Skip to main content

RETRATODO

PUMARADA ang mga retrato, sunod-sunod, pero napahikab lang ang kumag… ‘lang kuwentang palabas, walang… putang ama!

Titigok na pala siya. Mga larawang hango sa kanyang buhay ang isa-isang lumiliyab…

Pinanood ang mga retrato. ‘Yon at ‘yon at ‘yon ang nakita.

Nanood at nanood at nanood lang naman siya— laging nakatunganga, usisero, laging miron lang sa mga nangyayari… pulos daldal, pulos laway.

Pinanood niya ang kanyang panonood.

Tagal. Napakatagal. Walang nangyayari.

‘Kakabagot. ‘Kakainip. Pulos gano’n lang?

Walang romansa…’lang libog. ‘Lang katatakutan o lagim… kahit nabuong pantasya o bangungot. ‘Lang sininop na pagkain sa sikmura’t isipan… ‘Lang aksiyon o kahit katiting na salpukan, pulos daldal… urirat kung ano na’ng ginawa (mamaliitin, pipintasan, lalaitin) ng nasa kalapit na bakuran… Wala lang.

Pero gano’n talaga bago matodas—paparada sa isipan lahat at lahat ng larawan ng naging buhay… kahit pa walang katuturan, walang kabuhay-buhay na buhay.

Bakit maghahanap ng magandang mapapanood kung wala namang magandang natupad? Sino bang gumawa ng lintek na iskrip na ‘to kundi siya mismo? Nilalangaw lang. Sino ba’ng direktor nito? Sino’ng may pakana ng ganitong ‘kakaantok na walang patumanggang katangahan?

Pero hindi maipipikit ang mga mata sa panonood… ni hindi mang-uusig ang mga nakalantad na larawan.

Walang napundar o pinagsikapan kahit katiting na mga ari-arian… walang binuong mga kasangkapan na pakikinabangan… nagpalaki lang ng bayag pero ni hindi kumiskis ‘yon sa puday, hindi makapagbilang ng mga babaeng pinatikim ng kaligayahan—mas astig pa ‘yung asong gala, nakarami ng inanakan, may mga sinila, nilapang.

Mas matindi pa pala ‘yung tutulog-tulog na pusa… mga kuko, igtad at igpaw ng katawan ang laging ihinahasa… nagiging bihasa.

Titigok na pala siya. Babawian ng buhay na walang kabuhay-buhay… mas mahusay pa pala ang manok na nagkutkot ng kahit anong butil at bulate sa lupa… mas magaling pala ang manok na putak lang nang putak kapag nangitlog.

Mas matikas pa ang pawikan na hindi man pumutak, maghuhukay sa aplaya, maglalagak ng susunod na salinlahi… saka muling lalangoy patungong laot, maglalakbay sa kung saan-saan, tutuklas ng kung anu-ano…

Ano ba ‘tong tambak ng retratong ipinapalabas mandin para panoorin? ‘Kakapika, walang nangyayari… pulos katsang, pulos ngawa, pulos reklamo’t angal… anong klaseng buhay ‘to?

Ba’t binuhay pa ‘tong ganitong tao? Pampasikip na asungot lang ang ipinapel sa mundo…

Mas mabuti pa pala ang bulate’t mikrobyo, pinagyaman nila ang lupang kinalagakan… nagpayabong ng samut-saring halaman…

Sige, buntunan ng sisi ang sarili… buhusan ng balde-baldeng pintas-lait-libak-mura… sa mga huling sandali ng sariling buhay, ipaparada ang mga retrato ng ginampanan at ginanap sa buhay.

Lintik na palabas, pero sino ba ang gumagawa ng sariling buhay—hindi naman ‘yung mga nasa kalapit na bahay…

‘Kakabagot. ‘Kakainip. Pulos gano’n at gano’n lang?

Humahagalpak sa halakhak si Kamatayan.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...