KAHIT hindi pa man kasagsagan ng mahal na mga araw, umaalingawngaw sa maraming pamayanan ang samut-saring alulong, ngalngal, at atungal ng mga nagbabasa yata ng Pasyong Mahal-- kapansanan daw 'yon, ayon sa mga dalubhasa. Amusia, katunog ng amnesia, na inilalapat sa mga bumubusina habang nakasupalpal ang mikropono sa bunganga. Those who howl their lungs loud out off-key, those who don't have the strength to carry a tune but still do so.
Bukod sa sanlinggong pagdalit sa Mahal na Pasyon-- parang Canto Gregoriano na sinahugan ng rhythm and poetry ni Craig David ang dating nito sa pandinig-- sa kakatwa't kababalaghan yata napako ang pansin ng aking kamusmusan. Do'n sa mga tinatawag na "magagaling na lalaki". Na ang tahasang katuturan ay lalaki na may taglay na galing. Dupil, agimat, o anting-anting.
Viernes Santo ang itinakdang araw ng pagsubok sa kapangyarihan ng kanilang mga taglay.
Maraming pagkakataon na nasaksihan ang bisa ng tinatawag na San Miguel Arkanghel, 'yung ayaw pumutok ang baril na itututok. At lilihis naman ang punglo kapag niratrat-- burst of three or full automatic-- na may pagsunod sa social distancing. Parang may bulletproof vest ang may taglay ng naturang agimat. At marami na rin pong mga tulisan at mandarambong na may taglay nito ang nasawi nang maupakan sa ulo.
Higit na panganib ang nakatambang sa may taglay na kabal, o bakal sa kunat ng balat na kapara ng sa pulitiko, suson-suson ang kapal at hindi tatablan ng kahit kahihiyan. Naglipana sa YouTube ang mapapanood na pagsubok sa kapangyarihan ng kabal, sila na hindi tinatablan ng itak, gulok, anumang patalim.
Musmos po ako noon kaya napagtanto ko na ang mga may kabal ay hindi maaaring magpatuli. Mananatiling hindi binyagan, sa madaling sabi. Hindi rin sila masasaksakan ng bakuna kontra Covid-19, canine distemper, o sa rabies.
Hindi na rin maisasailalim sa mga pagtistis tulad ng open-heart surgery, appendectomy, tonsillectomy, o liposuction at aesthetic surgery.
Iisa pa lang ang tahasang hinangaan ko, si Mamay Gavino na may kakaibang taglay. Pista noon, dumaan sa amin, tuloy sa paminggalan ang matanda, inalam kung ano ang aming handa-- adobong guya o munting baka sa sinapupunan ng buntis na ina. Mas mabagsik daw ang bisa nito kaysa Viagra o Soup No.5.
Nakasampung hain na si Inay pero hindi mabawas-bawasan ang adobong guya na inusalan ng kung anong dalangin ni Mamay Gavino! Para bang pagbasbas sa dalawang pirasong isda't limang tipak ng tinapay upang maparami, upang mapakain ang daan-daang tao na nakikinig kay Hesukristo.b
Sinunog ang lahat ng iniingatang librito't aklat ng matanda nang pumanaw ito. Sa demonyo daw ang mga 'yon.
Wala pa pong nakakagawa ng ganoon sa mga nakagisnan at nakikitang pagsubok sa poder ng mga magaling na lalaki. Hanggang ngayon, nanghihinayang ako sa mga nasunog na iba pang karunungang lihim sa mga librito't aklat ng matanda. Baka naroon ang basbas para ang kahit isang swimming pool, maging Torres X, Hennessy, o kahit currant-flavored Absolut Vodka!
Comments