Skip to main content

Lastiko


“An elastic body stretches proportionally to the strain.”

LUMULUWAG din sa tagal ng pitas, pitik, kadlit o kalabit ang mga bagting ng gitara… hihigpitan para makuha ang wastong tunog… matagalang tugtugan muli… luluwag, mawawala sa tono… hihigpitan… sa katagalan o nasobrahan sa banat, tuluyang bibigay ang kuwerdas… paigkas na lalagitik. Lagot.

Nalagot man, nakatugtog naman. Talagang tunog ng tugtog ang lalabas kapag sinisikil pahigpit nang pahigpit ang kuwerdas hanggang taginting ng pahimakas.

Natigok man ang buriko, tone-tonelada naman ang inihatid na kargo. Kahit kutyain pa—pero ginawang halimbawa sa salawikain sa pamatay na tangkay ng damo, inabuso-sa-trabahong buriko, saka manhid at walang pakundangang amo.

Buri kong sabyan: natikman din ng kawal na naging gobernador ng isang lalawigan sa Cagayan Valley na dagsain sa araw-araw ng mahigit 30 taong pinamumunuan… bawat isa’y kalabit-penge… kailangan ng salapi para tugunan ang kani-kanilang hinagpis, dusa at penitensiya na maisasahog na pampaasim sa alinmang isisigang na telenobela… lagas pati na kita mula taxpayer, pero kulang pa… natuliro ang pinuno.

Kanginong satanas maisasangla ang kaluluwa para sa walang katapusang daloy ng pera?

Dinikitan na ang windang na punong lalawigan ng mga illegal logging lords and jueteng lords pero hindi naman sila talaga kampon, ampon o panginoon ng impiyerno. Hangad nilang maibsan ang mabigat na pasanin ng pinuno-- sinupalpalan ng tongpats. All told, the soldier-turned-public official was corrupted to driven by his constituents he had worn to swerve, pwe-he-he-he!

Kawawang buriko… talagang nilinta’t nilimatik ng mga “kayo ang boss ko…” and a boss is the handle of a sword, wielded any which way but loose.

Buriko man na dinaganan ng ‘kikiangkas na angaw na hangad manalo’t dakilain sa mundo, hinay-hinay lang ang hataw at hagupit ng pansanay na patpat kay Congressmanny Pacquiao… pampatibay lang sa pag-inda sa sakit na tatama sa katawan kapag sumagupa sa laban.

Kung sa bigwas ng bigat na mapapasan, onsa-onsa lang… paunti-unti pero suson-suson sa dami… umaabot din sa tone-tonelada sa kalaunan.

Kahit sa masiba, kutsa-kutsara man ang nilalantakan, sa singkad ng paglamon… balyenang napadpad sa pampang ang nagiging hugis ng katawan sa kalaunan.

Parang mahabang lakaran, paisa-isa lang na hakbang… tuloy-tuloy lang…kahit na mahirapan… kamukat-mukat, ni hindi na maabot ng tanaw pati malayo nang pinagmulan.

Parang gano’n lang. Napakadali naman ang hinay-hinay.

Aba’y nagsimula nga sa pagkutinting sa bagting ng gitara ang sinulat na ‘to… napadpad sa lirip ng isip ni Esopo… umilandang pati na sa pinamunuang lupalop ng isang dating sundalo.

Pero parang wala namang patutunguhan.

Pero marami na palang nalampasang hangganan.

At hindi na talagang manunumbalik sa dating katangian kahit na himaymay ng malay at laman… kapag unti-unting hinutok, hinatak sa kung saan-saan… malayo ang kahihinatnan.

Mga batugan lang talaga ang napapag-iwanan, mwa-ha-ha-haw!

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...