MARAMING marikit na ala-ala na bumabalik kay Alice de la Jente, 65, batikang komadrona. Tag-araw noon, latigo na humahagupit sa katawan ang init. Mabigat na ang pakiramdam ni Alice. Kahanay siya sa kapwa pasahero. Siksikan. Siksik pati bagahe’t dala-dalahan. Mahaba ang pila. Matagal umusad. Paakyat pa lang sila sa barko, palakbay-Maynila. Inip, inis, at init na init na siya. Nagulat siya nang may humawak sa kanyang kamay—lalaki, mga edad-40, masuyo ang paghawak. Ni hindi nakaiwas ang komadrona nang halikan siya nito sa pisngi. “Ninang,” anito na nakangiti, “ako si Banhao.” Banhao! Patay na nabuhay! Bangkay na Lazarus na napukaw, bumangon mula hukay sa panawagan ng buhay. Gumuhit ang gunita sa utak ni de la Jente—ito nga ba si Banhao? Ang sanggol na si Banhao na inagaw niya sa kalawit ng kamatayan? Noon pa ‘yon at napakarami nang sanggol na iniluwal niya. Mula sinapupunan ng kani-kanilang ina, sinapo niya. Dumaan sa kanyang mga kamay. Komadrona siya. Batikan. Malakas ang loob. Hind...
Prizewinning Filipino writer's musings, written in English and Tagalog-based Filipino.