Skip to main content

Kape sa kisapmata

SA mga huling taon daw ng 1960—ni hindi pa ‘ko diklap ng libog sa balintataw ni Ama na uhuging paslit pa noon—nang una siyang makatikim ng instant coffee. Nakalagay sa lata. Pulbos na mas pino pa kaysa dinikdik na buhangin. Parang abo na kakulay ng lupa. Sangkutsarita lang sa sambasong tubig, kumukulo man o hindi, meron nang kape sa isang kisap-mata.

Panahon iyon na nagtitingi raw ng roasted coffee beans o binusang buto ng kape sa alinmang palengke. Konti lang ang pagpipilian— excelsa, robusta, arabica, liberica na pawang uri ng bunga ng kape, may kani-kaniyang katangian sa latay ng lasa at halik ng halimuyak.

Sa mga nagtitipid o hindi nakahiligan ang paninibasib ng sangkap na caffeine ng kape sa ulirat, may mabibili ring binusang buto ng utaw o soybeans. Naibubusa rin daw ang bigas at buto ng okra, 100% caffeine-free at malalantakan pati latak.

Samut-saring tatak ang unti-unting bumaha sa pamilihan simula noon. Nescafe. Blend 45—wala yatang blend .22, .357 o 5.56. Café Puro. Café de Malate. Café Adriatico. Iba’t iba pa. Pawang nakasilid na sa baso o garapon. Unti-unti na ring ginitgit para mapalis mula sa kanilang luklukan sa palengke at panlasa ng balana ang mga binusang buto ng kape. Na kailangan pang gilingin. Kailangan pang magpakulo ng tubig bago maisangkap ang dalawa-tatlong kutsarang kape’t santipak na panutsa bago makahigop ng pampainit ng sikmura sa umaga.

Kahit iilang hakbang lang ang dapat gawin para makatungga ng humahalimuyak, sumusulak sa linamnam na nilagang kape, ngangatngat pa rin iyon ng panahon at paraan. Labis-labis yata ang pagmamadali natin sa yugtong ito ng panahon. Nagmamadali pero hindi naman matukoy ang patutunguhan. Kaya nakagawian na lang ang anumang mabilisan, paspasan. Para bang quickie sex, basta makaraos lang. Kahit bitin.

So these days we’re conveniently having 3-in-1 instant coffee— an amalgam of sweetener, cream, plus coffee granules. All of ‘em in a sachet. Something to sashay about. Or is it really coffee? Could be something coughed up like tidbits of phlegm in an industrial process we barely have an inkling of?

Ibubusa ang mga pinatuyong buto ng kape pati anumang maihahalo sa bulto ng mga buto. Gigilingin. Saka ilalaga. Patutuyuin ang pinaglagaang tubig, maiiwan ang pulbos—and in that industrial dehydration process, the essential oils and other nutraceutical principles in honest-to-goodness coffee likely evanesces, simply lost in translation.

But there’s the dust-like sediment that can be bulked up with extenders, the instant coffee granules we all can dump and stir in a cup of water for our caffeine fix. So there.

Anim hanggang walong tasang kape raw ang kailangang lagukin araw-araw para makaiwas sa banta ng diabetes mellitus, Alzheimer’s at Parkinson’s disease, ilang uri ng tumor at kanser, nalimutan ko na ang iba pang sakit na naiwawaksi ng kape. Hindi naman kasi nilinaw ng mga mananaliksik kung anong klase ng kape ang may ganoong kakayahan laban sa mga karamdaman.

P150 lang daw ang sambasong kape sa Starbucks. Brewed coffee yata mula binusa’t giniling na buto ng kape. Sa P150, kalahating kilo ng Cordillera-grown Coffea arabica beans ang nabili nina Ama’t Mama sa palengke ng Baguio kamakailan. Dumadayo pa sila minsan sa isang palengke sa Tagaytay. Cavite-grown Coffea liberica naman ang nabibili doon.

Kapag sumulak na ang tubig sa coffee pot, dalawang kutsaritang pulbos ng kape ang ilalahok. Naglalakbay hanggang sa kapitbahay ang kahali-halinang halimuyak. Nag-aanyaya.

An’sarap na katuwang sa pandesal na may palamang puke-- puting keso ‘yun—ng umuusok na kape!

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...