Skip to main content

Hardin at basura

ni Abraham Arjuna G. de los Reyes







May hardin kami sa loob ng bakuran. Meron din sa labas sa bakanteng lote na tapat ng tindahan na konti lang ang layo. Yung hardin namin sa loob ay malago at kumpulan ang mga halaman. Wala na kaming matataniman sa loob. Laging basa ang mga halaman dahil lagi sa amin umuulan. Kapag walang ulan, dinidilig. Sa kinatatayuan ng mga halaman ay mga pasong basag. Mabato ang daanan sa hardin. May mga kalat na shell ng oysters. Dito gumagala ang mga alaga naming pagong, manok, aso, palaka saka mga gagamba.







Sa hardin namin sa labas na tapat ng isang tindahan ay malupa. Tabi ng hugis bundok na tambakan ng basura na mabaho at malansa ang amoy. Mataas ang lupa kaya ginawa namin na lang na parang terraces na tawag sa Tagalog ay “payaw”.







Ang pagpapayaw ay madaling gawin. Kumukuha kami ng asarol o “mattock” sa English. Ito ay isang metal na walang matulis na talim sa dulo at ito ay nakasuksok sa dulo ng hawakan. Ginagamit ito sa pagtatanggal ng mga malalaking bato at maliliit na bato para tumubo nang mabuti ang halaman at hindi malanta.







Inaasarol namin ang lupa at nakakabuo ng isang “plot”. Ang plot ay pinagkumpol na lupa at bubuo ng maliit na burol. Pag pababa ay ginagawa namin itong pagpapayaw ng lupa o paghahagdan.







Pinapayaw ang pababang lupa para mataniman.. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng kahoy at bato. Pagkatapos gumawa ng plot ay kumukuha kami ng dahon sa bahay at ilalagay sa lupa. Kumukuha kami ng kahoy at pinuputol sa dalawang dangkal na haba. Tinutuhog namin sa linya ng lupa yung mga kahoy at kumukuha kami ng mga malalaking bato. Isinasara sa mga butas na nagawa ng kahoy na parang rehas. Pagkatapos ay nilalagyan ng lupa at puwede nang taniman ng ibat-ibang mga halaman at gulay.







Ang itinatanim namin ay nasisira dahil katabi nito ang isang tambakan ng basura. Nag-iimbita ng mga langaw, uod at lamok ang basurahan. Ang mga walang isip na tao sa amin ay tambak lang nang tambak ng basura. Gusto pa nilang mag-imbita ng mga lamok at langaw, eh yun na nga ang nagpapasakit sa kanila. Pero gusto pa rin nila.







Kami ni Papa ay nagtatanim ng halaman para luminis ang hangin. Kami ay nag-iimbita ng mga paru-paro, tutubi, mandarangkal, tipaklong, putakti, sitsiritsit at mga bubuyog na magaganda ang kulay. Sabi ni Papa, kapag may pinag-aralan gagawa nang mahusay. Gumagawa kami ng hardin sa payaw. Kung ano raw ang ginawa, ganoon ang katauhan ng gumawa. Gumawa ang mga walang pinag-aralan ng bundok ng basura. Nakakadiri ang ginagawa nila. Nakakadiri din sila.







Marami kaming tanim. Kamote, patani, at ube. Hindi pa nagbubunga ang mga patani. Ninakaw ang mga ube na gagawin naming halaya sa Pasko. Maraming kumukuha ng talbos ng kamote. Limang piso ang isang tali ng talbos ng kamote sa palengke. Nakukuha sa hardin na walang bayad. Mas maraming nagnanakaw. May isa dalawang humihingi. Para naman sa ulalo ang laman ng kamote. Nagiging salagubang ang ulalo. Naluluto din ang salagubang pero ginagawa kong laruan.







May iba pang tanim na papaya at sili para sa tinolang manok. Wala pang bunga ang mga papaya. May bunga na ang mga sili na laging tinatalbusan. Ninanakaw din. Gusto ni Papa ng bagoong at sili. May munggo, pako, ampalaya, alugbati, bataw, kulitis at saluyot. Ihinahalo ang alugbati at kulitis sa pagkain ng mga aso namin. Mayroon ding mga herbs na pampalasa sa pagkain. Tanglad, mint, peppermint, pandan na inilalagay sa sinaing, at basil.







Nanghihingi si Mrs. Sylvia Quirino kay Mama ng binhi at talbos ng basil. Pampasarap at pabango sa sarsa ng roast beef, isda at spaghetti ang basil. Ginagamit namin ang basil sa dinuguan, eskabetse at adobo. Gamot sa sakit ng ngipin at tiyan ang basil. Ginagawang tsaa ang peppermint. Pampalamig sa pakiramdam at gamot sa sakit ng ulo. Isinasama din ito sa instant mami at pansit para sumarap at bumango. Walang nagnanakaw sa peppermint at basil. Hindi kilala ang mga halamang ito. Hiningi namin sa taniman ng mga Vietcong ang binhi ng peppermint.







Alam ko, gumagawa kami ng kagandahan at pagkain sa paligid. ‘Yon ang gusto namin, ginagawa namin. Ang ibig ng iba ay bundok ng basura. Ginagawa nila.







Makikita naman ang gusto ng tao sa ginagawa. Gusto namin ng hardin. Umapaw na ang hardin namin sa loob. Inilabas namin. Gusto nila ng basura. Apaw ang basura nila sa loob. Inilabas nila. Naging bundok ng basura.







Nakakain ang ginawa namin. Sana kainin nila ang ginawa nila.















When he wrote this Abraham Arjuna G. de los Reyes was 13 years old and an incoming high school freshman at Mater Carmeli School in Novaliches, Quezon City.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...