan bilang tagapaglingkod at pakumbabang talima sa bawat atas na darating.
MAGBUBUKID (Lalapit). Oy, Gombei. Tapos na ‘yong pinagawa kong salakab? Kailangang kailangan ko na’t naglisaw na’ng hito’t dalag sa palayan ko.
GOMBEI (Magiliw). Ay, kayo naman. Para bang iiwanan ng isda ang palayan. Sa inyo magpapadakma ang nasa inyong taniman. Ako’y puputol pa ng uway na panlala. Bumalik na lang kayo mamaya.
MAGBUBUKID. Kung bitbit ko ngayon ang salakab, mamaya’y madadalhan pa kita ng dalag. Ay, sige na nga. Mamaya kung mamaya. (Lalabas).
TINDERA (Lalapit). Ay, Gombei. Siguro naman, natapos mo na ‘yung pedido ko. Sandosenang tiklis para sa aanihing repolyo’t kamatis.
GOMBEI (Nakangiti). Magandang balita po. May dagdag na isa sa sandosenang tiklis. Nawili po ako sa paglala. Lumala.
TINDERA. Sandosena lang ang babayaran ko.
GOMBEI. Kahit po sampu lang. Mainam ang may dagdag na lalagyan sa sobrang ani.
TINDERA (Babayaran si Gombei). Talaga naman iring si Gombei.
GOMBEI. Nakahanda na po ang mga tiklis sa gilid ng dampa. Kayo po ang hinihintay.
TINDERA. Ay, hamo’t dadaanan ko na. (Lalabas).
Papasok ang TATLONG PASLIT, pasubok-subok, nanghuhuli ng tutubi.
PASLIT 1. Gombei-san! H’wag kang gagalaw. Dumapo ‘yung tutubi sa batok mo! Huhulihin ko!
GOMBEI (Matitigilan). O, siya. Estatwa ako. Hulihin mo na.
PASLIT 2. Ay, lumipad na!
PASLIT 3. Sayang, huli na sana!
PASLIT 1. Kahit na, Gombei-san. (Patudyo.) Meron kang pangako.
PASLIT 2. Meron kang pangako
Sa kamay tumubo
Nagmula sa puso
Meron kang pangako!
PASLIT 3. Kami’y iyong kakutsaba
Sa dakmaan ng palaka.
PASLIT 1. Kami ang laging kakampi
Sa paghuli ng tutubi.
PASLIT 2. Kami ang laging katuwang
Sa pagpulot ng salagubang.
PASLIT 3. Kahit kamoteng ulalo
Kami’y lagi mong kasalo.
PASLIT 1. Lagi mo kaming kadamay
Sa pagkain ng kalamay.
PASLIT 2. Kami’y tapat mong alagad
Sa hagod hagad ng higad.
MGA PASLIT. Meron kang pangako
Nagmula sa puso
Sa kamay tumubo
H’wag mo nang itago.
Meron kang pangako
Na punla sa puso
‘Di maitatago
‘Di na maglalaho.
GOMBEI (Palihim na kukuha ng tatlong saranggola sa ilalim ng nilalala, saka biglang ilalantad, ibibigay sa mga bata). Heto na nga, magpalipad. Isakay sa hangin ang galak. Isakay pati pangarap. Para tubuan ng pakpak.
PASLIT 1. Sa saranggolang bigay mo
Lilipad kami sa ibayo;
Sa bagwis ng saranggola
Sa ulap kami pupunta.
Galak na lalabas ang TATLONG PASLIT. Susundan sila ng tanaw ni GOMBEI, saklot ng malamyos na gunita, waring nais sumama sa mga paalis; nais na maging paslit muli – walang alalahanin, walang pangamba. Mapapakamot ng batok, babalik sa iniwang gawain. Magtitilad ng kawayan para sa salakab. Sa ritmo ng pagtitilad, unti-unting papaloob si GOMBEI, mala-paslit na ngingiti habang isinasalin na ang sarili sa kanyang gawain. Taimtim na paglilimi at pag-arok sa sarili na ang gawain.
GOMBEI.
Ganito, ganito
Bilin ng tatay ko;
Ganiyan, ganiyan
Ang turo ng inay.
Puso ay payapa
Kung subsob sa gawa;
Isip ay tiwasay
Sa abalang kamay.
Akong humahabi
Mga samut-sari
Hindi makagagap
Ng isang pagliyag.
Makapal ang kalyo
Sa mga palad ko;
Kayapos ay uway
Kapiling ay tatal.
Sa aking pagtanda
Sino’ng kakalinga?
Sa bigwas ng hapo
Meron bang susuyo?
Isa-isang magdadatingan ang MGA KANAYON ni GOMBEI. Ipapahiwatig na nanggaling ang bawat isa sa kani-kaniyang gawain. Mabubungaran nila ang nalulungkot na maghahabi. Titindig si GOMBEI, kukunin ang ginawang salakab, lupaypay na iaabot sa MAGBUBUKID, nakapamuno sa pulutong ng MGA KANAYON. Isang mala-rituwal ng pag-aalay ng ginawa para sa bathala.
GOMBEI. Heto ang salakab
Sa hito at dalag;
Heto ang pangako
Sa inyong pagsamo.
MAGBUBUKID (Matamang sinisipat ang salakab). Ang ganda! Mahusay. Matagal kong pakikinabangan ito, Gombei. Sa konting halaga, nagbigay ka ng mas mahalaga!
Mangingiti si GOMBEI, pero iiral ang pagod. Masasalampak, yuyukod, itutumpok ang katawan na tila batong umumbok sa daan.
KORO NG MGA KANAYON, MGA PASLIT.
Lagi kaming kapiling
Sa iyong panimdim
Lagi kaming kasama
Kung merong pangamba.
Hindi lingid sa amin
Matagal nang dalangin
Isang kapilas-puso
Kasalo sa pagsuyo.
MGA PASLIT.
Kahit kamoteng ulalo
Kami’y lagi mong kasalo
Lagi mo kaming kadamay
Sa pagkain ng kalamay.
Kami’y iyong kakutsaba
Sa dakmaan ng palaka,
Lagi mo kaming kabig
Sa paghuli ng kuliglig.
LAHAT.
Nadarama namin
Ang iyong panimdim,
Ang pintig ng lungkot
Na itinitibok.
Ikaw ay humiling
Na buong taimtim—
Ang punla sa puso
Tutubo, lalago!
Sa kamay ng Maykapal
Ilagak ang iyong dasal,
Anumang pighati
Isusukli’y ngiti!
MGA PASLIT.
Lipad na pag-asa
Parang saranggola
Sa taas ng ulap
Susungkit ng pangarap.
Tayo nang magpalipad
Mithing matutupad.
Puso’t pisi’y itustos
Nang nais mo’y maabot.
Isa-isang lalabas ang MGA KANAYON at TATLONG PASLIT sa katapusan ng awit – nakapagsalin ang isa’t isa ng kanilang lakas at tuwa sa kapwa. Maiiwan si GOMBEI, may bagong sigla at saya. Pahiwatig ng takip-silim habang nakabuhos ang sarili ni GOMBEI sa paghahabi ng kawayan at uway.
GOMBEI.
Mamahalin, mamahalin
Takdang oras na pagdating
Talisuyong tanging akin
Kasalo ko sa mithiin.
Bawat pintig, bawat hakbang
May kasalo’t kaagapay
May kaakbay nang tatanaw
Bawat araw na lilisan.
Darating ka, darating ka
Na may ngiti ng umaga
May samyo ng sampaguita
May liksi ng laksang maya.
Isisilid ka sa puso
Aalayan ng pagsuyo,
Ito ang aking pangako –
Ipaglalaba ka’t ipagluluto…
Tagpo 2. Pagtatagpo: Mula Hara Hanggang Puso
Mula sa hanay ng mga manonood, papasok si MARIKO – hindi maikakaila sa imbay ng katawan ang kakaibang liksi’t lakas, may tikas pandigma o martial bearing. Nasa dulo ng nakasalong sa balikat na bokken o espadang kahoy ang balutan ng damit. Pagsapit balangkas ng dampa sa tanghalan, walang anuman na ipipitik ni MARIKO palapag ang balutan ng damit. Saka buong lamyos na iwawasiwas ang bokken – nakahasang labaha ang mga kilos-pakikitalad – habang sisimulan ang pukol ng tanong kay GOMBEI, nakatalikod noon sa kanya, abala pa rin sa paglala.
MARIKO. Mahilig kang magluto? Ah, pinaupong manok sa asin – alam mo?
GOMBEI. May pampasarap na palaman. Tanglad at murang talbos ng sampalok.
MARIKO. Relyenong palakang bukid?
GOMBEI. ‘Yan ang niluto ko kahapon.
MARIKO. Ensaladang pipino’t pako?
GOMBEI. Timplado sa sake, suka, asukal, paminta.
MARIKO. Sinaing na tulingan o tambakol?
GOMBEI (Naaantig ang sikmura.) Sapnan ng alagaw, bawang at mga tuyong kamyas!
MARIKO. Sinigang na kanduli?
GOMBEI. Sa mustasa’t miso! Sapak ‘yan!
MARIKO. Ginataang pinipig?
GOMBEI. Madali ‘yan. Gayakan ng sago’t pandan.
MARIKO (Isusukbit na iglap sa likod ang bokken.) Nagugutom ako!
GOMBEI (Inot na titindig, nasanay nang tugunan ang bawat kahilingan. Wala sa loob na malilingunan ang kausap.) Hamo’t ipaghahain kita. May natirang inihaw na tinapa kangina. May kaning bahaw pa. Pagtiyagaan mo na lang, hane? Upo ka muna. T-teka. Hindi kita kilala. Ngayon lang kita nakita… Ikaw si… (Matitigilan, parang natuklaw ng ahas sa pagtitig sa kausap.)
MARIKO (Yuyukod). Mariko… Mula pa sa ibayo.
GOMBEI (Tulala halos sa paghanga, titig na titig sa kausap, wala pa rin sa loob.). Ah, e, ako si Gombei-san. H’wag kalilimutan sa nalalapit na halalan. Laan na kayo’y paglingkuran… ehe…
MARIKO (Magiliw). Handa mo akong paglingkuran?
GOMBEI (Kamot sa batok. Hindi makahuma sa pagkapalaot sa rituwal ng pagsuyo). O-oo. Kumakain ka ba ng tinapa? Magtitiyaga ka sa kaning lamig? Kaya mong magtiis kung wala?
MARIKO (Malambing). Oo! Kahit wala.
Unti-unting lalapit sila sa isa’t isa. Tila dalawang paru-paro na nag-iikutan, papalapit, papalapit.
GOMBEI. Talaga?
MARIKO. Talagang talaga.
GOMBEI. Paghahabi ang aking kabuhayan.
MARIKO. Pananahi ang aking ikinabubuhay.
GOMBEI. Matatanggap mo ako?
MARIKO. Tatanggapin mo ako?
Abot-kamay na ang puwang sa kanilang pagitan. Matamang magtitinginan sila sa isa’t isa. Parehong inaarok ang katapatan ng isa’t isa. Unti-unti, sabay na mapapangiti, maningning na pagngiti -- saka lubusang magyayakap, mahigpit. Tigil pansamantala sa kanilang kilos.
Pasok ang Dalawang Manunugtog ng plawta at samisen – ubrang banduria o gitara na itutugtog ng martsang pangkasal, pupuwesto sa dulong kanan ng tanghalan. Marahan, mala-rituwal na papasok isa-isa ang MGA KANAYON, bawat isa’y may taglay na sangkap sa kasal. Matapos gampanan ang kanilang gawain, hahanay sila sa gawing likuran ng tanghalan.
Unti-unti munang bibihisan ng gayak-pangkasal ang magkayakap na MARIKO’t GOMBEI.
Lalapatan ng bigkis. Tatanglawan ng kandila.
Papasok ang pares ng paslit na may taglay na bandeha ng aras at sinsing.
Sabay na papasok ang PINTOR -- iguguhit ang larawan ng ikinasal sa malapad na papel na nakalikmo sa isang easel – at PANADERO, may bitbit na tiklis ng tinapay na ihahain sa bagong kasal.
Marahan, kukuha ng sampirasong tinapay sa tiklis si GOMBEI, pipiraso saka masuyong susubuan si MARIKO.
Tigil-kilos ang lahat liban sa PINTOR na tuloy sa kanyang pagguhit.
Pasok ang TATLONG PASLIT, nagpapalipad ng saranggola, paputol-putol na sisimulan ang awit.
PASLIT 1. Bawat puso, bawat puso
May tig-apat, may tig-apat --
Na sisidlang dadaluyan
Na bulwagang daraanan
PASLIT 2. Dumaraan ang pagsamo
Dumadaloy ang pagsuyo
(Sa) apat na sulok ng puso
(May) apat na panig ang puso!
PASLIT 3. Mariposa ang kapara
Paruparo ang katulad
Lumilikwad, lumilipad
Sapagkat apat ang pakpak!
PASLIT 1. Salit-salit, ipupuno
Sa mga pitak ng puso
Pagmamahal at pagsuyo
Tuwa’t galak sa pagsamo…
MGA KANAYON. Papurihan ang Tadhana
Papurihan ang Bathala
Manghahabi’t mananahi
Pinagtagpo, pinagtali…
Sa pisngi ng ating lupa
Pagtatagpo’y itinakda
Pag-ibig na inihasik
Sa tag-ani’y laksang tamis.
Mag-iibayo sa sikap
Silang naging magkapalad…
At dadaloy pa ang tamis
Ngayong nagka-isang-dibdib…
PASLIT 2. Salit-salit, ipupuno
Sa mga pitak ng puso
Pagmamahal at pagsuyo
Tuwa’t galak sa pagsamo…
MGA KANAYON. Harinawang pagpalain
Kanilang mga gawain
Pati ang mga adhika
Nawa’y umani ng tuwa…
Puso’t diwang pinagsanib
Palad nila’y iguguhit
Sa panahong anong sungit –
May nakatambang na lupit.
Sa mga pitak ng puso
May pag-asang ititimo…
Sa bawat daloy ng diwa
Kakayahan’y itataga…
PASLIT 2. Mariposa ang kapara
Paruparo ang katulad
Lumilikwad, lumilipad
Sapagkat apat ang pakpak!
MGA KANAYON. Paru-paro ang katulad
Sa pag-indak at paglipad.
Apat na pitak ang pakpak
Siphayo’y h’wag ilalagak!
Ilalayag sa pag-asa
Iyayakap sa umaga
Sa pag-agos ng panahon
Sa pagsuyo manununton.
Kapilas-puso’y ingatan
Arugain, alagaan…
Hahaplusin ng pagsamo
Yayapusin sa pagsuyo…
MGA PASLIT. Bawat puso, bawat puso
May tig-apat, may tig-apat --
Na sisidlang dadaluyan
Na bulwagang daraanan
Bawat puso dapat puno
Ng matimyas na pagsuyo.
Bawat puso sana’y bukal
Ng may sustansiyang asukal.
Bawat pusong tumitibok
Ilaan sa paglilingkod;
Bawat diwang pumipintig
Pagmamahal ang ihasik.
Bawat puso na magaan
Kaliyag ay kalawakan…
Buong taas na liliyab
Aabutin ang pangarap!
Mabuhay sina Gombei at Mariko!!
Mabuhay bawat magkapilas-puso!!!
Kasabay ng sambulat ng pagsasaya ng lahat, may pahiwatig ng kidlat at kulog sa tanghalan. Pasayaw-indak na papasok mula sa madla ang DALAWANG KOROMBO – bilang diwata o apsara sa hangin.
Magsisimula ang malakas na halihaw ng hangin-ambon. Pare-parehang magyayakap ang lahat, lalabas, huling lalabas ang PINTOR.
Paindak-indak na tatangayin, mag-aagawan ang DALAWANG KOROMBO sa larawang-guhit kina Gombei at Mariko. Sa katapusan ng kanilang sayaw, magkahiwalay na ilalagak nila sa lapag ang pilas na Larawang-guhit.
Unti-unting magdidilim.
IKALAWANG YUGTO.
Tagpo 1. Sukab na Daimyo, Panginoon ng Kastilyo
Kulimlim na liwanag. Daloy ng paksang-himig na tila magkahalong “Darth Vader’s Theme” at “Herod’s Song.” Payagpag na papasok ang DAIMYO o Panginoon ng Kastilyo, pasulipat na susukatin ang kabuuan ng paligid. Iismid.
DAIMYO. Kulang ang lawak na ito
Kulang pa ang teritoryo;
Marami pang makakamkam
May iba pang susunggaban!
Ang lupain ko’t palasyo
Katiting lang na adorno.
Mga kampon ko’t kayamanan
Dapat pa ring madagdagan!
Marami pa akong hangad
Marami pang masisikwat…
Hubad akong isinilang
May ginto na sa paglisan!
Kilabot ko’y isasabog
Saanmang panig at pook!
Dusa’t sindak ihahasik
Saanmang pitak at panig!
Yaman, lakas aking taglay
Lahat sa akin’y laruan –
Kukubkob pa ng lupain
Kahit ano’y aangkinin!
Pasok ang TATLONG ALALAY, hindi pansin ang DAIMYO. Mapapansin nila ang mga pilas ng larawan sa lapag. Kani-kaniyang dampot. Pagkakaguluhan ang mga napilas na piraso ng larawang guhit sa papel – larawan nina Mariko’t Gombei.
ALALAY 1 (Matamang nakatitig sa hawak na piraso ng larawan). Ang asim naman ng mukha nito. Magluto ka ng nilaga. Itapat lang ang pagmumukha nito sa kaldero. ‘Yung nilaga, magiging sinigang, pwe!
Mapapasulyap sa DAIMYO na inis na nakatitig sa kanila. Sisipatin ang hawak na piraso ng larawan.
T-teka… p-para silang pinagbiyak na orinola…
ALALAY 2 (Yakap sa dibdib ang kapiraso ng larawan, nakatingin sa itaas, pahuni-huni na wala sa tono). Hmmm… Langit… Langit… Mutyang nilalangit… Alindog sa panaginip… Ngayong gabi, kita’y magniniig.
ALALAY 3 (Mapakla ang tinig, pinagbabali-baligtad ang kapiraso ng larawang napunit). Puro pintang adorno sa kimono ‘to. Isang sipat lang, alam ko na ang klase ng pananamit. Kimono ng mga dukha. Suot ng mga isang-kahig-isang-tuka.
DAIMYO (Sa mga Alalay, arogante, pilit pinalalaki ang boses-ipis). Anumang lumapag sa saklaw kong lupain, akin. Matagal ko nang itinakda ang ganyang alituntunin. O, ano ang dapat ninyong gawin, ha?
ALALAY 2 (Pagagad.) Anumang lumapag sa inyong lupain, kahit langaw na duling, inyo pong kakamkamin, ehehek… Opo, panginoon. Nagpalabas nga kayo ng ganyang utos sa inyong nasasakupan. Sa lahat ng lugar na sinaklot ng inyong bakal na anino. Sa lahat ng pook na kinahig ng inyong matatalim na kuko.
ALALAY 1 (Luluhod sa harap ng DAIMYO. Paimbabaw ang galang. Iaabot ang kapiraso ng punit na larawan). Anumang mahagip ng inyong pansagpang, dapat na isuko -- nang hindi masaktan. Sa inyo po ito, asim-sangkap sa sinigang…
Paagaw na kukunin ng DAIMYO ang ibinigay na piraso ng larawan. Aaskad ang mukha habang babali-baligtarin ang larawan.
DAIMYO. Ano bang klaseng pagmumukha ito?
ALALAY 1. Karumal-dumal na karimarimarim, panginoon.
DAIMYO. Kasuklam-suklam!
ALALAY 1. Kahindik-hindik!
DAIMYO. Kakila-kilabot!
ALALAY 1 (Bantulot). Ka ---- k-kuwan…
DAIMYO (Inis). Kamukha ko nga! Akina’ng iba pang piraso!
Mapapaluhod ang ALALAY 3, paluhod – tila itik sa bilis – na lalakad tungo sa DAIMYO, isasalong ang kanyang piraso ng larawan.
ALALAY 3. Heto po, panginoon. Nilipad ng hangin, nagkapilas-pilas, sa inyong sakop na lupain ipinadpad. Sininop ko po muna para lubos ninyong masipat.
Maniningkit ang mata ng DAIMYO sa pagsipat sa pilas na larawan. Samantala, sa alapaap pa rin nakagala ang paningin ng ALALAY 2, tila nangangarap pa rin at paindak-indak, isinasayaw ng tango-lambada-fox trot ang kanyang piraso ng larawan.
Sasambilatin ng DAIMYO ang inihaing piraso mula ALALAY 3.
DAIMYO. Pulos dekorasyon sa basahan. Akin pa rin ‘yan!
Isusuksok sa kanyang kimono ang dalawang piraso ng larawan. Mapapansin ang ALALAY 2 na isinasayaw ang natitirang piraso ng larawan. Mamamaywang.
DAIMYO (Pabulyaw sa ALALAY 2 na sumasayaw). Anumang mapadpad sa aking lupain, akin!
Mapapatigil sa sayaw ang ALALAY 2, gulantang. Dahan-dahan, hintakot na dahan-dahang magbabaling ng tingin sa DAIMYO. Unti-unting ibabaling ang tingin sa isinasayaw na larawan, mahahapis ang mukha, mangiyak-ngiyak. Mangangalog ang tuhod, unti-unti, unti-unti hanggang sa tuluyang parang nililindol ang buong katawan. Dahan-dahang luluhod, halos humagulgol na, saka bantulot, nanghihinayang na idudulog sa DAIMYO ang piraso ng larawan. Tuluyan nang iiyak na parang musmos na inagawan ng laruan.
ALALAY 2 (Halos maglupasay). Paalam, giliw ko… Mahal…Hirang… Kaniig… Irog… Liyag… Sinta… siyota…
Kinig na duhapangin halos ng DAIMYO ang pilas ng larawan, tatangu-tango, nasisiyahan, nakangising tila ulupong na tutuklaw ng biktima. Magsisimulang maglakad, pabalik-balik, tila nakakulong na animal.
DAIMYO (Parang hibang sa lagnat). Napadpad sa aking lupain… Akin! Akin! Ito ang pinakamagandang palamuti sa aking palasyo! Pinakamarilag na adorno sa aking buhay! Sampirasong lupain na kaya kong kamkamin… Bagong teritoryong susupilin. Bibihagin. Kakamtin. Aangkinin…
ALALAY 1 (Sususog). Dadambungin!
ALALAY 3 (Susulsol). Kukurakutin!
ALALAY 2 (Umiiyak). Dadapurakin…
DAIMYO (Hibang pa rin na bubulyaw sa mga Alalay). Ano ang hinihintay ninyo? Pasko? Halughugin ang lupaing nasasakupan ko. Kunin ang dilag sa larawang ito. Dalhin ninyo sa harap ko. Hala, kilos!
ALALAY 2 (Mabubuhayan ng loob). Panginoon, akin na muna ang larawan. Titiyakin naming iyan nga ang madadala sa inyo.
DAIMYO (Paasik). Hindi! Akin ang larawan. Akin pati ang nakalarawan. Hala, lakad!
Lulugu-lugong susunod sa dalawang palabas ang ALALAY 2. Matamang tititigan ng DAIMYO ang piraso ng larawan. Hahalikan, saka isasayaw ito ng swing o boogie. Dilim.
Tagpo 2. Paghugot Mula Hanay ng Nayon
Marahas na liwanag sa tanghalan. Nakalantad ang tila ahas na hanay ng MGA KANAYON, isa-isang daraan sa harap ng TATLONG ALALAY, sisinuhin, mumukhaan, saka tuluyang palalabasin. Nasa dakong hulihan ng linya ang mag-asawang GOMBEI at MARIKO, kabilang sa nagtatakang MGA KANAYON.
GOMBEI. Hindi naman sila nangangalap ng bagong katulong sa palasyo. Ano na naman kaya ito?
MARIKO. Hindi naman kumukuha ng buwis. Parang may hinahanap na kriminal o bandido.
GOMBEI. May bago na namang kapritso ang panginoon ng palasyo. ‘Yan ang kutob ko.
Mapapansin ng TATLONG ALALAY sina GOMBEI at MARIKO. Matamang sisipatin ang magkabiyak, lalo na si MARIKO. Paanas na mag-uusap ang tatlo. Sa huli’y magtatanguan, nakakatiyak na sa kanilang pakay. Sabay-sabay na ituturo nila si MARIKO.
ALALAY 2. Ikaw! Lapit dito.
MARIKO (Nagtataka). Ako?
ALALAY 1 (Nakakatiyak). Ikaw nga!
Saglit.
ALALAY 3. Siya nga!
Saglit.
ALALAY 2. Oo nga!
GOMBEI (Matatag). Siya ang aking kapilas-puso.
ALALAY 1 (Marahas). Anuman o sinumang napadpad sa lupain ng Daimyo, pag-aari ng Daimyo. Pag-aari ng panginoon ng palasyo. ‘Yan ang alituntunin ng Daimyo.
ALALAY 2. Ang dilag na iyan ay kabilang sa mga ari-arian ng Daimyo!
Sugod na sasambilatin ng TATLONG ALALAY si MARIKO na makakahulagpos, magtatago sa likod ni GOMBEI.
ALALAY 1 (Mabalasik). Huwag mong itago ang babaeng iyan, lalaki. Mapipilitan kaming pugutan ka ng ulo!
Tiim-bagang si GOMBEI, tumututol sa pihit ng pangyayari. Hindi makahiyaw sa galit. Aaluin siya ng kabiyak.
MARIKO (Mahinahon). Sasama ako sa inyo sa palasyo ng Daimyo. Hayaan muna ninyong magkausap kami ng aking asawa…
ALALAY 2 (Nanunuya). Sige na nga!
ALALAY 3 (Pakutya). Maghabilin na!
ALALAY 1. Bilisan mo lang, babae. Naiiinip na ang Daimyo.
Magyayakap sina GOMBEI at MARIKO, magbubulungan nang kung ilang saglit. Nakamatyag ang mga Kanayong nakahanay, gulat, naaawa sa kapalaran ng mag-asawa. Tila mga rebultong bato na nangungutya ang TATLONG ALALAY.
Maghihiwalay sa pagkakayakap ang mag-asawa. Agad na susunggaban ng ALALAY 1 at ALALAY 2 ang kamay ni MARIKO, pamartsa siyang ilalabas.
MARIKO (Lilingon). Aasahan ko, Gombei! Darating ka sa bisperas ng Bagong Taon. Pumunta ka doon. May ititinda kang pino.
GOMBEI (Akmang hahabol). Gagawin ko, Mariko! Gagawin ko! Sa bisperas ng Bagong Taon. Pupuntahan kita doon.
MARIKO. (Sumasamo). Magkikita tayo uli?
GOMBEI (Matatag, nang-aalo). Magkakasama tayo muli!
Tuluyang ilalabas si MARIKO. Maiiwang halos nanlulumo si GOMBEI, impit na tumatangis. Magpapatianod ang MGA KANAYON sa pagtangis, saka tuluyang aawit.
MGA KANAYON. Apat ang pilas ng pakpak
Sa paru-parong mailap
Apat ang pitak ng puso
Sa dibdib niyong pagsuyo…
Anumang dusa’y ipagpag
Sa bagwis na papagaspas
Bawat lungkot at siphayo
Huwag payagang tumimo.
Palasyo man ang iharang
Makakaya mong igpawan.
Apat na pitak ang pakpak
Ng bawat pusong matatag!
Dahas man ang ipansupil
Puso’y hindi pasisiil!
May tapang na ibubulwak,
May tatag na isasabak!
Apat ang pilas ng pakpak
Nitong pusong lumiliyag.
Iigpawan bawat hadlang
Para pumiling sa hirang…
Mula panlulumo, mabubuhayan ng loob at tatag si GOMBEI. Magniningning ang paningin. Akmang tatakbong palabas. Tigil-kilos ang mga tauhan. Dilim.
Tagpo 3. Randori
Naliligo ang bulwagan ng palasyo sa mapanglaw na liwanag. Itatambad: balot ng benda ang ulo’t kamay ng ALALAY 1 at ALALAY 3, parehong lupaypay, nasa magkabilang dulo ng nakahandang stretcher. Nakasaklay at balot din ng benda ang ALALAY 2, nakamasid sa paghaharap ng DAIMYO at ni MARIKO.
Gumigiri na tila tandang ang DAIMYO, andap, nag-aalangan, panay ang wasiwas ng kanyang bakal na katana.
Si MARIKO, nakaposturang jodan no kamae, anyo sa pagpalaot sa pakikitalad, tahasang nagsasaad ng pagkutya sa kakayahan ng kasagupa – hawak sa dalawang taas na kamay ang isang bokken o kahoy na katana -- taimtim na naghihintay ng salakay.
Maigting ang mga sandali.
ALALAY 2 (Sumasamo, mangiyak-ngiyak). Sige po, panginoon. Upakan ninyo ‘yan. Iganti n’yo kami… Upakan ‘yan.
ALALAY 1. Tinatadtad kami lagi sa gulpe.
ALALAY 3. Matinding babae….
MARIKO (Mahinahon). Pilak ang katumbas sa isisilbing kakayahan ng iyong mga kawal! Pilak lang talaga ang kanilang panginoon. Hindi ikaw. Hindi ka maisasanggalang ng iyong pilak.
DAIMYO. Matabil ka, babae! Bahagi ka lang ng aking sakop na lupain.
MARIKO. Subukan mo akong sakupin. Gagamit ka ng kakayahan sa pagsakop. Alam mong kaunti lang ang kaya mo. Masusubukan natin ang kaya mo.
DAIMYO (Gigil). Akin ka. Aangkinin kita.
MARIKO (Mapanglaw). Ipinamigay ko na ang puso ko. Hindi mo maangkin kailanman. Kusang-loob na inihahandog ang puso. Hindi inaagaw. Hindi ninanakaw. Ibinibigay sa karapat-dapat.
DAIMYO (Inis). Tumigil ka sa kapuputak mo!
Magiging dahan-dahan ang pagkilos ng mga tauhan sa bahaging ito – para hindi tahasang magkasakitan. Pahiyaw-halihaw na susugod ang DAIMYO. Mahinahong iilag si MARIKO, kasabay na bibigyan ng magkasunod na pukpok ng bokken sa gulugod ang sumalakay. Magtatakip ng mata ang TATLONG ALALAY, mapapailing, hihiyaw na tila Sex Bomb Dancers.
Sadsad ang DAIMYO. Ilandang ang katana. Inot na babangon. Mapapasadsad uli, tukop ang gulugod. Tindig-handa pa rin sa anumang salakay si MARIKO.
DAIMYO (Lupasay, maluha-luha sa sakit). Basta akin ka. Anumang mapadpad sa aking sakop na lupain, akin! Iyan ang tinutupad na tuntunin.
MARIKO (Lalayo. Tiim pa rin sa lungkot). Tuntunin mo. Hindi namin alituntunin.
DAIMYO (Talunan sa giit). Basta! Tuntunin ko ang nasusunod!
MARIKO (Malumanay, buong lungkot). Puso ko ang aking sinusunod. Sa taimtim na puso bubukal ang bawat paraan. Mula pagsuyo hanggang pakikilaban. Kasi, wala kang puso. Kaya ka ganyan.
Halos pagapang na dadaluhan ng TATLONG ALALAY ang DAIMYO, isasakay sa stretcher. Magkakandahulog. Maya-maya, maririnig mula sa labas ang hiyaw ni GOMBEI, naglalako, nakabuntot ang ilan sa MGA KANAYON.
GOMBEI (Sa labas). Piling pino! Piling pino kayo diyan! Piling pino para sa bagong taon!
Ilalantad ng ilaw sa dakong ibaba ng tanghalan si GOMBEI, nakabihis-basahan, nakabalagwit ang ilang bungkos ng pine tree sa balikat, inot na pasayaw-sayaw, pahiyaw-hiyaw sa paglalako.
Sisipatin ng DAIMYO at TATLONG ALALAY ang naglalako. Babalingan nila ng tingin si MARIKO na matitigil sa paghakbang palayo, tatanawin ang pinagmulan ng tinig-maglalako. Iglap na parang pinahid ang lungkot at ngitngit sa mukha ni MARIKO, mangingiti – apaw sa galak na ngiti. Mapapapalakpak sa tuwa.
Magkakatinginan ang mag-among DAIMYO at TATLONG ALALAY. Mapapapalatak, sunod-sunod. May nabubuong bagong ideya sa kanila.
GOMBEI (Pasayaw-sayaw). Piling pino! Piling pino!
Ito’y tunay na adorno!
Bili kayo! Bili kayo!
Piling pino! Piling pino!
Pinong pili! Pinong pili!
Murang-mura, mga suki!
Piling pino! Piling pino!
Bili kayo! Bili kayo!
Mapapahalakhak sa kasiyahan si MARIKO. Tuwang-tuwa.
MARIKO. Sige pa! Sayaw pa, Mama. Kanta pa kayo!
DAIMYO (Sa madla). Alam ko na! Ganoon pala ang ibig niya! Sa ganoon siya natutuwa!
ALALAY 2. Siyanga!
ALALAY 3. Tama!
ALALAY 1 (Sa DAIMYO). Walang duda! Napawi ang ngitngit at lungkot niya! Tiyak na lalambot ang puso niya sa inyo, panginoon.
DAIMYO (Titindig). Anumang mapadpad sa sakop kong lupain… Akin! Hala, buksan ang pintuan ng palasyo. Papasukin dito ang naglalako ng pino.
ALALAY 2. Ano’ng gagawin ninyo, mahal na Daimyo?
DAIMYO (Hahalakhak). Ako ang papalit sa kanya! Matutuwa na sa akin si Mariko! Mabibihag ko na ang kanyang puso!
ALALAY 3. Tama!
ALALAY 2. Siyanga!
Kandarapa ang TATLONG ALALAY sa pagtalima. Tunog ng binubuksang malaking pintuan ng palasyo. Susunduin ng tatlo sa ibaba ng tanghalan ang umiindak pang si GOMBEI. Atat na atat naman sa paghihintay ang DAIMYO.
Paindak na papasok ang TATLONG ALALAY kasama si GOMBEI, sumasayaw-sayaw. Umaapaw naman ang tuwa ni MARIKO, nakaguhit sa labi ang usal sa pangalan ng kapilas-puso, “Gombei, Gombei.”
DAIMYO (Kay GOMBEI). Anumang mapadpad sa sakop kong lupain… Akin! Hala, bitiwan ‘yang pasan mong pino! Akin lahat iyan!
GOMBEI (Matitigilan). Ho? Kabuhayan ko ito…
DAIMYO (Sisimulang hubarin ang kanyang suot). Pati suot mong basahan! Akin ‘yan! Hala, hubad!
GOMBEI (Lilinga, titingin sa madla). Ho? ‘Kakahiya sa…
ALALAY 3 (Binabae, sulsol kay GOMBEI). Sige na naman… Hubad na sabi,,,
Bahintulot na maghuhubad si GOMBEI kaya sasalikupan siya ng TATLONG ALALAY. Huhubaran. Paluhod na idudulog ang nahubad na basahan sa DAIMYO. Maseremonyas na kukunin nito ang basahang damit, ipapagpag. Alimbukay ng saganang alikabok sa TATLONG ALALAY na titindig, tutulong sa pagbibihis sa DAIMYO. Sugod na dadamputin naman ni GOMBEI ang hinubad na suot ng DAIMYO, dali-daling isusuot.
DAIMYO (Kay GOMBEI, pakutya). Sige, isuot mo nga, hampaslupa! Wala akong pakinabang sa ganyang kasuotan. Mas may mapapala ako sa bihis mong basahan, ha-ha-ha!
ALALAY 1. Teka, magpaturo tayo sa kanya ng awit sa paglalako.
ALALAY 2. Pati na pagsayaw.
DAIMYO (Tatanaw sa dako ni MARIKO, ngingiti, sumasamo). Alam ko ang gagawin! Tumabi kayo! (Papasanin ang balagwit, mapapaire.) Am’bigat pala nito…
Sisimulan ng DAIMYO na gumewang-gewang, ililikwad ang balakang, aawit. Paikot-ikot muna sa tanghalan. Nakabuntot ang mga TATLONG ALALAY, makikisabay sa awit.
DAIMYO, MGA ALALAY. Piling pino! Piling pino!
Ito’y tunay na adorno!
Bili kayo! Bili kayo!
Piling pino! Piling pino!
Pinong pili! Pinong pili!
Murang-mura, mga suki!
Piling pino! Piling pino!
Bili kayo! Bili kayo!
MARIKO (Aliw na aliw, walang patid sa palakpak). Mas mainam kung sa labas ng palasyo. Para totoong totoo! Mas magandang panoorin sa labas!
DAIMYO (Hingal. Sa TATLONG ALALAY). Narinig ninyo? Tena sa labas ng palasyo! Do’n tayo!
Hangos na lalabas ang apat. Maiiwan sina GOMBEI at MARIKO, sugod sa isa’t isa. Magyayakap. Buong pagsuyong tititig sa isa’t isa.
Makakarating sa ibaba ng tanghalan ang DAIMYO at TATLONG ALALAY, sisimulan ang kanilang sayaw-awit-lako.
Isa-isa naming magsusulputan mula sa hanay ng mga manonood ang MGA KANAYON. Paliligiran ang DAIMYO at TATLONG ALALAY. Papalakpakan.
Tatanawin nina GOMBEI at MARIKO ang mag-amo. Papalakpak. Dadaluhan sila ng Tatlong Kanayon.
MARIKO (Sa Tatlo). Sige. Maaari nang ipinid ang pinto ng palasyo.
Tatalima ang Tatlo. Hangos na lalabas. Saglit. Maririnig ang pagpinid ng higanteng pinto.
ALALAY 2 (Lilinga patanaw sa dako nina MARIKO). Hintay, pinagsarhan tayo ng palasyo!
ALALAY 3 (Hintakot). Pinagsarhan tayo!
DAIMYO. Walang dapat ikatakot. Ako ang Daimyo! Ako ang nasusunod sa lupain na aking sakop!
KANAYON 1 (Pakutya). Panginoong Daimyo? Tingnan mo’ng sarili mo. Suot-basahan.
KANAYON 2. Am’baho pa! Sumingaw ka siguro sa basurahan.
DAIMYO (Magmamatigas). Ako ang Daimyo! Ako ang panginoon ng lupaing ito!
KANAYON 3. H’wag mangarap ng gising… Baka ka bangungutin.
KANAYON 4. O, magkano ba ‘tong samputol na pino?
DAIMYO (Andap na, kinukutuban). T-teka muna… Hindi ko gusto ‘to…
BATA 1. Sayaw ka uli!
BATA 2. Oo nga. Para masaya.
BATA 3. Saka gandahan mo’ng kanta…
ALALAY 2 (Kunot-noo, aagwat sa DAIMYO). Daimyo ba siya?
ALALAY 3 (Aagwat din). Bakit gusgusin?
ALALAY 1 (Patianod). Bakit nanlilimahid sa dumi?
DAIMYO (Gulantang, hindi makapaniwala). Pati kayong alalay ko? Pati kayo! Itinatatuwa ninyo ang inyong panginoon? Tig-tatlumpung pirasong pilak ang suweldo ninyo sa akin taun-taon!
ALALAY 2. Nasa’n ang pilak?
ALALAY 3. Kapag nakabenta ng pino. Siyempre.
ALALAY 1. Aba’y sulong! Magbenta ng pino. Para magkamit ng pilak.
MARIKO. Narito ang Daimyo. Kapiling ko. Kapilas ng aking puso.
GOMBEI (Maghahagis ng mga piraso ng pilak – ubrang confetti). Narito ang pilak. Para sa lahat! Para sa isang mapayapang taon! Para sa ating masaganang kabuhayan!
ALALAY 2. Ganyan ang tunay na Daimyo! Nagbibigay – hindi kumakamkam, ha-ha-ha!
Hindi magkandatuto sa agawan ang pulutong ng MGA KANAYON, TATLONG PASLIT at TATLONG ALALAY. Maghihiyawan. Maiiwang nakatindig na tulala ang Daimyo, halos panawan na ng isip.
DAIMYO. Ako ang Daimyo…. Ako ang Daimyo… Nananaginip lang ako… (Kukurutin ang sarili. Pupukpukin ng balagwit ang ulo.) Nanaginip lang ako… Panaginip lang ito… Ako ang Daimyo…
BATA 1. Hindi. Hindi ikaw ang Daimyo…
BATA 2. Hindi ikaw ang Daimyo.
DAIMYO (Matutulala). Hindi ako ang Daimyo… Hindi ako ang Daimyo…
Magkayakap na tatanaw sina MARIKO’t GOMBEI sa nagsasayang MGA KANAYON na buong siglang umaawit. Magliliwanag ang tanghalan.
MGA BATA. Nasipat ba ninyo ang naganap dito?
Dalawang lalaki – si Gombei at Daimyo
Isa ang mahirap, sagana sa sikap
Isa ay mayaman, sagana sa pilak…
Ang isa’y nagbigay, ang isa’y nang-agaw
Iisang babae dumating sa buhay…
Nagkapilas-pilas, iglap na nagpalit
Itong kapalaran – may tamis, kaypait!
MGA KANAYON. Apat ang pilas ng pakpak
Sa paru-parong mailap
Apat ang pitak ng puso
Sa dibdib niyong pagsuyo…
Anumang dusa’y ipagpag
Sa bagwis na papagaspas
Bawat lungkot at siphayo
Huwag payagang tumimo.
Palasyo man ang iharang
Makakaya mong igpawan.
Apat na pitak ang pakpak
Ng bawat pusong matatag!
Dahas man ang ipansupil
Puso’y hindi pasisiil!
May tapang na ibubulwak,
May tatag na isasabak!
Apat ang pilas ng pakpak
Nitong pusong lumiliyag.
Iigpawan bawat hadlang
Para pumiling sa hirang…
Tigil ang kilos ng lahat. Unti-unting dilim sa ibang bahagi ng tanghalan, liban sa tuon ng liwanag sa magkayakap na magkapilas-puso.
Dilim.
-- In joyous praise of the Father! --

Comments