Skip to main content

Tango in a thunderstorm

MAS madaling pasunurin, paikut-ikutin ang asarol. Isinayaw ang damuhong asarol. Indak at sindak ng tango, sayaw na hinalaw pa raw sa mga bahay-parausan at palipas-kalibugan ng Latin Amerika.

Kaya sasalatin ang magaspang na puluhang bayog--hindi tumutukoy sa kasariang katugon ng bayag, kawayang sakdal-tigas ang bayog—habang naghihimas ang imahinasyon ng mas angkop na kasayaw. Naisayaw ko yata ng matinong tango ang isang taga-Cavite, si Roda Astilla na muntik na ‘kong ipagbalibagan.

Kaysa magtampisaw sa ginaw habang bumubuhos ang ulan, iginuhit na lang sa isip na si Roda ang kasayaw. La Paz tango—romantiko, erotiko. Hindi pipiksi ang balakang kapag napahigpit ang kapit ng kamay alinsunod sa tagubilin ng Yellow Pages—let your fingers do the walking.

Hindi rin iilag ang pisngi ng asarol kapag napakiskis sa aking pisngi na kutis palakol.

Lalong hindi pipitlag ni papalag kahit saang panig ng katawan mapadpad at mapasawsaw ang indak ng hinaharap.

Sa totoo’y mas batikan ako sa piko o hopscotch pero kapag asarol ang katuwang, talagang ubra ang kakatwang hakbang. Bakit magpipiko kung may asarol naman? Mahirap kasi na kalaro ng piko ang asarol. Tango na lang!

Tango sa Sierra Madre habang todo-buhos ang unos—mapapangiti tuwing kumikidlat, kasunod ang dagundong ng kulog. Maiisip na may mga retratistang panay ang kuha ng retrato, walang humpay sa kuha’t walang patid ang masigabong palakpakan na tunog ng kulog.

Sasagi sa isip ang isang kabanata sa nobelang But For The Lovers ng katotong Ding Nolledo—sa bahay barukbukan idinaos ang paligsahan sa tango ng dalawang Japanese occupation officials. Kapwa hubo’t hubad ang nagkahamunan. Pati kanilang kaparehang payag sawsawan sa bawat pihit-indak na kailangan ng pagtarak ng tirik na tagdan sa tiwangwang na guwang. (Pilyo talaga si Nolledo!)

Payak ang pakay ng paligsahang may malaking pustahan. Talunan ang unang lalabasan. Panalo ang makakapigil sa sambulat ng kanyang kanyon na ipagduduldulan sa kaloob-looban ng puson. Lupaypay ang talunang nakababatang opisyal—limas ang pera sa bulsa sa hindi mapigil na buga. Simot pati liyab ng kuyukot. (Dalawang tagay kay Ding!)

Mapapahagalpak ng halakhak sa pagdampi ng ganoong gunita. Hindi naman siguro mauulinig ng kasama kong dalawang anak—himbing na himbing, nakapamaluktot sa higaang kung ilang suson ng tinabas na kugon, baka dinadalaw pa nga ng panaginip na hatid ng hatinggabing sumisigid sa laman ang lamig. Ni hindi nga tumigil ang buhos-ulan…

Kung anu-ano tuloy ang sisiksik sa naglulumikot na isip. Buong galak na magpapaunlak sa anyaya ng ulan para makihalakhak.

Ah, halos 80 bahagdan ng hangin sa paligid ay nitrogen—pero hindi naman mapakinabangan, malalablab ni mahitit ng mga halaman. Kailangan ng halaman ng nitrogen. Pero kapag ganitong nagsalimbayan ang kidlat sa papawirin, sasagitsit na tila pandayang apoy ang init. Pinagsasanib ang nitrogen at oxygen sa papawirin—nagiging nitrous oxides.

Tangay ng bawat patak-ulan ang nitrous oxides na natutunaw sa tubig. Ibubuhos-tuhog sa lupa. Kaya nang lagukin, susuhin, simsimin ng mga ugat ng halaman para maisalin sa kanilang kalamnan ang nitrogen.

Teka, nitrous oxide? Laughing gas! Nakakapagpatawa. Ginagamit na pampamanhid noon ng mga dentista sa mga bubunutan ng ngipin.

Kaya siguro hindi mapigilan ang halakhak kahit sariling katawan ang pinapapak, walang patumanggang hinihimod ng galak mula kalangitan.

Anesthesia rin nga pala ang nitrous oxide! Kaya marahil hindi na ininda ang haplit ng ginaw. Namanhid.

Dance up a storm. Tango in a thunderstorm! (Gumuguhit din ang kidlat sa utak.)

‘Langya talaga. Sumisikad din nga pala ang nitrous oxide kapag sumalin sa katawan, dadausdos pababa sa pagitan ng dalawang hita. Nitrous oxide ang lihim na bisa na kaloob ng Viagra—oo nga pala!

Nakasilip na ang araw—tubuan sana ng kuliti sa pamboboso ang damuho—nang maalimpungatan ang dalawa kong anak. Inot na bumangon, halos magkasabay na tumindig. Tinakluban ko sila ng lona nang nagsimulang umulan nitong lumipas na magdamag. Kasya lang sa dalawa ang sukat ng lonang itinaklob. Hindi sila nabasa ni nahamugan.

Nagisingan akong nakatalungko, nagpapakulo ng tubig. Pangkape. Pang-instant noodles.

Nakatalungko pero nakatayo rin. Sintikas, sintibay ng bayog na puluhan ng asarol na nakasayaw. Tango—hindi piko.

Nahawa ako sa hatid na utog ng kidlat. Magdamag yata akong ibinabad.

Mwa-ha-ha-haw!










Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Wealth garden

‘TWAS CRUEL as smashing a budding green thumb: some years back, an abuela warned me about letting any clump of katigbi (Job’s tears or Coix lachrymal jobi for you botanists) from growing in our homeyard. That grass with rapier-like leaves that smelled of freshly pounded pinipig supposedly invited bad luck and sorrows—why, that biblical character Job wailed and howled a lot, didn’t he? (But was later rewarded with oodles of goodies, wasn’t he?) Then, I came across some arcane text that practically goaded folks to grow katigbi in their gardens—why, there’s a starchy kernel wrapped shut in the seed’s shiny coat. A handful or more of kernels could be cooked as porridge. Too, one could whisper a wish upon seven seed pods, throw ‘em pods in running water—a river or stream—and the wish would be granted! I was warned, too, about planting kapok or talisay trees right in the homeyard—these trees form a cross-like branching pattern. Pasang-krus daw ang bahay na kalapit sa puno ng kapok, tal...