KARANIWANG nakasupalpal nitong dekada 1960-1970 sa tapalodo ng jeepney ang ganoong tagubilin—distancia amigo.
Sa matinong pagmamaneho kailangang dalawang segundong takbo o katumbas ng kahit apat na sasakyan ang nakapagitang layo. Sapat na raw ang ganoong puwang—ayon sa mga motoring safety experts upang makaiwas o makakuha ng buwelo ang nakabuntot sa iglap na sakuna.
Nakahiligan yata ng mga nagmamaneho sa kasalukuyang panahon ang bisyo ng mga taga-Sodom. Kaya salpak-palpak sa wetpaks, kahit hindi buhol-bulbol ang trapiko.
“Suki” ang tawag sa ganoong kritikal na agwat sa karatedo, aikido, at kendo. Sasablay sa ganoong puwang ang taktika, tiyak mabibigwasan, hindi maiiwasan ang disgrasya. Parang magkatutok-buntot na mga sasakyan o halos magkakadikit na mga domino—kahit isa lang ang laglag, daming damay sa pagbagsak.
Tama talaga ang isang guro ng geopolitics, Karl Haushofer. Natukoy niya ang katuturan ng lebensraum or living space:
“Space is not a vehicle of power. It is power.”
Kahit hindi na mahawa sa kapangyarihan na isinasalin ng kalawakan—mas mahirap nang madamay sa sunog sa gitgitan ng mga hampaslupang pamamahay; mahirap nang makasagap ng alingasaw ng mga kagitgitan sa MRT; nakakapikang madukutan o malamutak ang suso’t tumbong sa siksikan; masakit mahawa sa kagunggungan o anumang sakit ng mga pilit isinisiksik ang sarili sa buhay ng iba…
Batay sa mga naturang halimbawa, hindi po kami naging tagahanga ng mga likhang sining daw nina Tam Austria at Jeff Dizon—na pawang nanggigitata sa anumang iguhit sa lona. Kaya walang nangahas na maghandog sa amin ng kanilang obra.
Ganoon din ang dahilan kaya isinusuka naming ang mapapanood sa TV—pulos nanggigipalpal sa mga nakasupalpal na detalye, hilatsa’t katawan ng tao sa bawat tagpo. No breathing space, living space or power space—kaya hindi rin kami makahinga nang maluwag, parang laging sinasakal kahit nakatunganga lang sa palabas.
Para bang sinalaksakan ng sambatyang pagkain ang lalamunan ng miron… tiyak na hindi makakalunok ni makakalulon. Tiyak na masusuka. Even visual information has to be taken in small doses, in bite-size chunks.
Maidudugtong nga sa natukoy ni Haushofer: “Space is power, lack of it is impotent weakness.”
Sa mga pumalaot saanmang karagatan ng bansa nitong nagdaang mga mahal na araw, sana’y nadama ninyo ang kaloob na kapangyarihan ng kalawakan.
Sa mga nagtungo sa mga ulilang aplaya’t pampang ng lawa o ilog upang magmuni-muni, tiyak na sumalin sa inyo ang taglay na poder mula sa pinuntahang kalawakan.
Sa mga nagsadya sa mga naghuhumiyaw na lawak ng talahib at kugon sa tuktok ng mga bundok, tiyak na nasagap ninyo ang kapangyarihang isinasalin ng ganoong malayang latag ng lupain at papawirin.
Yeah… deep, vast spaces nurture a profound sense of perspective.
Kikitid ang isip, bababaw pa ang unawa sa sikip.
Comments