Skip to main content

Imbakan ng petrolyo

HIGIT na malaki ang Maynila kaysa Singapore.

May limang oil refineries sa Singapore, kasama na ang mga dambuhalang imbakan ng mga produkto mula krudo na pantustos sa pangangailangan ng fuel markets sa Asia-Pacific basin.

Hindi kailanman binagabag ng pamahalaan ng Singapore ang oil refineries sa kanyang teritoryo. Busog pa nga sa tax incentives ang mga ito. Para mapag-ibayo ang kakayahan sa kompetisyong panrehiyon. Para mapahusay ang ambag nito sa ekonomiya ng Singapore.

Samantala, halos 100 taon nang nakatindig ang mga imbakan ng mga produkto mula krudo sa isang may 50-ektaryang bahagi ng Pandacan, Maynila. Matagal nang naitakda ang gamit ng naturang lawak ng lupain bilang industrial zone - hanggang sa unti-unting mapaligiran ng kabahayan ang itinakdang pook-imbakan.

Nitong 1988, nagkasunog sa kabahayang kanugnog ng mga naturang imbakan. Agad na nakasaklolo ang mga kawani at namamasukan sa mga kumpanya ng langis na naroon. Walang 20 minuto, naapula ang apoy. Ni hindi dumaing ang mga taga-imbakan na mitsa ng panganib ang kabahayang nakapaligid sa kanila.

Naisangkalan ng pamunuan ng Maynila ang naganap na pagsalakay ng mga terorista sa mismong dibdib ng Amerika para igiit na mitsa ng panganib ang mga imbakan ng petrolyo sa Pandacan. Posible raw mangyari na salakayin din ng mga terorista ang Maynila - itinuturing na kaibigang matalik ng Amerika.

Naglatag ang sangguniang panlunsod ng kautusang ultimatum para palisin sa Pandacan ang mga imbakan. Kung nangyari ang pag-alis ng mga imbakan, mawawalan ng silbi ang may 50-kilometrong oil pipeline mula oil refineries sa Batangas tungo sa mga imbakan sa Pandacan. Sa naturang pipeline dumadaloy ang iba't ibang produkto mula krudo - tipid na paraan sa transportasyon.

Sakaling napalis sa Pandacan ang mga imbakan, lumipat sa industrial zones ng Subic o Clark, mapipilitang ikarga sa trucks at lorries ang mga produktong petrolyo na pantustos sa pangangailangan ng Maynila at iba pang lunan sa Luzon. Dagdag na gastos ang ganito sa transport, insurance, fuel at manpower costs. Masasakal pa ang fuel supply - saklaw ng truck ban ang oil trucks at lorries.

Iniulat sa isang pagsusuri ng Asian Institute of Management na higit sa 900 oil supply trucks ang idadagdag sa kasalukuyang bilang ng lorries para manatiling normal pa rin ang agos ng produktong petrolyo sa Metro Manila at kanugnog na lunan.

Posibleng dagdag na piso por litro sa produktong petrolyo. Ganito ang pangmatagalang bunga ng paglisan ng mga imbakan sa Pandacan. Hindi ito nasipat ng pamunuan ng Maynila.

Samantala, maigigiit na kaibigang matalik ng Maynila ang Amerika. Kahit iba ang interes ng Pilipinas, iba ang interes ng Amerika. Tahasang magkaiba.

Talagang buhay pa rin ang colonial mentality. Balakid ang ganitong kaisipan para matukoy at maisulong ang para sa kapakanan ng Pilipino - na tahasang bukod sa kapakanan ng Amerika.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...