Skip to main content

Salakay ng puso, salakab sa gunita

PEBRERO 2003. Matindi ang mga kasabay ng dinireheng dula ng anak kong babae. Topak ng isang bayani ang isa, mapapanood sa CCP. Kabaklaan ang isa pa- ilalabas ng PETA.

Nagbungkal ang anak sa mga dahon ng gulanit na aklat ng mga kuwentong bayan. Hiniling na isulat ko siya ng dula. Dulang pambata. Kasi, pawang laan sa mga gurang at de-edad ang mapapanood ngayon. Maglaan naman daw kami sa mga bata.

Paslit pa siya nang iregalo ang aklat na iyon sa kanilang magkakapatid. Apat sila. Iningatan ng anak na babae ang aklat. Iningatan sa kung ilan ding yugto ng lipat-bahay. Kasama iyon ng mga nakalibrong komiks ng pakikipagsapalaran nina Tintin, Spiderman, Wolverine, Batman... mga tauhang isiniwalat nina Hans Christian Andersen, Brothers Grimm at Mother Goose. Ah, masinop ang anak kong babae. Kaisa-isang anak na babae.

Santaon lang yata siya nang ipinagsasama sa ilang sukal na bahagi ng UP Diliman, weekends. Manunugis ng paru-paro't tutubi. Mamumupol ng kadena de amor at kalug-kalog. Maghahagilap ng gagamba't kabute. Yuyugyog sa punong mangga't sampalok ng salagubang. Hindi talaga mapaknit sa pagpapakarga. Palahaw ng iyak kahit sandaling ilapag. Kaya biglaan ang akyat-puno/yugyog-sanga/ talon-baba. Dadamputin muna siya. Tigil ang palahaw. Aaluin habang humihikbi. Pupulot ng mga gumagapang nang salagubang. Laruan niya. Natatandaan niya iyon.

Karga ko siya nang upakan ako ng bangag. Galing kami sa serenata. Hindi nakasalag ni nakailag. Sapol ako sa ilong. Sargo'ng dugo. Pinilit kong hindi bumaligtad. Sumadsad - kasi'y may batang kipkip sa dibdib. Magdidilim noon. Nagdidilim din ang paningin ko. Inilapag ang karga. Akala yata ng bugok, suntok ang isusukli ng kinursunada niya. Iglap na binalian muna sa tuhod. Kasunod sa siko. Lumagutok. Bagsak. Ni hindi yata nasaktan. Inigkas mula baywang ang kortapluma, sabunot ang buhok ng hindot na kupal -- binuyangyang ang leeg, tinolang manok, hindi makapiyok, titigok.

Palahaw ang anak, "Papa, uwi na. Papa, uwi na."

Buhos ng tubig-lamig sa tuktok ang narinig. Umuwi kami. Ni hindi nilingon ang iniwang lasog na kalat -- hilahod na salagubang, kinalas na manyikang hindi makagapang. Hindi mahahagip ni masusundan ng pananaw-musmos ang mga kisap-matang pihit ng pandigmang paraan. Mainam naman. Hindi dapat maglagda ng anino ang kahit iglap na siklab ng dahas. It takes reptilian cold-bloodedness to put to work such efficacy at mayhem.

May 20 tudling na ng ube't molave ang naitanim naming mag-ama sapul sumilip ang araw. Lampas 10 taon na siya noon. Nasa paanan kami ng Sierra Madre. Linggo rin. Alas-diyes na yata ng umaga: paakyat sa tuktok ang araw. Sagad-sigid ang init. Nakakahilo. Nagsusudsod siya ng lupa nang bumalong ang dugo sa kanyang ilong. Balinguyngoy. Tinamaan ng sunstroke. Inakay ang anak sa lilim. Hinagod ng malamig na tubig sa batok, sa ulunan. Tumigil ang dugo. 'Kako'y namana niya sa akin ang ganoong sumpong ng katawan. Mana sa ama ang baltik ng ulo.

Higit 12 taon na siya nang maisipang ikuha ng puting sanggumay-Benguet sa duklay ng punong pino - sa Baguio kami noon. May kataasan ang puno pero maganda't mahalimuyak na gantimpala ang bulaklak-ilap. Inalam lang kung saan naapuhap ang ganoong bulaklak. Itinuro ang pinagkunang sanga, nakayakap doon ang iba pang sanggumay, naghihitik sa talulot-ilap. Napangiti ang anak. Naisip tiyak: umiral na naman ang gawing bayawak ng kanyang ama - yakap-puno, tulay-duklay. Quite risky that, but a father doesn't pay any price for getting and gifting his daughter with such a spur-of-the-moment memento anywhere. Salagubang noon, sanggumay naman sa pagkakataong iyon.

Dalawang punggok na punong pino ang kasama ng natapos na iskrip ng dulang pambata na hiniling ng anak. Sa kagubatang pino ng Longlong-Puguis sa La Trinidad binuno ang huling yugto't ilang tagpo sa dula. Nakasumpong ng mga punggok na pino sa bubong ng kamarin ng mga kagamitang pansakahan. Matarik ang bubong. Pero umiral muli ang gawing bayawak.

Ibinilin kong alagaang mabuti ang dalawang punggok na pino, inanyo sa tig-isang mababaw na paso, ginayakan ng lumot at mumunting lunti sa paligid - bonsai talaga.

Payak ang dahilan sa pagtitipon ng mga ganoong punggok na puno. Huklubang puno ang anyo, munti sa sukat. Pambalik-tanaw sa nakalipas na pilit babalikan. Pampasariwa sa daloy ng masasayang gunita - sa bagwis ng ganoong gunita nakakapaimbulog, nakakagalugad sa lawak ng himpapawid si Peter Pan.

Punggok ang pino pero makapal na ang banakal. May gayak na lumot ang paanan, tulad ng mga dambuhalang pino sa ilang. Masusukat sa dangkal ang iilang mumunting duklay. Na hitik sa gunita ng mga puting sanggumay.

Ah, ganito lang ang masasalat at malalasap mula sa dulang sukli sa lambing ng anak. Ang totoo'y ibinubunyag lang ng manunulat ang kanyang sarili sa sinulat. Nakapaloob sa dula ang katiting na igkas-dahas mula shinkage-ryu kendo - na sa puso lang iglap na naglalagda ng anino ang dahas. Sinahugan ng taimtim na gawain bilang dalangin - such work ethos is love made palpable and enduring.

Mapapanood ang dulang musikal na "Larawang Kapilas Puso" - sa direksyon ni Angeli de los Reyes -- sa Rizal Conference Hall ng St. Raymond Building, University of Sto. Tomas nitong Pebrero 20, 21 at 22, 2003.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...