“Crop damage from El Niño to exceed P10B“
Headline, Business Section
Philippine Daily Inquirer
February 22, 2010
HAGUPIT ng init lumatay sa dibdib
At puson ng lupa… maging sa talahib
Na butuhang kamay, kakaway sa langit
Habang agaw-buhay sa hurnong paligid.
Titis na tatarak sa labia ng linang
Susulsol na gatong… liyab ng tag-araw
At maglalagablab maging pagkauhaw
Upang mahalukay gunita ng ulan.
Napunit na pisngi ng lupa’y dampian
Ng hibla ng hamog sa madaling-araw;
Sa tanghaling tapat ay limusan man lang
Ng haplos na lilim ng punong kalansay…
Ihaplos ang agos ng hangin sa kugong
Balumbong sinangag sa buong maghapon…
Untagin ang katas ng natuyong balon,
Kahit lang sampatak, h’wag ikait ngayon…
Ah, sumasagitsit ang ningas ng uhaw
At saplot na lunti, hinubad sa darang…
Nakatiwangwang na… sabik… umaasam:
Gulanit na lupa-- kahabagan man lang..
Patakan ng kahit kapirasong yakap
Upang mapawi ang hapdi’t paghihirap…
Kahit na lirit lang sa buong magdamag--
Ibuhos na lubos, ilimos ng ulap!
Kagatin ang mamad nang butil ng lupa
At nagdedeliryong tudling sa tumana,
Nalapnos na tangkay, pahiran ng dagta…
Tubusin sa apoy, pusong nasalanta.
Uungol, dadaing lupang matitigmak--
Tatahan ang tangis, hagulgol, at iyak…
Ah, kahit ambon lang kaloob na habag,
Nektar na titimo sa matris ng luwad…
Taimtim na lirit o saganang buhos
Ang hinihiling po naming nabusabos…
Yaring mga ulap, kimkim man ay unos
O sana’y itigis at lupa’y ipuspos…
Matriel, Matarel, Matariel at Ridya,
Ito pong dalangin, dinggin ninyo sana.
Afbri, Zalbesael… pawiin ang dusa
Ng lupang tayantang… nilang magsasaka!
Comments