FADE IN 1. INT. HUT. Karimlan sa di bdib ng dampa na buong lamyos na itinataboy ng malamlam, banayad na umiindak na sindi ng lampara. Unti-unting aagos ang paksang himig, ‘Nasaan Ka, Irog’ ni Nicanor Abelardo o ‘Hatinggabi’ ni Antonio Molina, basta may malamyos na katangian ng oyayi o awit sa paghehele ng sanggol. Pananaw ng pitong-taong-gulang na si TARANG ang lente ng kamera—na mula sa inaantok na kisap ng pilik-mata, magiging magaslaw, mabilis upang ipahiwatig ang pagdaloy ng rapid eye movement (REM) sleep… yugto sa bingit ng ulirat at malalim na paghimbing. Mula sa asul-lunting ubod sa sindi ng lampara, tila bukal na bubulwak ang liyab ng apoy, aagos na tila batis… itatambad ang mga aninong nangakaluhod; unti-unti, malamyos na titindig, iindak sa bawat kislot-kilos ng apoy—sina TATAY, NANAY na kilik sa kanyang baywang ang dalawang-taong-gulang na supling, si ISANG; ang manghihilot na si TIA ORANG; ang babaylan na si TIO LONGHINO; ang balong si PAULA; at ang...
Prizewinning Filipino writer's musings, written in English and Tagalog-based Filipino.