Skip to main content

Puke: puting keso

MALINAW ang inihayag na dahilan ng nakausap na kawani sa Dairy Training & Research Institute (DTRI) ng UP-Los Baños: kulang ang gatas mula sa kanilang bakahan kaya wala silang magawa’t maipagbiling puting keso.

Nakasanayan nating gamitin bilang sangkap sa samut-saring ensaladang gulay ang kesong puti. Ilang himay na ulo ng letsugas, ilang hiwa ng kamatis at pipino, pinong gayat ng luya’t lasona saka tipak-tipak na kesong puti—maringal nang katambal ng kahit tinapang Salinas. Sapak sa sinaing na tulingan o tambakol, kahit sa inihaw na hito o bulig. Kahit lang sa hawot o tunsoy na tuyo. Kahit pa sa roast lamb chops.

Madalas na simutin ng mga anak ang kesong puti. Masarap kasing palaman sa hot pandesal. Maituturing na kabilang kami sa mga masugid na tumangkilik ng kesong puti mula DTRI sapul nang P20 sambalot ang presyo nito. Mga P35 na ngayon. Wala pang mabili.

Nailuwas na hanggang Metro Manila ang kesong puti ng DTRI nitong ilang huling taon ng dekada 1980. Madali nang maapuhap sa dairy products section ng mga malalaking supermarket. Kapag naubusan, madaling salidahin ang DTRI outlet sa isang dulo ng Alabang-Zapote Road sa Muntinlupa. Hindi na kailangan pang dumayo sa paanan ng Bundok Makiling na tahanan ng DTRI-UPLB para sa maipagmamalaking produkto. Naging palagian noong kaulayaw sa aming hapag-kainan ang kesong puti.

Inakala namin na simula na iyon ng tagumpay ng DTRI sa larangan ng negosyo. Sa halip na yumabong at lubusang lumago, sumablay din pala. Naglaho ang kanilang kesong puti sa mga supermarkets. Tumiklop ang Muntinlupa outlet.

Nakalingat marahil sa pagsisinop ng bakahan na tahasang sandigan sa produksiyon ng dairy products. Unti-unti marahil humina ang nakukuhang gatas sa kung ilang dosenang inangkat na baka. Nagsitanda ang mga iyon. Wala marahil kapalit. Sa 10 taong singkad na pagpapasuso ng inang baka sa bawat isisilang na guya—at tahasang produksiyon ng gatas para sa produktong gatas o dairy products – tiyak na darating ang yugto na hihina ang mapipigang gatas.

Kaya kailangan ng masigla’t malayuang pananaw o fast forward look. Para laging matutustusan ang lumalaki’t lumalawak na pamilihan ng produktong gatas. Dapat lang na may nakahandang pamalit at pandagdag sa kawan ng mga gatasang baka na papahina na ang milk production.

Posible din na kakulangan ng mainam na pastulan ang unti-unting nagpatiklop sa produksiyon ng kesong puti. Kailangan ng malawak na pastulan para sa mga lumalaking baka na isasalang sa produksiyon ng gatas. Noon, may mga kanugnog na parang sa labas ng lupaing saklaw ng DTRI—mapagkukunan ng dagdag na pakain para sa pamalit at nakasalang na baka. Nawala ang mga ganoong latag ng damuhan nang tila kabuteng magsulputan ang mga subdivisions.

Madaling mapansin na hindi na sapat ang mga pastulang lunan para sa mga baka. Sa kambing, isang ektaryang lawak ng damuhan ang tuwinang makakatustos sa panginginanin ng 45. Mas kaunting bilang ng baka ang matutustusan ng isang ektaryang damuhan. Hindi na lumalawak ang pastulan ng mga baka ng DTRI. Nasusunod pa rin ang sawikain: Kapag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.

Hindi kataka-taka na mapipilitang mag-downsize ang dairy business. Hanggang sa maging micro industry na lang. O sa halip na bakahan at negosyo sa mga produktong gatas ang sinupin, mag-aalaga na lang ang DTRI ng lactic acid bacteria sa mga Petri dish. Samantala, tila dambuhalang amoeba ang patuloy na paglaki ng mga kalapit na subdivisions at kabahayang nakapaligid sa DTRI.

Teka: mas masarap marahil ang keso mula sa gatas ng ina. Walang anggo ang ganoong gatas. Tiyak na matindi ang presyo niyon—mas masarap mang pumiga’t kumatas-gatas mula sa kaakit-akit na sisidlan, tiyak na katiting lang ang maaapuhap na gatas sa mga kabahayan. Ah, papayag ako na maging tagakasta ng ina, oops, tagakatas ng gatas-ina.

Nakasumpong din naman ng ipinagbibiling kesong puti sa highway na kalapit ng Los Baños crossing at bukana ng Grove Road. Isang retail outlet iyon ng Gatas Pinoy. Nagbebenta sila ng kesong puti. P47/slab. Nakasaad sa pabalat ng 200-gram cottage cheese slab: “made of pure fresh cow’s milk of our farmers.” Mula raw sa Calauan, Laguna—na ilang kilometro din ang layo sa Los Baños.

Nagkrus ako ng hinlalato’t hintuturo. Sana’y makarating muli at manatili ang kesong puti sa pamilihang Metro Manila.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Cal y canto con camote

FENG shui (literally, wind water flow) lore has it root crops embody a hidden store of treasures. Say, a local food conglomerate needs yearly 35,000 metric tons of cassava for livestock feed-- the available local supply falls short of 13,000 tons. Cassava granules sell for around P9 a kilo. Demand for the same root crop to be used in liquor manufacturing is hitting above the roof. Why, raising cassava is a no-brainer task— this is one tough crop that can grow in the most hostile patches of earth, providing sustenance for ages to dwellers in sub-Saharan parts of Africa. While the hardy cassava is nearly pure starch, the lowly sweet potato or kamote is considered by nutritionists as a super food, the most nutritious of all vegetables— kamote levels of Vitamin A are “off the charts, rich in antioxidants and anti-inflammatory properties.” A fist-sized kamote can supply a day’s dose of glucose to fuel the brain, muscles, and organs, so they claim. Count the country lucky...

Wealth garden

‘TWAS CRUEL as smashing a budding green thumb: some years back, an abuela warned me about letting any clump of katigbi (Job’s tears or Coix lachrymal jobi for you botanists) from growing in our homeyard. That grass with rapier-like leaves that smelled of freshly pounded pinipig supposedly invited bad luck and sorrows—why, that biblical character Job wailed and howled a lot, didn’t he? (But was later rewarded with oodles of goodies, wasn’t he?) Then, I came across some arcane text that practically goaded folks to grow katigbi in their gardens—why, there’s a starchy kernel wrapped shut in the seed’s shiny coat. A handful or more of kernels could be cooked as porridge. Too, one could whisper a wish upon seven seed pods, throw ‘em pods in running water—a river or stream—and the wish would be granted! I was warned, too, about planting kapok or talisay trees right in the homeyard—these trees form a cross-like branching pattern. Pasang-krus daw ang bahay na kalapit sa puno ng kapok, tal...