“Great souls have wills, feeble ones have only wishes.” Chinese proverb
“Our bodies are our gardens. Our wills, the gardeners.” William Shakespeare
SANLIBONG piso ang isang punggok na kawayang takip-pagong, higit na kilala sa tawag na “sikmura ni Buddha”… nakatanim na sa pasong plastik, dalawang dangkal ang taas, inangkat daw mula Thailand. Dalawang libo naman sa karaniwang takip-pagong, anim na talampakan ang haba, pinatubo sa sisidlang plastik, maililipat agad saanmang hardin.
Sa balak itanim, hanay na limang puno upang maging matatag na suhay sa likod-bahay—at sa kabuhayan ng pamilya—papatak na lima hanggang sampung libo ang malalagas sa bulsa… ‘langya, magastos talaga ang halamanang pinasimulan sa tahanan ng mga apong Musa at Oyayi.
Sulit naman kung sakali—kung bubuhayin sa kaliwa o silangang bahagi ng lote, tatanggap ang pamamahay ng saganang dragon energy, na pinakamatindi at pinakasuwerteng alimuom na masasagap ng pamamahay at mga naninirahan dito… ganoon ang paniwala sa feng shui… t-teka, isinilang nga pala ang Diablolo sa tinatawag na Hour of the Dragon… kahit sa Taon ng Kabayo (kaya singhaba yata ng kabayo ang… basta mahilig kumabayo) natapat ang pagsilang, mas lapat sa katauhan ang mga katangian ng dragon… kaya siguro madalas mapagawi noon sa Ongpin, sa Dragon theatre… at nakakasagap na ang dalawang apo ng alimuom mula Diablo-loong-erh…
Hindi naman ubrang itulos-patola ang kanilang ingkong sa harapan ng bahay upang ambunan sila ng mga bisa ng dragon. Talagang sa harapan ng bahay itinatanim ang kawayan upang magsaboy ng alimuom ng magandang kapalaran at sandamakmak na pagkakakitaan… Sapat nang basbasan, paulit-ulit, ang dalawang apo at mga anak… sasalin sa kanila ang biyaya na hinahango sa dibdib ng lupa.
Iba na ang hardinero… har-har-har-hard dinero… cool cash!
Sa biglang tingin, pagsisinop lang ng lupa ang paghahalaman, o malalim na pakikiugnayan sa mga pananim at himaymay ng lupa… magbubungkal ng lupa, binubungkal din ng lupa ang nagbubungkal… inaalaagan ang mga ipinunla, mga punla’y inaalagaan din ang nagpunla… the more one giveth, the more he receiveth… the more thorough the interface, the greater the knowledge accruing to the parties involved… and each party gains an edge with the mutual transfer of knowledge.
Napabayaan na ang mga kulumpon ng kawayan sa bahaging harapan ng National Press Club sa Intramuros, pawang nangangalirang, halos naghihingalo na sa hagupit ng tag-init. Walang papalag—kahit pa si NPC President Benny Antiporda-- kung doon ako sisikwat ng kahit 2-3 punggok na suplang ng kawayan… para maipanumbalik muna ang sigla’t masalinan ng buhay.
Iba na ang hardinero… har-har-har-hard dinero… cool cash!
Comments