SANA’Y sumapin lang itong pagmumukha Sa tinapa’t dilis na para sa dukha… Natikman mo sana ang lansa’t mantika Nahimod sana ng mukha mong bilasa. Nangakasupalpal sa TV at radyo Ang maskara ninyo’t pati na anino Hinihimok kami na kayo’y iboto Sa ganyang gawain kami’y ginagago… Kung sa pahayagan kayo ay nagsaad Ng mga pangako’t iba pang boladas— Nakinabang sana sa mga pahayag Pati na ang puwit, mayroong pamunas. Anong gantimpala aming makakamit Kung sa radyo’t TV kayo humihirit? Kung pahina sana’y naging pamparikit Ng aming ilawan sa gabing pusikit. Bahala na kayong lapatan ng sumasagitsit na himig at sumusulak na ngitngit ang mga naunang taludtod. Pasintabi na sa mga kupal at kumag na nagtatapon daw ng may P 16 milyon sanlinggo para maiwisik ang katas ng kanilang kalatas sa 51 milyong rehistradong bobotante. Pagkain at pananamit ang nangunguna sa tatlong pangunahing pangangailangan ng tao— ni isa dito’y hindi tinutugunan o pinag-uukulan ...
Prizewinning Filipino writer's musings, written in English and Tagalog-based Filipino.