Pangil sa pangilin
APAT na kapatid sa hanapbuhay ang nakipagtipan sa kamatayan kamakailan, pawang nakababata sila sa inyong imbing lingkod… na patuloy ang walang humpay na pagpupugay at pangilin sa anghel ng kamatayan—Azrael, Osrail, Tar’athyail-- sa tuwina. Kaya yata nagkapangil mula pangilin, mwa-ha-ha-ha-haw!
‘Yung isa’y dinaluhong ng apat na lalaki—dalawa ang menor de edad—nang maalimpungatan sa pag-idlip sa panaderya. Hindi sumuong sa ulan, sumilong sa panaderya para magpalipas ng buhos-ulan, nakaidlip… at ‘yun nga, tinarakan. Pumalag kasi nang kinakapkap ang susi ng kanyang motorsiklo.
Aba’y tumpak pala ang diskarte sa Batangas ni Brig. Gen. J. Franklin Bell sa digmaang Pilipinas-US nitong 1900— tinotodas ang edad-10 pataas dahil tulad niyong dalawang menor de edad na dumaluhong sa pobreng peryodista sa Antipolo, ubra na silang lumikha ng perhuwisyo… kaya masayang itumba’t ilagak sa DSWD ang kanilang bangkay para mapangaralan ukol sa pananagutan sa anumang gawain.
Bangkay na tinanghal ang isang kapwa umaararo ng tudling. Atake sa puso. Aba’y mas masipag ‘yong magsulat kaysa sa kagaya kong nahihilig sa pagpagpag sa mga puson, oops, puso nga pala… kaya tuloy lang ang takal sa katawan ng 34 (ito lang ang kaya) push-ups sa umaga o bago matulog sa gabi.
Idagdag na rin ang 34 segundong bilang ng pagtayo na palad ang talampakan—I’ve since moved to bearing my 60-kilo body weight at the tips of 10 fingers, for 34 seconds a session.
Nilagnat nang unang tangkain ang ganoong pagtindig sa mga kamay. Nabigla yata ang kalamnan sa likod, balikat at bisig. Sabi nga, once the body-mind is stretched by a new idea, it never returns to its old dimensions. Mas madali pa rin na kayanin ang bigat ng katawan sa dulo ng mga daliri kaysa magbuhat ng sariling bangko.
And we’ve known a lot of achievers who make 365 laps by sitting throughout the year, mwa-ha-ha-haw!
Idagdag na rin ang pagsalok ng tubig sa poso sa umaga para magdilig ng mga alagang halaman sa aming bakuran… the series of pumping motions for drawing underground water suspiciously resembles the yagyu-ryu bamboo splitting technique with a sword, eh?
Masayang magdilig ng pananim. Mga ugat lang ang pakay na mapawi ang uhaw. Pero namumutawi ang siglang lunti at ngiti sa puno, sa salabat ng tangkay, sa wagayway ng dahon, pati sa pagsilang ng mga bagong usbong.
Tila yata pagdidilig lang ang tangka na pagbuhat sa sariling bigat sa dulo ng mga daliri. Nahapyawan ang isang sulatin na nagsasaad na gawi ng pagpapakumbaba—a gesture of humility—ang pagtindig sa sariling bumbunan, the so-called head stand in hatha yoga. Such a pose allows blood rushing in inundation of one’s brain.
Lilitaw sa ganoong pananaw na dagdag pang pagpapakumbaba ang pagbuhat sa sariling bigat sa dulo ng mga daliri.
Such a posture won’t allow one to throw his weight around… humility isn’t standing on one’s feet; humility becomes standing as a feat.
Kasi nga’y mahirap nang manindigan, gumawa ng hakbang sa mga sinusuong at pinapangahasang usapin—lalo na sa tulad namin na pagsusulat ang ikinabubuhay… kung hindi kaya sa sariling mga paa, baka makaya ang bigat ng kahit na sarili na lang sa mismong mga palad, sa mismong kamay… sa dulo mismo ng mga daliri na ihinahampas sa mga titik ng keyboard, ihinahalihaw sa kung sinu-sinong binabanatan sa panulat.
‘Hirap kasi talaga panindigan ang inilalahad ng palad sa pagsusulat, ‘di ba?
Comments