WALANG 10 sandali nang kinalas saka muling binuo ang .45 sa paanan
ng napangangang lalaki, laylay ang tiyan—pero sa ulunan sa halip na sa sikmura mahigpit
na nakabigkis ang lapad ng panyong pula, tila may bahid ng regla.
“Baka po kasi walang firing
pin, hindi po puputok ‘to kahit mapudpod pa kapipi-finger sa gatilyo. Saka anim na lang po ang karga ng magazine, ipinutok na po ang isa, mainit-init
pa po ang nguso nito. Talaga bang sa ‘kin na po ‘to?” ungkat ng binatilyo, sunod-sunod
ang pangungusap na parang walang patlang na putok ng semi-automatic, nakatarak ang tingin sa kaharap na lalaki—na
nagpukol ng hudyat na sulyap sa tatlong kasama niya, ikinanlong sa sabwatan ng
dilim at andap na diklap ng naghihingalong ilaw sa poste.
“Sa ‘yo na nga. Suwerte ka. Hollow point, cyanide-tipped ang bala. Kahit daplis lang ang
tatamaan, tigok. Sige, takbo na! Baka magbago pa isip namin.”
“’Ala pong bawian, ha? Akin na talaga!” Hapyaw na winalis ng
tanaw ang binatilyo ang tatlo sa tabi ng kalapit na poste, bahagyang sinakyod
ng tingin ang kaharap. “Mabebenta ko po ‘to. Kahit sampung libo. Kahit do’n sa ‘min
sa Talavera.”
“Talavera? ‘Kala ko ba dito sa barangay na ‘to?”
“Hindi po. Sa Nueva Ecija po. May patrabaho lang po sa ‘kin.
Kontrata lang po.”
“Sige na nga. Sige, takbo na. Kating-kati na’ng kamay ko.”
Paungol ang utos, parang sa lalamunan ng aso nagmula ang garalgal nang boses,
may hibo ng pananabik at bahid ng pag-asam sa kasunod na magaganap.
“Mahigit sampung libo po ang kailangan ko, eh.” Walang gatol
ang pakli ng binatilyo, bahagyang humakbang patalikod, nakaharap pa rin sa
kausap, taimtim ang liyab ng titig, buong hinahon na pinaglayo ang dalawang
paa.
Saka iglap na ikinasa ang hawak na pistola.
“Putang i—.“ Hindi nabuo ang ibubuga ng hininga sa haginit-lintik
ng apoy at tingga, tumagos sa noo’t tumilamsik ang katiting na utak, piraso ng
bungo’t ilang himaymay ng anit at buhok. Sandaling pumitlag muna, saka
kumikisay-kisay pang paluhod na bumagsak, nakamulagat ang mga mata na hindi na
magsisiwalat anuman ang tumambad. Hindi na magiging saksi sa kasunod na
nangyari.
Igkas ang pihit at agad na talungko ng binatilyo, gagap pa
rin ang .45 na bumuga pang muli ng apoy at tingga—magkakasunod, tinunton ang
tinuunang tatlong aninong naunahan, nakaburol ang atensiyon sa kanilang cellphone, nangabigla sa hindi
inaasahang nagaganap. Muling tumilamsik ang katiting na utak, natilad na bahagi
ng bungo, anit, at buhok. Tatlo pang katawan na bariles-tiyan ang
kumisay-kisay, humandusay sa gulanit na kumot ng karimlan at naghihingalong
diklap ng ilaw sa poste ng eskinitang iyon.
Walang anumang sinamsam ng salarin ang apat na baril, tinangay
pati na mga wallet na may laman na
ilang libong piso at tsapa ng katungkulan. Naiwan sa mga timbuwang na katawan
ang ilang munting pakete ng pulbos na kakulay ng apog, na pansaboy upang mapawi
ang sansang ng nabubulok na bangkay.
“’Sensiya na po. Mas kikita po ako sa mga gamit ninyo.
Sen’yo na lang po ang dala n’yong shabu. Hindi po ako gumagamit n’yan. Baril
lang po.”
Nilamon ng karimlan at likaw ng mga bitukang eskinita ng lunsod
ang tumalilis na salarin.
Comments