Tilaok sa bagong taon
ILANG araw din na nabilad sa maghapong hagupit ng araw ang alagang halaman—‘buntot ng diyablo’ o ‘buntot ng dragon’ ang nakagisnang tawag sa naturan na kamag-anak ng gabi’t calla lily.
Kahit sagana sa dilig, naluoy ang mga dahong may hugis buntot ni Lucifer na hawig sa larawang nakatatak sa nakagawiang paboritong inumin-- ‘yung marka demonyo. Pinakay, binungkal at binitbit mula pa sa Bundok Makiling ang naturang halaman noong nakalipas na semana santa.
Disyembre 26, 2004 nang tila nanlupaypay na kasarian matapos labasan ang mga mala-buntot na dahon at tangkay. Nagkataon lang marahil. Hindi laging nasusubaybayan kung saang lungga napapasalaksak ang kuwan, oops, ang mga tangkay at dahon ng alagang buntot.
Disyembre 26, 2004. Natapat lang sa lagim na haplit ng tsunami sa Indonesia at mga bansang bawat pampang ay hinihimod ng alon mula Indian Ocean.
Ikibit-balikat na lang: nalalantad sa ibaba anuman ang nakalatag sa kaitaasan. Nakaukit ang ganoong pagunita sa santipak na esmeralda. Naungkat pa nga iyon ni Paolo Coelho sa kanyang akda, ‘The Alchemist.’ Basahin.
Pero kakatwa ang nakaguhit sa kaitaasan nitong Disyembre 26. Panibagong pihit ng tinatawag na ‘buntot ng dragon’ (Cauda draconis) at ‘ulo ng dragon’ (Caput draconis) mula sinalpakang malilibog na sagisag ng zodiac, Taurus/Scorpio. Susuksok ang ulo ng dragon sa mainit na Aries, sasaksak ang buntot sa timbangan ng Libra. (Kumpisal: saklaw ang sumulat nito ng ulo ng dragon, ‘yung tinatawag na Rahu sa Vedic astrology na lumalamon-- ayon naman sa matandang paniwala-- sa araw at buwan kaya nagaganap ang solar o lunar eclipse.)
Huwag mangamba sa banta o banat ng pamahiin. Huwag manghilakbot sakaling titimbangin o kikiluhin ang naturang buntot—masarap ang ox tail kapag isinangkap sa kare-kare o callos. Ibang sarap siguro kapag iluluto sa anumang putahe ang buntot ng dragon. Lalo na’t luto ng langit. O lutang ng lupa.
Kung titikman ang ibang tuusan: iba na ang magiging daloy ng gawain mula 26 Disyembre 2004 hanggang 23 Hunyo 2006. Mga bagong gawain ang itatakda sa pagpasok ng mga bagong panginoong Araw, Mars at Venus.
Venus daw ang amo ng buntot ng dragon (sumasagisag din sa pag-ani ng anumang itinanim o karma) na nakasalang na ngayon sa timbangan—at maraming daraan sa pagsubok, pagtimbang at panunuri sa ganitong yugto ng panahon. Kabilang na sa mga masusukat sa timbangan ang mga diskarteng professional, personal, socio-political, international. Matitimbang ang iba’t ibang gawi’t gawa sa pamumuhay.
Ah, may matitimbang. May matitimbuwang.
Kaya kaya maraming tumimbuwang nitong 26 Disyembre 2004?
Nailipat na sa lilim ang halamang ‘buntot ng dragon.’ Nanumbalik ang sigla ng bulik na kulay ng tangkay. Naging putlang lunti muli ang dahon. Ah, kailangang alagaan ang alaga. Maiisip minsan na baka nga kabuuan ng dragon ang nakasuksok at ipinaghehele sa lupang nasa paso.
Sa 28 Enero 2005 pa may kasunod na kakatwang paghahanay ng mga planeta na nagbabadya ng sigalot at mga maigting na usapin. May nakaugnay na pagsambulat at matinding galit.
Siguro naman, anuman ang magiging latag ng mga buntala sa itaas, malalantad sa mga ala-alagang halaman. Samantala, tiwasay tayong magbubungkal at magyayaman sa halamanan.
Baka makasumpong ng mga panibagong palatandaan—iba kasi ang makikita ng nakatungo sa lupa kaysa nakatingala sa langit.

Comments