Skip to main content

Off my chess

VAGINA raw ang pinagnanasaang bilhin ng panauhing banyaga nang hapong iyon. Karaniwang araw sa Heritage Art Center sa isang panig ng P. Guevarra, Little Baguio sa San Juan na saklaw ng lalawigang Rizal.


“Mag-ina” pala ang pamagat ng guhit ni Norma Belleza—sumablay lang sa igkas ng bigkas. Lutong ng sitsaro’t sitsaron ang lutang sa tawa ng lakambini niyong tahanan ng sining. Si Lourdes “Odette” B. Alcantara. Na madalas kong kasagupa sa chess. Kapag wala pang naliligaw o nagsadyang panauhinsa halos ulilang bahagi ng lansangan.

Mas madalas na may nagsasadya sa tatlong palapag na bahay American colonial period na ligid ng mga punong zapote’t kalachuchi—na naging imbakan at tahanan ng mga likhang sining.


Matagal na panahon din kaming nagtatagisan sa chess—akalain ko bang naging women’s team captain pa siya ng tropang isinabak ng bansa sa World Chess Olympics? May isang pagkakataon na napaaga doon. Walang puknat na labanan agad. Natapos sa tanghalian… ginisang upo ang pinagsaluhan… cocido ang mutya sa hapag kapag may piging.


“Too long in the tears” ang kantiyaw niya kapag matamang pag-iisip ang iuukol bago tumira.


“Too far from the betooks” o malayo raw sa bituka kapag nagsulong ng makatibag-posisyon o sablay na salakay.


“Tiklo” ang naging tawag sa chess. Sa maliyab na mga taon ng alumpihit na dekadang 1970, katumbas din ng tiklo ang nadampot, nabimbin o nahuli ng pulisya o militar. Sa chess, tahasang mabibimbin sa paglilimi ng bawat sulong. Magkakahulhan. Ng loob. Ng isip. Ng talim ng talisik.


Nagliliyab yata ako sa lagnat nang alukin siyang samahan ako sa isanggabi ng parangal. Kahit masama’ng pakiramdam, kailangang siputan. First prize kasi ang nadisgrasya sa pambansang patimpalak, doon nga nakilala ang naging kabiyak. Umaapaw ang tuwa niya para sa itinuturing na anak…


Sa samut-saring isinalang na mga pasingaw at pakulo, kasabwat pa rin ako sa ‘kusina’ para humalo, magtimpla’t magluto… at inihain nga sa madla sa mga huling taon ng dekada ’70 hanggang sa sumunod na dekada.


Sumikwat pa nga ang tropa naming ”Los Enemigos” ng parangal— Catholic Mass Media Awards—sa walang humpay na balibag ng kabalbalan, kabuluhan at katatawanan kontra rehimeng diktadura.


Patak-patak, ambag-ambag ng anumang makakaaliw at makakabaliw… sa hapag na may munting salu-salo… sa umpukan at umpugan… sa kaigtingan ng salpukan sa chess… nabubuo ang pitak na kinatas niya sa pinagsama-samang utak.


Naukol ang pansin at panahon niya sa pagsisinop-basura sa kahabaan ng dekada 1990: “Ibalik ang nabubulok sa Inang Lupa; ibalik ang mga hindi nabubulok sa Amang Pabrika.”


Sa isang salu-salo sa labas ng PICC nang magtanghal ang tenor na Luciano Pavarotti—na matindi ang tama ng sore throat noon—walangkaabug-abog ni pasakalye na inungkat kami ni Odette.


Ano raw ang gusto naming musika na tutugtugin kapag inililibing naraw kami.


Gusto raw niya ang likha ni Johann Sebastian Bach. “Air on the G String”.


Hindi naman kasi ililibing si Odette. Ihahasik ang kanyang abo sa kanilang lupang sakahan sa Tanay, Rizal. Parang punlang isasaboy sa linang. Para tumubo.


Ika-69 na kaarawan niya ngayong Oktubre 1. May piging!

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...