Skip to main content

Pakikipagtipan ng tikbalang

MO-ER o munting tainga na katumbas ng taingang daga o cloud ear mushroom ang talagang pakay namin tuwing papanhik kami ni Ama ng Bundok Makiling.

Mahina kung dalawang kilo lang ng tuyo nang mo-er ang malilikom mula sa mga sanga ng bagsak na puno. Sapat na ang ganoong dami sa santaong lutuan ng anumang ulam na malalahukan nito.

Ibababad lang sa tubig para manumbalik ang lutong ng mo-er. Naisasahog sa pancit at chop suey. Tulad sa tokwa na wala talagang lasa, humihigop ang mo-er ng linamnam sa mga kasama nito sa lutuin—mula tamis-alat ng oyster sauce hanggang suwabeng anghang ng luya.

Nakakapulot din kami sa bundok ng mga buto ng nutmeg o Myristica fragrans. Panlahok din sa pagkain pero ang taglay nitong myristicin ay tumatadyak daw sa utak. Mararamdamang tila lumalaki ang ulo—hindi sa ibaba. Pampalibog din. Tila pansamantalang mabubuksan ang ikatlong mata sa noo. Makikita ang mga nilalang mula sa ibang dimension.

Hindi naman namin sinahugan ng santambak na nutmeg ang aming hapunan ng gabing iyon—Viernes Santo na kabilugan ng buwan-- sa Makiling. Tigdalawang monay lang kami saka litson manok at atsarang papaya.

Maghahating-gabi na yata nang mapansin ko ang isang anyong nakatalungko sa hindi kalayuang batuhan, nilalaro ng malamlam na liwanag-buwan at salitan ng mga anino mula sa mga malalabay na sanga ng dambuhalang puno.

Anyong aso yata. Parang kabayo din. Hindi naman kumikilos ni kumikislot.

Huwag daw pansinin, sabi ni Ama. Nalilibutan daw ang tulugan namin ng asin. Walang maligno na makakapasok sa ipinalibot na asin.

Mga limang metro ang layo ng kung anumang iyon. Nauulinig ang masasal na paghinga. Banayad na humuhuni. Parang huni ng kabayo.

Huwag daw naming patulan kahit tila nais na makipagkilala. Mahirap daw maging tagapangalaga ng nilalang na 400 na ang edad. Sobra-sobra raw ang layo ng generation gap.

Teritoryo daw ng naturang nilalang ang pinasok namin pero nagpasintabi naman bago naglatag ng matutulugan.

Nang lubusang mapag-usapan kinaumagahan, inamin ni Ama ang kanyang pangamba. Nais ipamigay ng kumag na kung anuman iyon ang taglay nitong agimat. At kapag naagaw dito ang agimat, magiging alaga mo na. Doon na sasakit ang ulo mo.

Saan nga naman ilalagak ang tikbalang? Mahilig pa namang gumala ang kumag.

Baka hindi nga tikbalang. Eh saan ikukural na sabsaban ang sigbin na maglalambing sa amo ng konting blood donation? Kapag nag-alaga raw ng sigbin, mambabarang na raw ang magiging papel mo. Hindi raw kanais-nais ang ginagawa ng mambabarang.

Tikbalang man o sigbin ang nais makipagniig sa amin, hindi namin talaga kinibo. Mahirap mag-aruga sa ganoon katandang alaga— ayaw naming maging caregiver.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...