Skip to main content

Yakap sa pag-akyat

HINDI mahikayat ang damuho kong anak na akyatin ang katabing puno rin ng alibangbang (Bauhinia malabarica). Para ‘kako makarami agad sa makukuhang talbos— nakatikom pang mga pakpak ng lunting mumunting paru-paro ang anyo. Para agad na makauwi’t maisalang na ang lulutuing ayungin. Sinigang. Talbos-alibangbang ang sangkap na pang-asim.

Pakpak-paruparo’t palikpik-isda ang itatanghal na lutuin. Payak man sa tingin, sasagi ang masining na pagsasanib ng magkahiwalay na larawan mula kalikasan—mula himpapawid na palaruan ng paru-paro’t mula lilim sa ilalim ng tubig na ginagalugad ng mga isda. Lutuin na tila hinango mula sa mga likha ni Dutch printmaker Maurits Cornelis Escher—pinagsalit-salit na larawan ng mga isda’t ibon. Parangal iyon sa mga nilalang sa tubig at hangin.

Parangal din marahil na yakapin ang puno sa panimula ng akyat. Nabanggit sa anak—si Kukudyu—na tatlong puno lang ang may sigasig mabuhay kahit masibasib pa ng apoy ang kanilang kinatitindigan. Karaniwang silang tatlo lang ang naiiwan matapos ubusin ang mga puno sa alinmang latag ng kagubatan. Tatlong lintik sa tatag at tibay kahit daanan ng liyab-apoy sa tag-araw.

Nangunguna sa tibay ang akle o koko (Serialbizia acle o East Indian walnut wood) na maganda’t matibay na kahoy pambahay. Ikalawa ang bayabas (Psidium guajava) na masarap namang pansigang sa kandule ang hinog na bunga. Katumbas ng isang bunga lang nito ang taglay na Vitamin C ng 20 kalamansi—pero mahirap pumiga ng katas-bayabas. May halimuyak sa kunat ng kahoy-bayabas. Sa panahong ito’y mahirap nang makasumpong ng may sapat na bulas para magamit na haligi sa bahay.

Ikatlo ang alibangbang—sinadya pa namin ang magkatabing dalawang puno sa paanan ng isang burol na may katabing sapa sa Ciudad Real. Magdamag na bumuhos ang ulan ng nagdaang gabi. Basa pa ang banakal na balat ng puno. Madulas. Hitik naman sa talbos sa mga mumunting sanga sa itaas. Nanghihikayat sa aakyat.

Andap ang anak na umakyat. Madulas kasi ang ibabang katawan ng puno. Tiyak na huhulagpos ang higpit ng yapos.

Kailangan nang ilapat ang katawan sa bulas ng puno kapag ganoon. Yayakap na mahigpit habang nakapangunyapit. Kikiskis ang sariling dibdib habang unti-unting iaangat ng bisig ang sariling bigat.

Dumausdos ako sa unang tangka. Bahagyang namula ang sariling balat, ikinuyumos na halik sa banakal. Hindi pa sapat ang higpit ng kapit. Ano nga ang sabi? A man’s reach should exceed his grasp. In this case, you get to reach the top if you have a grasp that can cling to the surface you’re climbing on, a grasp more than enough to carry your entire weight.

Samut-saring mikroorganismo ang namamahay sa mismong magaspang na bulas ng puno. Bahagyang makakatam, banayad na magagadgad ang sariling balat sa bisig, binti at dibdib na ihahapit na mahigpit sa puno.

Tiyak na mababahiran ng dumi ang mga bahagi ng katawan. Tiyak na masasalinan ng mga mikroorganismo—kundi hayup, halamang payak na magsasalin ng kanilang binhi o naligis na katawan sa nakaniig na katawan ng paakyat.

Bahagyang manghihilakbot na baka tila limatik at linta na magsagawa sila ng liposuction o sipsip-mantika sa pangahas na aakyat. (Kibit-balikat: wala nang mapipigang mantika o kapiraso mang bilbil sa ganitong tabas ng katawan.)

Baka masalinan ng binhi ng orchids—may mga marikit na bulaklak ng dapo na sisibol sa dibdib!

Baka makapitan ng amag na pampalasa sa keso o mikrobyo na lilikha ng tapuy—pati lasa ng pawis at buntong-hininga’y maging timplado’t makakalango.

Nabungkal ang sariling balat, naging tudling ang mga galos at gurlis—at nahasikan na marahil ng kung anu-anong mga nawaglit na punla. Na kung sakali’y magiging parang o dawag, kasukalang liblib na lalago mula puson hanggang puso.

Pero… Hindi yata nasusuklam ni mandidiri ang kayakap na puno sa anumang impeksiyon, pinsala, kalyo o kulugo na maisasalin ko.

Tuklap at napitpit ang banakal sa banayad na sakyod ng aking talampakan—baka nahawa na siya sa dahas na umiigkas mula sa paa, baka nasalinan siya ng nunal na nagtutulak sa paggalugad.

Salitan ang salinan. That’s plunging into an unfamiliar intimacy between partners in symbiosis. Maybe interface. Kailangan niya ng carbon dioxide. Kailangan ko ng oxygen. Magpapalitan kami ng hininga.

Kung anu-anong haka-haka at pangamba ang kikiliti’t (huwag ipagdiinan ang unang dalawang pantig) hahaplos sa dibdib.

SAPAT ang napupol na talbos-alibangbang sa isang lutuan—dalawang tason ng mga mumunting lunting pakpak-paruparo. Hapyaw na hahagisan muli ng tanaw ang inakyat. Sa malayo’y sandangkal lang ang sukat—ipantay ang puno sa dangkal ng daliri, ibagsak ang dulo ng daliri sa lupa. Sa binagsakan ng dulong daliri hanggang sa paanan ng puno masusukat ang taas ng puno. Kulang sa limang dipa ang inakyat…

Sisikad din sa utak na sa ganoong malayuang pagsukat, baka ganoon din ang ginagawa ng puno sa akin. Ako naman ang sinusukat.

Hamak na mas maliit ako.

Comments

Popular posts from this blog

Every single cell of my body's happy

I got this one from Carmelite Sisters from whose school three of my kids were graduated from. They have this snatch of a song that packs a fusion metal and liebeslaud beat and whose lyrics go like this:

"Every single cell of my body is happy. Every single cell of my body is well. I thank you, Lord. I feel so good. Every single cell of my body is well."

Biology-sharp nerds would readily agree with me in this digression... Over their lifetimes, cells are assaulted by a host of biological insults and injuries. The cells go through such ordeals as infection, trauma, extremes of temperature, exposure to toxins in the environment, and damage from metabolic processes-- this last item is often self-inflicted and includes a merry motley medley of smoking a deck a day of Philip Morris menthols, drinking currant-flavored vodka or suds, overindulgence in red meat or the choicest fat-marbled cuts of poultry and such carcass.

When the damage gets to a certain point, cells self-destruct. T…

Singkamas

MAYAMAN pala sa tinatawag na phytochemicals o sangkap na panlaban sa samut-saring sakit ang singkamas—na sa alias nito sa Latin ay talagang kahindik-hindik na ang dating, Pachyrhizus erosus. Tunog erotikong suso sa dulo.

Jicama ang pangalan nito sa pinagmulang lupalop. Mula pa Mexico, nakarating sa ating pampangin nitong kasagsagan ng kalakalang Manila-Acapulco. Jicama. Sumablay ang bigkas dahil kasintunog ng “higa kama.” Nabalbal. Naging singkamas sa ating wika.

Pampigil sa salakay ng kanser, pampababa ng antas ng masamang cholesterol sa dugo, likas din na antibiotic o pamuksa ng mikrobyo sa katawan. Pampalakas sa likas na panlaban ng katawan kontra sakit. Anti-oxidant o pampahupa sa pagiging amoy-lupa. Karaniwan ding gamit na sangkap sa siomai at lumpia.

Hubad na lumpia! Opo, hindi hubo’t hubad ang tawag sa naturang lutuin. Hubad lang. Masarap kung may kalahok pang budbod na mani.

Kaya nakagawian nang talupan ng mga hayok. Ilalantad ang kinis-labanos na laman na pinipithaya (kahu…

KASI NANLABAN