Skip to main content

Suma-total, eh, ano ngayon?

NAKAGILIWAN din namin ang papugak-pugak na alagwa ng awit ng katotong Eleazar Somera Lopez sa kanyang palatuntunan sa 774 khz. Kung hindi daplis na tula, tiyak na sapol na tuya. Ganoon ang katangian ng mga patama ng Java— naibansag sa kanya ng isang kasama sa hanapbuhay at kabungguang bote.

Walang nangahas bumuntot sa ganoong kasistehan sa panunuligsa’t paglalahad ng kuro-kuro. Ni hindi timplado sa lamig o nakatono ang boses na parang humahagod sa likuran o kumakalikot-nanunuot sa hinaharap na masarap. Parang nasunod ang tagubilin ni Bono ng U2 sa matinong awitin, “All you need is three chords and the truth.” Walang mahugot na sinuman ang 774 khz para punuan ang naiwang guwang sa himpapawid ni Java.

Naikumpisal sa kanya noon na kabilang ako sa isang pangkat ng mga pusakal na alaskador kontra rehimeng Marcos, ang Los Enemigos. Tahasang mga kaaway ang katuturan niyon. Mga yawah. Nakasungkit minsan ang pangkat ng gawad mula Catholic Citizen’s Mass Media Award— award-winning na mga putahe’t pagkain na sapilitang isinasalaksak ng mga kampon ng MalacaƱang sa sikmura’t lalamunan ng taumbayan. Kakanin ang “utang sapin-sapin.” Ulam ang “daing ng bayan.” Nalimutan na ang iba pang kakalaykay sa sikmura’t kikiliti sa lalamunan.

Madalas na lapatan ng karumal-dumal na titik ang mga popular na awitin. Para umangkop sa mga napapanahong usapin.

Nabigyan pa nga ng pitak sa Inquirer ang Los Enemigos. Minsan sanlinggo ang labas. Paminsan-minsang natotokahan para sumulat ng naturang pitak— hanggang sa maubusan yata ng apoy sa puson. Wala nang makalkal na baga na muling mapapaliyab sa abo ng dating silakbo. Naging pilit at pilipit na ang mga panunuya’t panunudyo sa mga tiwali’t katiwalian, sa mga bulok at kabulukan.

Hanggang tuluyang nabaklas ang pitak ng Los Enemigos.

Ibang larangan ang radyo. Natunton nga minsan ng isang station manager. Bibigyan daw ako ng kayod— na akala ko’y sariling radio program. Madali lang daw ang trabaho—isusulat ng tig-isang editorial o pangulong tudling ang tatlo nilang anchor. Araw-araw. (Baka makalbo ako sa ganoong takal ng trabaho.) Maganda raw kasi ang ilandang at halihaw ng wika sa tudling na ito, Mangkokolum. Noon nga’y binabasa pa raw niya ang kabuuan nito sa kanyang palatuntunan. Ibig na mahawa ang tatlo nilang hard-hitting anchor sa paraan ng pagtilad sa usapin dito.

Halos apat sa bawat limang taga-Metro Manila ang umaasa sa radyo para sumagap ng balita, kaalaman, pati kagunggungan na kailangang i-memorize ‘yan. Ipagpaumanhin na hindi kailanman naging tagapakinig ng dalawang pangunahing himpilang radyo sa bansa. Naging masugid na tagasubaybay kami ni Java sa kanyang Suma Total: Eh Ano Ngayon? na masasagap mula ikawalo hanggang ikasiyam at kalahati sa umaga. Kasi’y matagal na naming pamantayan sa pag-uulat at pagsusulat ang ganoon. May tinatawag na the husband with four wives (who, what, when, why, how) na paraan ng pag-uulat—na matagal na naming naibalibag sa kangkungan noon pa man.

Nakabuntot kami sa isang pansariling pamantayan. So what? What for? What then? What else is new? How come? Higit na tutumbok sa katuturan o kabuluhan at kapakinabangan para sa madla ng anuman o alinmang ulat. Kasi nga, itinuturing namin na isang anyo ng likas-yaman ang papel, tinta, at kuryente. Hindi dapat sayangin. Hindi dapat aksayahin.

Why the heck should we spend precious time and costly electricity on idiots and cretins? Ganoon din nga pala ang naging pamantayan namin sa sinumang makakasama sa inuman o huntahan.

Sabi nga’y mas may pakinabang marahil sa gagamiting 50,000 watts ng elektrisidad para makapagsahimpapawid ng mga kuro-kuro at anumang ilandang ng kukoteng kabisote kung gagamitin na lang sa silya elektrika’t isasalang ang mga walang latoy at walang alam na mga anchor sa radyo. Whew, ang haba niyon ah!

Nakatutok kami ngayon sa mga recast ng Deutsche Welle Radio sa DZFE 98.7 na nagsasahimpapawid ng classical music. Matagal na naming nakahiligan ang mga obra ni Antonio Vivaldi— his is the sort of music for remembering breath-taking moments that you can’t bring back. Gustong gusto namin ang malanding paglalaro ni Johann Sebastian Bach sa mga paksang spiritual. Matindi sa pandinig ang kaigtingan ng mga gawa ni Franz Schubert— nakakalibog. Hindi lang naman sa pandinig tumatagos ang musika’t anumang tututukan ng tainga. Sumasangkap kasi pati sa ikid ng isipan.

Madaling maipaliwanag ang dahilan. Eleazar Somera Lopez was a classic, too. He did a lot of homework before he goes on air. He could also go off the cuff or off the beam but he had a firm grip on whatever he’s tackling. One and a half hours of daily output on the air can entail a lifetime of inputs.

Kaya mahirap maghagilap ng pupuno sa kanyang sapatos at tatahak sa mga landas ng kanyang kaisipan.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...