Skip to main content

The number of the Beast, 666

LAMPAS alas dos ng madaling-araw. Isang panig ng lungsod Davao. May muulinig nang alingawngaw-tilaok ng mga tandang sa kalayuan. Nadagdag ang biglang bulabog-tunog ng telepono sa tinutuluyang silid ng mumurahing hotel. Napaigtad. Umilandang sa bintana ang namumuo nang mga damsak na panaginip. Soaking wet dreams gone dry instantly.

Kawani sa hotel front desk ang tumawag. Panauhin ko raw. Kaibigan daw. Matalik daw na kaibigan-- dinig ko’y “katalik na maibigan.” Sa alanganing oras? Sobra namang masugid sa pagdalaw ang ganyang panauhin. Nakasalalak sa silangan ang buntalang Venus pero ni hindi pa nga sumisilip ang bukang liwayway—heto’t gusto na agad ibukaka ng lin—ano bang abala--tek na… Panauhin ko raw.

‘Kako’y papanhikin. Patuluyin na lang sa aking silid. Sinabing hubo-tabo ako kung matulog. Saka hilo pa’ng ulo ko sa tama ng toma. Tinatamad na magbihis pa, o magtapi ng kahit tuwalya’t bababa sa front desk para lang alamin kung sinuman iyong kaibigang matalik o maibigang katalik, whatever the heck sounded right to hearing during such woe—awe--ful wee hours.

PAHIKAB na pinagbuksan ang kumatok. Bahagyang umilandang ang hikab. Kinusot ang mata—may muta na pala. Anghel de la guardia civil yata ang napagbuksan. Morena. Makinis. Naka-pink t-shirt, kupas na pantalong maong. Nagngangalit sa pagkahumindig ang dibdib. Lamlam-gasera ang apoy ng mga matang humahaplos sa pagkatindig ko sa bukana ng pinto. Baka naman malik-mata ang nabungaran, naparami kasi ang tungga kangina.

“Papapasukin mo ba ‘ko o hindi?” anito.

Malambing pero dumadagundong kahit pabulong ang boses. O tahip ng dibdib ko yata ang kumakalabog na kulog.

“Papasukin talaga kita… oops, sige. T-tuloy ka.” Alanganin ang paanyaya. Pero hindi naman maipagtatabuyan ang kaharap. Alanganin pa rin ang oras. Baka madagit ng mga mandaragit.

“Dito ako matutulog.” Buo ang pasya sa pagkakasabi niyon. Kinakaldag-kaldag nang tambok, este, tambol pala ang dibdib ko.

“Ako’ng hindi makakatulog nito,” hirit kong patianod, pailing-iling habang ipinipinid ang pinto. Lalo na ‘kong napamulagat nang magsimulang maghubad ng t-shirt ang kausap. “T-teka, teka… ano ba?”

“’Di ba may mapapaliguan dito? ‘Liligo ako,” anito’t tuluyang ibinaba ang pantalon.

Mulagat ang matang napabulagta ako sa kama, tukop ang dibdib. Naninikip ang aking… briefs.

HINDI dapat masundan muli ng mali ang naunang pagkakamali. Ganoon yata ang nakahasik sa utak. Nakasiksik. Parang sexy na’ng katugma ah. Pagkakama… pagkakamali. Madaling pumili.

Lasing na kasi. Sablay na’ng paningin. Nakangiting mukha ni Josefa Llanes Escoda’t kapwa hukom sa Korte Suprema ang naiabot sa dalaga sa halip na nakaismid na mukha ni Manuel Roxas. Sa dilim ng bahay-inuman, hindi na nagkakalayo ang kulay ng laman-lupang ube sa asul ng langit. Sabihin pa bang sandok ang katapat ng palayok, lula sa pangit, oops, lupa pala sa langit.

Kaya pala nagulat ang gaga. Agad inalam—mapilit talaga ang gaga -- kung saang hotel ako tumutuloy. Naipaalam naman bago nagpaalam.

Akalain ko bang tutuntunin pala ako?

PANGANAY o ikalawa yata siya sa pitong magkakapatid—magkakasunod ang edad, sunod-sunod na ipinanganak. Napatoka sa kanya ang pagtulong para makatuntong din ng paaralan ang mga kasunod niya. Haiskul lang ang natapos niya. Hindi na raw kakayanin ng bulsa ang kolehiyo.

Hindi matandaan kung natanggal siya sa Gaisano at lilipat sa SM o natanggal sa SM at lilipat sa Gaisano. Ganoon nang ganoon tuwing ika-anim na buwan. Matatanggal. Mapapasok uli. Malaswang pakinggan. Parang trabahong barukbukan. Palipat-lipat. Papalit-palit. Sa bawat lipat-palit, kailangan ng tone-toneladang papeles na kailangang lakarin, gastusan ng pera’t panahon.

Marami siyang panahon. Kapos sa pera. Halos sa pamilya nila naibubuhos ang bulto ng suweldo—pangkain lang, hindi pa pampaaral. Mahirap talaga kapag maraming bibig na tutustusan ng pagkain. Kinakapos pati ang pagkain. Wala pa ang gamot o biglaang gastos kapag may nagkasakit.

Kapag nasa pagitan ng lipat-palit mula SM-Gaisano-SM-Gaisano…, guest relation officer-dancer muna siya. Para hindi napapatid ang daloy-tustos sa ama’t ina, at mga kapatid. Para may malilikom na panggastos sa lalakaring mga papeles.

“Salamat, salamat, at libong salamat.” Mula sa isang tula ni Amado V. Hernandez. Kasintunog ng nais niya kaya sumalida—ibig magpasalamat sa naiabot sa kanyang sanlibo. Tutugunan ng sanlibog. Kasi nga’y pulos lamutak, lamukos, at lamas lang sa kanyang katawan ang napapala mula kung sinu-sinong mga parokyano ng bahay-inuman. Ni wala pa raw nagkakamali na magbigay sa kanya ng sanlibo. Malayo na raw ang aabutin niyon.

Hindi naman maikumpisal na nagkamali nga ako ng hugot. At talagang nakagawian nang makaniig ang paboritong santo—si San Miguel beer. Ni hindi nga inakbayan o nilikot man lang ang binayaran palang kausap. Bote, bote at bote pa ang inatupag. Kaya pala nagprisinta na ang bata. Payag na ihain, ipatikim ang carne sur.

“NASA pagkatao mo na ang tatak ng sardinas,” bulong ko. Nakikiliti daw ang tainga niya sa mainit na hininga. “555 Sardines. Tagilid at peligro nang masibak tuwing ikalimang buwan. Ang saklap, ‘no?”

“Puwede naman kaming gawing regular. Pero ayaw. Itatali ka lang sa kontrata,” himutok nito. Yumakap.

“Pero may mas malagim pa pala. Your person also bear the mark of the Beast—666! A perennial cycle of six months. Tuwing ika-anim na buwan, sibak ka sa trabaho…”

“Eh sino ang Beast?”

Hindi na ako nakakibo.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...