Sa tinapa’t dilis na para sa dukha…
Natikman mo
Nahimod
Nangakasupalpal sa TV at radyo
Ang maskara ninyo’t pati na anino
Hinihimok kami na kayo’y iboto
Sa ganyang gawain kami’y ginagago…
Kung sa pahayagan kayo ay nagsaad
Ng mga pangako’t iba pang boladas—
Nakinabang
Pati na ang puwit, mayroong pamunas.
Anong gantimpala aming makakamit
Kung sa radyo’t TV kayo humihirit?
Kung pahina sana’y naging pamparikit
Ng aming ilawan sa gabing pusikit.
Bahala na kayong lapatan ng sumasagitsit na himig at sumusulak na ngitngit ang mga naunang taludtod. Pasintabi na sa mga kupal at kumag na nagtatapon daw ng may P16 milyon sanlinggo para maiwisik ang katas ng kanilang kalatas sa 51 milyong rehistradong bobotante.
Pagkain at pananamit ang nangunguna sa tatlong pangunahing pangangailangan ng tao— ni isa dito’y hindi tinutugunan o pinag-uukulan ng pansin ng mga kupal at kumag na nagwawaldas ng tala-talaksang salapi para maipakilala ang kani-kanilang sarili sa madla.
Sabi nga: “Action speaks louder than words.”
Paano ninyong mapapaniwala ang karaniwang taumbayan na ilalaan ninyo ang paglilingkod sa kanya kung sa radyo’t telebisyon lang ibinubuhos ang pera? May mangunguya kayang sasapin sa sikmura sa sound bites? May malalantakan ba kahit piraso ng laman sa mga aninong nakasupalpal sa idiot box?
Bukambibig nga ng yumaong komentaristang Damian Sotto: “Hindi ko sinasabing mga hindot kayo…”
Kahit ba mamudmod ng ilang supot na binusang mais o kornik-- palitan, tapalan ng inyong pagmumukha at pangalan para matandaan ng balana na isisingit nila sa puwang para sa 12 senador, Boy Bawang.
Malaki ang diskuwento kung bibili ng bulto—volume discount. Kung malaking bulto ng pambansang pagkain o instant mami ang bibilhin, mas maraming bibig ang mapapakain. Ibahin ang pabalat ng instant noodles. Tapalan ng inyong pagmumukha. Pakilagay na rin sa pabalat ang kabuuan ng inyong nais gawin sakaling mahalal sa puwesto. Saka ipamahagi ang pake-pakete sa mga lugar na hitik sa botante. Tiyak na magiging matunog sa madla ang katangi-tanging kandidato na nagngangalang Instant Mami.
Pero talaga namang pinakapaspas na landas patungo sa puso, nagmumula sa sikmura.
Kung talagang mas masustansiya, mas mainam na pagkain para sa mga dukha, bulto na ng rolled oats ang bilhin. Do some repackaging—kailangang nakabisaklat ang hilatsa ng mukha sa pabalat para sikat. Ilahad na rin sa pabalat ang pakinabang sa kalusugan pati mga karamdaman na kinokontra ng rolled oats na talagang mas mura kaysa bigas pero ibayo ang sustansiya kaysa bigas. Bago ipamudmod, talumpati muna. Ipaliwanag sa balana na sapat man ang inaaning palay sa bansa, umaangkat pa rin ng bigas sa
Oops, namumudmod nga pala ng mga supot ng mansanas sa ikalawang distrito ng
Nabigyan man kami ng kamiseta ng isa sa mga kabig ni Francis Escudero, hindi naman namin maisuot. Mas mainam
Payag na kaming hirangin si Dansoy Coquilla para bumira sa kamisetang pangkampanya ng letras y figuras—o mga larawan ng tao at bagay-bagay ang bumubuo sa bawat titik ng pangalan. Kahit si Alvaro Jimenez—na hanggang sa ngayon, hindi pa rin binabayaran ang utang sa amin na nude painting na naipangako noon pang 1980s.
May visual sense of humor sa kanyang letras y figuras si Dansoy. Sakali lang na baybayin niya ang pangalang, halimbawa lang, Pichay—baka ilantad sa bawat titik ang kumpol ng kamote na nangakausli ang ulalo, maaatim ng sikmura mo na itanim sa Senado?
Folkloric leitmotifs naman ang lakas at balangkas ng letras y figuras ng katotong Alvaro Jimenez. Na sana’y nahagilap ng mga kampon ni Ping Lacson para mailahad sa mga tao’t bagay na bubuo sa bawat titik ng kanyang pangalan ang mga hakbangin sa pamamalakad at paghubog ng mga patakarang pambansa.
Kahit tapos na ang eleksiyon, tiyak na kagigiliwang isuot ang signature T-shirts na may obra ng mga magaling na alagad ng sining.
Siguro naman walang balak kumandidato sina Dansoy Coquilla at Alvaro Jimenez.
Huling kabit man na hiniram lang mula kay Francisco Baltazar, pansinin ang nakasupalpal na ngiti sa labi ng bawat kandidato: Kung ang pasalubong ay ngiting magiliw, pakaasahan mo’t kaaway na lihim. Kung kinamayan ka na ubod nang higpit—hawa ka sa buni sa palad kakapit!
Kapag binasa ang mukha ng tao
Ang matutuklasan higit sa dyaryo
Ngiting panturista man ang ikurtina
Sa lupi ng labi, may bahid na dusa…
Comments