Skip to main content

Padasal sa patay

NAGLIPANA marahil ang mga pusakal barumbado’t walang budhi sa lansangan. Kaya may isa o dalawang pasahero—karaniwang babae, karaniwang nasa dapithapon na ang edad—na may hawak na dusaryo, umuusal ng sandaan yatang pagpupugay Ave Maria. Saka ilang Ama Namin at pahayag ng pananampalataya. Sambungkos na dasal ang alay habang naglalakbay.

Pakay ng panalangin habang lulan ng pampublikong sasakyan na makaiwas sa sakuna. Makaligtas sa mga mandurukot, manlalaslas ng bag, mga bangag na naghahanap ng makukursunada. Lalo nang dapat ipag-adya sa mga holdaper. Talagang tigib sa panganib at amba ng trahedya ang biyahe sa araw-araw. Walang katiyakan.

Aantig sa paningin ang isa o dalawang may hawak na dusaryo. Kawing-kawing, bungkos-bungkos ang ipapailanlang na dalangin sa hangin. Tila mga butil ng binhi ang taimtim na ihahasik upang sumibol. Siguro’y yumabong kahit paano.

Para silang nagpapalipad ng saranggola. May ikid ng pisi, ilalarga na unti-unti—pataas, pataas, pataas. Ibig humalik o humalukay yata kahit lang sa mga ulap. Ganoon lang siguro ang iba’t ibang misteryo na isinasapi raw sa dusaryo.

Pero higit na marami sila na panay ang dutdot-pindot-kamot sa kani-kanilang mobile phone. Para bang pumipisa ng pigsa. Tila tumitiris ng tagihawat. O nagkakalkal ng galis-aso o nagkikiskis ng makating alipunga. Saka mas abala sila. At inaabala din yata. Mas madalas pa na nasasagot ang kanilang mga padala’t pambubulabog sa hangin.

Kasabay man sa biyahe ang pailan-ilang nagdudusaryo, para namang napag-iwanan na sila ng panahon.

Kakabahan minsan kapag sila ang nakasama sa paglalakbay. Kasi nga’y sa patay na lang yata inuuukol ngayon ang padasal. Lagi’t laging sa patay na lang may nagkukusa na umusal ng dasal.

Baka sakali na nagkakawing sila ng usal-dasal para nga may mamatay— siguro’y para mapisak ng pison, 40-footer van, ferris wheel, barko, eroplano o sinasakyang bus ang mga naglipanang pusakal, kilabot, sugapa, at barumbado saanmang panig ng lansangan. Idagdag na saanmang sulok ng mga sangay at tanggapan ng gobyerno mula Kamara hanggang Malakanyang.

Baka ganoon nga ang pakay sa pagkimis nila sa mga butil-hamog ng dusaryo. Padasal sa patay.

Si St. Dominic umano ang umimbento ng dusaryo sa kalagitnaan ng ika-16 na siglo. Hanggang ngayon, mga paring Dominicans pa rin ang inaatasang gumawa ng dusaryo—kaya nga lalong titindi ang kutob na sa kamatayan at mga patay nakaukol ang pagdudusaryo. “God’s dogs” o mga iwing aso ng Diyos ang katumbas ng “Domini canis.Domini canis yata ang pinagmulang kataga ng naturang orden ng mga pari.

Kakabahan. Kukutuban. Mapapakamot ng ulo sa paglilimi. Baka nakasalin sa bawat butil ng dusaryo ang alulong-aso. Panawagan daw sa kamatayan ang alulong-aso. Sa mga nerbiyoso, baka maisip na may sangkap din na rabies ang bawat butil-dusaryo. Pampatigas na ng panga mula sa tinatawag na lockjaw, pamatay din talaga ang rabies.

Unti-unti nating nabubungkal ang panganib na hatid ng dusaryo. May kahila-hilakbot yatang hiwaga na kalakip. Parang taimtim na hiling na maulol sana silang lahat na dapat na mapuksa at makatkat ang lahi sa daigdig— sabi nga'y “whom the gods wish to destroy, they first make mad.

Kaya siguro matiyaga ang mga nakakabatid ng ganitong lihim na kaalaman na magdusaryo. Dusaryo saanman—walang pinipiling lunan. Dusaryo kailanman—anuman ang lagay ng panahon.

Lalo yatang kailangan ng higit na maraming magdudusaryo sa panahong ito.

Ipagdusaryo ang walang kakuwenta-kuwentang mga pinuno na namamalakad saanmang antas at sangay ng gobyerno.

Ipagdusaryo nang walang humpay. Kawing-kawing na dasal ang ialay at ihasik sa hangin, hanggang sa umalimbukay na tila mga dambuhalang buhawi ang mga dasal sa papawirin.

Sapagkat ang dusaryo’y kakawing ng taimtim na hiling.

Dahil ang ito’y alay na padasal para sa patay.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Wealth garden

‘TWAS CRUEL as smashing a budding green thumb: some years back, an abuela warned me about letting any clump of katigbi (Job’s tears or Coix lachrymal jobi for you botanists) from growing in our homeyard. That grass with rapier-like leaves that smelled of freshly pounded pinipig supposedly invited bad luck and sorrows—why, that biblical character Job wailed and howled a lot, didn’t he? (But was later rewarded with oodles of goodies, wasn’t he?) Then, I came across some arcane text that practically goaded folks to grow katigbi in their gardens—why, there’s a starchy kernel wrapped shut in the seed’s shiny coat. A handful or more of kernels could be cooked as porridge. Too, one could whisper a wish upon seven seed pods, throw ‘em pods in running water—a river or stream—and the wish would be granted! I was warned, too, about planting kapok or talisay trees right in the homeyard—these trees form a cross-like branching pattern. Pasang-krus daw ang bahay na kalapit sa puno ng kapok, tal...