MAINAM daw ang simoy ng hangin sa bahaging iyon ng Sierra Madre pero talamak naman ang singaw ng mga batugan ng mga tagaroon kaya tiwangwang ang lupa… parang dilag na nakabuka ang hita’t naghihintay sa sudsod ng dila’t suyod ng batuta.
Nagpalipas sila doon ng mga mahal na araw. Pinuno ang hininga ng dalisay na hangin. Tinakalan ang bahay-alak ng saganang tungga. Hinimod sa tingin ang baog sa pananim na tanawin. Nagpalamutak sa yakap ng maghapon at magdamag.
Sumangguni sa ‘kin matapos makabalik mula bakasyon.
‘Kako’y pulos panis ang balakin nina gibo, Gordon, Noynoy at Villarroyo upang masawata ang pagdarahop sa naturang lupalop.
‘Entrepreneur’ comes from a French word which means ‘to undertake.’ Thus, an entrepreneur is an undertaker—and sloth is a deadly sin.
Kaya higit na praktikal at tila umaayon sa takda ng Kasulatan ang lunas ng hinayupak na V. I. Lenin.
Bawat araw, tipunin ang 10 batugan. Utasin ang isa… mauubos ang mga talamak na tamad na hindi talaga kikilos upang gumawa ng mga makabuluhan at kapaki-pakinabang… mainam na abono sa lupa ang mga inutas. That’s something sacred for an entrepreneurial activity.
Lutas na, utas pa. Nasugpo ang kahirapan, pwe-he-he-he-he!
Sinisinop ng lupa ang nagsisinop sa lupa.
Hindi malipad ng uwak ang lawak ng tiwangwang na lupain na nasilayan ng mga nagbakasyong katoto. Bakit pag-iinitan ng mga kupal at kumag ang Hacienda Luisita ng angkan ng mga Cojuangco kung napakaraming tipak ng tiwangwang na lupain ang naghihintay na arugain?
Tanim ng tamad ang niyog… minsanan lang ang pagsalpak ng binhi, puwede nang pabayaan sa paglaki.
Tanim din ng tamad ang balinghoy, minsanan lang din na itutulos ang mga punla, bayaan nang lumaki nang kusa.
Tanim din ng tamad ang kawayan na kusang lalago kahit hindi diligin.
Tanim din ng tamad ang kape at kakaw… na kailangan lang liliman ng lansones, rambutan o durian.
‘Kako’y talamak na ang katamaran ng mga tagaroon. Kaya ni isa man sa maituturing na pananim ng tamad ay hindi makita sa kawawang lugar.
Bumubuhay ang lupa sa bumubuhay sa lupa. Nagpapalago ang lupa sa nagpapalago sa lupa.
Higit na may pakinabang ang paligid sa mga mayang mamindita na naglalagak ng mga punla ng ratiles at balite upang mabihisan ng luntian ang kahubaran ng lupain.
Mga walang kuwentang tao ang tagaroon na aasa kina Gibo, Gordon, Noynoy, Villarroyo o sinumang herodes na luluklok sa trono.
Hindi sila matutulungan ng Diyos man o diyablo, mwa-ha-ha-haw!
Comments