SUMUKA, oops, sumuko ka na, Col. Moammar Khaddafy para aawitan ka namin ng lumang kanta ni Matt Monro, ‘yung “Softly, I will Libya, softly…”
Kasi naman: sa bukanang taon ng mga 1970, nakatikim din kami ng biglang hulagpos ng mga produkto de krudo… mula P0.15 sanlitro ng gasolina, tumadyak pataas sa loob lang ng sanlinggo— pumalo sa P1.50 sanlitro!
Mahal na nga, wala pang mabili sa mga gasolinahan… kilo-kilometro sa haba ang pila ng mga sasakyan na magpapakarga, pero tasado sa limang litro lang… pasensiya ang mauubusan.
Kaya sagsag noon si Imelda Romualdez-Marcos patungo riyan sa lupalop nga ni Khaddafy… para umamot ng krudong maitutustos sa mga nabalahong pagawaan, planta ng elektrisidad, transportasyon sa bansa… parang naghihingalong kumanta ng banat Metallica: “Quench my thirst with gasoline!”
Nauna ngang dumulog noon si Imelda sa China… binentahan naman ng krudong Sheng Li—na nang dalisayin, pulos alkitran at liquefied petroleum gas lang ang kinalabasan.
Nahimok naman ni Imelda ang diktador ng Libya na bentahan tayo ng krudo… habang namimilipit noon ang Pilipinas sa isinalang na oil embargo ng mga bansang Arabogli na walang sabi-sabing dumaluhong sa Israel… na nauwi nga sa tinatawag na Yom Kippur War.
Kung ilang araw lang sumambulat ang naturang digmaan sa Gitnang Silangan—pero nayanig pati ang maraming panig ng daigdig, kabilang na nga ang ‘Pinas.
Sa totoo lang, wala pang 1% ang bahagi ng Pilipinas sa pandaigdigang pamilihan na tinutustusan ng mga produkto de krudo… patak lang talaga ang kailangan dito.
Pero kapag nabawasan ang bulto ng dumadaloy na krudo sa pandaigdigang pamilihan, talagang damay ang ‘Pinas sa kakulangan… at dahil sa wala pa ring paghupa ang digmaan sa Libya (na nag-aambag din ng malaking bulto ng krudo na isinasalin sa pandaigdigang pamilihan), kulang tuloy ang naitutustos… hindi naman kasi naniniwala ang maraming gunggong dito sa Pilipinas na we cannot abrogate, amend or repeal the law of supply and demand.
Kapag hindi ka sumuko, Col. Moammar Khaddafy, baka mapilitan kaming isabak kontra sa mga kabig mo ang mga militanteng tsuper at iba pang kaalyado nila sa ‘Pinas. Hala ka!
Baka naman gusto mong may magsadya pang First Lady ng ‘Pinas para malamuyot ka uli para bumaba na sa trono, aba’y wala pa nga kaming mahagilap na ipapadalang unang ginang.
Pero kung papayag si Kris Aquino saka ang katoto naming Boy Abunda, baka sila na lang ang aatasan na magpunta diyan… lalong aangat ang iyong nuisance value, este, celebrity status.
Pero kung hindi ka talaga mahihimok na umalis sa poder at magpasarap na lang sa Bermuda, Switzerland, o kahit sa Busuanga, Palawan… talagang tatagal pa ang bakbakan diyan… ikaw rin, baka maging biktima kang bigla ng surgical extraction, mwa-ha-ha-haw!
Comments