Nagnanaknak nang sugat ang Aklat ng Magandang Balita, nakadambana
sa limahid sa libag, inaamag na hapag-- tigmak sa tuyong luha ng mga tulos ng
itim na kandila-- na nakapagitna sa umpukan ng 13 Hukluban, bawat isa'y waring agaw-buhay
sa 40 araw-gabi ng sama-samang ayuno. Nakanganga't nagsusumigaw ang naninilaw
nang dahon ng Kasulatan sa kakatwang talata mula kay San Lucas: 'Sinabi ng Diyablo,
"Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito.
Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at
maaari kong ibigay kung kanino ko gusto.'"
Sunod-sunod na alon ng tinig ng 13 mala-kalansay nang anyo
ang kakaibang kahilingan: "Devorabis omnes, fiat! Devorabis omnes, fiat! Devorabis
omnes, fiat!"
Sa kanluran, hintakot na nagsusumiksik ang araw niyong ika-apat
na Lunes ng Hulyo: humahagupit ang alikabok at alinsangan sa lansangang nakakiwal
na ahas sa gilid ng Gusaling Batasan-- na binakuran na ng mga unipormadong
pulis, pinaligiran ng mga halang na may likaw-likaw na isaw ng barbed wire...
Tumatahip ang haplit ng hangin sa kulubong na balumbon ng
mga ulap sa papawirin; waring nagbabanta ng sungit ng panahon, ng kung anong
unos.
Sa bulwagan ng Gusaling Batasan, nagsimula na ang bulwak-imburnal
na talumpati ng Pinuno ng Bansa-- at nakatuon sa kanya ang paningin ng bawat kabig,
kampon, at kakampi. Ni hindi napansin, walang tumingala sa suson-susong hanay
ng talim-balaraw sa kisame na nakatuon sa Pinuno, sa bawat kabig, kampon, at kakampi.
Sa kanilang mga hala'l.
Suson-susong hanay ng talim-balaraw. Naghihintay ng hudyat.
Sa labas ng gusali, sumilay ang kakatwang ngiti sa tayantang
na kongkreto't aspalto. Sa bitak na ngiti, alimuom-kidlat na sumingaw muna.
Sumisingasing. Saka tumalunton tungo sa Gusaling Batasan na namumuwalan sa mga
hala'l.
Sa papawirin, kumikisay sa hagupit ng hangin ang alkitrang
balumbon ng mga ulap na may kakatwang mga hugis at anyo.
Taimtim na dagundong ng batingaw ang sama-samang tinig ng 13
Hukluban: "Devorabis omnes, fiat!
Devorabis omnes..."
Tumalima ang mga inatasan, sinalikop ang bulwagang
kinatitipunan ng mga inihalal ng taumbayan upang lumuklok at maglingkod sa
bayan. Banayad na umagos ang dambuhalang karimlan-- mula sa bumukang bunganga
ng lansangan, mula sa nagdilim nang papawirin.
Bumuhos ang ulan ng mga balaraw-- kasunod ang agos ng kung
anong alimuom na isiningaw ng nakangangang lansangan.
Iglap na nagawak ang lalamunan at anit ng Pinuno na
nagsisimula nang maghasik ng mura't kalaswaan..
Balik-tanaw sa lumipas: 2020 Anno Domini nang tila diklap na
tuluyang pinagliyab ang tradisyon ng piging-- hayagang paghahandog ng mga
hala'l upang pagsaluhan ng hayok na karimlan.
Angkop marahil ang taong 2020-- katumbas niyon ang 20/20
pananaw ng paningin na walang pinsala. At tumatanaw mula balintataw ang
nakakubling kaluluwa.
Ay, oo nga: itinuturing na masinop at sagradong paraan ng
pagkatay sa animal ang hala'l.
Ay, oo, ayuno bago naidaos ang piging-- 40 araw na ayuno,
kawangki ng usad ng mga taon ng lakbay-disyerto ng sambayanang Judeo,
nag-aapuhap sa Lupaing Pangako, na binubukalan ng pulot at gatas.
Ayuno tulad niyong ginawa ng Manunubos bago nagsagawa ng mga
himala. Ayuno sa kasagsagan ng buhos-ulan at halinghing-orgasmo ng Hunyo.
Matapos ang piging sa Bulwagang Batasan, ipinalapang pa ng
13 Hukluban ang 16 na angaw na nagluklok sa Pinuno.
Comments