Skip to main content

“Ang taong nagigipit sometimes may cling to a nun’s habit.”

BALIK-TANAW: Humingi ng saklolo si Rodolfo Noel “JLo” Lozada Jr. sa kanyang hepe sa Department of Environment and Natural Resources, kay Secretary Lito Atienza para makaiwas-pusoy ang una sa pagdinig ng Senado ukol sa maalingasaw na transaksiyong ZTE-NBN—nahirang ng NEDA ang JLo bilang technical consultant sa semplang nang proyekto.

Pangulo din noon si JLo ng Philippine Forest Corporation. Na saklaw ng DENR, kaya talagang kay Lito Atienza unang dudulog ang Lozada para maghinga ng mga problema—kung baga sa militar, ugnayan ng commanding officer at field operative, isasaalang-alang ng pinuno ang kaligtasan ng kanyang tauhan sa larangan, saanmang laban…

Kay Atienza isinumbong ni JLo na maraming nagbabanta sa kanyang buhay—kinakabahan na siya. Pinayuhan ang huli na magtungo sa Hong Kong saka tumuloy sa isang pandaigdigang pulong sa London habang naghahanda ng mga hakbang para mapangalagaan ang kaligtasan ng JLo. (Teka muna, hapit na kapit at katakam-takam-takam-takam, tambok talaga tumbong ng Jennifer Lopez at sa tuksuhan ng mga paslit nitong nakalipas na panahon, “Sumbong, sumbong, haba-tumbong.”)

Lumilitaw na nakikipagkita na pala ang JLo kay Sen. Panfilo Lacson noon pang Disyembre 2007 pero hindi na naungkat kung anu-ano ang mga paksa at pakay ng kanilang pag-uusap.

Matapos maihinga ng JLo ang kanyang mga pangamba, nagmalasakit naman nga ang Lito Atienza—agad na tinawagan si PNP Chief Avelino Razon para humingi ng tulong upang pangalagaan si JLo.

Parang sa telenovela ang pagpihit ng mga kasunod na pangyayari—kinasuhan ni JLo ng pagdukot o kidnapping ang mga nagmagandang-loob na Lito Atienza at Sonny Razon, tsk-tsk-tsk…

Hindi man nagsampa ng kontra-demanda, sumama ang loob ng Atienza sa isinukli sa kanya ng kanyang kinalinga. Pakiramdam niya, “nilapastangan” siya niyong nagpagibik, humingi ng saklolo. Para bang sumagip sa nalulunod-- nang aabutin ang kamay ng sisinghap-singhap para masagip, sinapak ng sinasagip ang nagtangkang sumagip… pinalabas sa demanda na nagsabwatan ang Atienza at Razon para dukutin ang JLo. Namputsa talaga, oo.

Nataranta marahil ang JLo. Talagang nakakakilabot kapag nasangkot sa umaalingasaw na transaksiyon tulad nitong ZTE-NBN, napakahirap mag-back off kahit na bulyawan o sigawan pa niyong suminghal daw kay Joey de Venecia. Kaya hindi na matukoy ni mapagsino kung alin ang kaibigan, kung sino ang talagang kalaban…

Ni wala ngang kaalam-alam ang Atienza, ayon na mismo kay JLo: “Pumunta ‘ko kay Secretary Atienza. Si Secretary Atienza hindi naman alam kung ano ang kinalaman ko rito eh.”

Magulo talaga ang panahon ngayon—kung sino ang nagmamalasakit, ginagantihan ng pasakit.

Pero nasusubok sa kagipitan ang tunay na kaibigan.

Makabagong salawikain: “Ang taong nagigipit sometimes may cling to a nun’s habit.”

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...