Skip to main content

Padasal sa patay

NAGLIPANA marahil ang mga pusakal barumbado’t walang budhi sa lansangan. Kaya may isa o dalawang pasahero—karaniwang babae, karaniwang nasa dapithapon na ang edad—na may hawak na dusaryo, umuusal ng sandaan yatang pagpupugay Ave Maria. Saka ilang Ama Namin at pahayag ng pananampalataya. Sambungkos na dasal ang alay habang naglalakbay.

Pakay ng panalangin habang lulan ng pampublikong sasakyan na makaiwas sa sakuna. Makaligtas sa mga mandurukot, manlalaslas ng bag, mga bangag na naghahanap ng makukursunada. Lalo nang dapat ipag-adya sa mga holdaper. Talagang tigib sa panganib at amba ng trahedya ang biyahe sa araw-araw. Walang katiyakan.

Aantig sa paningin ang isa o dalawang may hawak na dusaryo. Kawing-kawing, bungkos-bungkos ang ipapailanlang na dalangin sa hangin. Tila mga butil ng binhi ang taimtim na ihahasik upang sumibol. Siguro’y yumabong kahit paano.

Para silang nagpapalipad ng saranggola. May ikid ng pisi, ilalarga na unti-unti—pataas, pataas, pataas. Ibig humalik o humalukay yata kahit lang sa mga ulap. Ganoon lang siguro ang iba’t ibang misteryo na isinasapi raw sa dusaryo.

Pero higit na marami sila na panay ang dutdot-pindot-kamot sa kani-kanilang mobile phone. Para bang pumipisa ng pigsa. Tila tumitiris ng tagihawat. O nagkakalkal ng galis-aso o nagkikiskis ng makating alipunga. Saka mas abala sila. At inaabala din yata. Mas madalas pa na nasasagot ang kanilang mga padala’t pambubulabog sa hangin.

Kasabay man sa biyahe ang pailan-ilang nagdudusaryo, para namang napag-iwanan na sila ng panahon.

Kakabahan minsan kapag sila ang nakasama sa paglalakbay. Kasi nga’y sa patay na lang yata inuuukol ngayon ang padasal. Lagi’t laging sa patay na lang may nagkukusa na umusal ng dasal.

Baka sakali na nagkakawing sila ng usal-dasal para nga may mamatay— siguro’y para mapisak ng pison, 40-footer van, ferris wheel, barko, eroplano o sinasakyang bus ang mga naglipanang pusakal, kilabot, sugapa, at barumbado saanmang panig ng lansangan. Idagdag na saanmang sulok ng mga sangay at tanggapan ng gobyerno mula Kamara hanggang Malakanyang.

Baka ganoon nga ang pakay sa pagkimis nila sa mga butil-hamog ng dusaryo. Padasal sa patay.

Si St. Dominic umano ang umimbento ng dusaryo sa kalagitnaan ng ika-16 na siglo. Hanggang ngayon, mga paring Dominicans pa rin ang inaatasang gumawa ng dusaryo—kaya nga lalong titindi ang kutob na sa kamatayan at mga patay nakaukol ang pagdudusaryo. “God’s dogs” o mga iwing aso ng Diyos ang katumbas ng “Domini canis.Domini canis yata ang pinagmulang kataga ng naturang orden ng mga pari.

Kakabahan. Kukutuban. Mapapakamot ng ulo sa paglilimi. Baka nakasalin sa bawat butil ng dusaryo ang alulong-aso. Panawagan daw sa kamatayan ang alulong-aso. Sa mga nerbiyoso, baka maisip na may sangkap din na rabies ang bawat butil-dusaryo. Pampatigas na ng panga mula sa tinatawag na lockjaw, pamatay din talaga ang rabies.

Unti-unti nating nabubungkal ang panganib na hatid ng dusaryo. May kahila-hilakbot yatang hiwaga na kalakip. Parang taimtim na hiling na maulol sana silang lahat na dapat na mapuksa at makatkat ang lahi sa daigdig— sabi nga'y “whom the gods wish to destroy, they first make mad.

Kaya siguro matiyaga ang mga nakakabatid ng ganitong lihim na kaalaman na magdusaryo. Dusaryo saanman—walang pinipiling lunan. Dusaryo kailanman—anuman ang lagay ng panahon.

Lalo yatang kailangan ng higit na maraming magdudusaryo sa panahong ito.

Ipagdusaryo ang walang kakuwenta-kuwentang mga pinuno na namamalakad saanmang antas at sangay ng gobyerno.

Ipagdusaryo nang walang humpay. Kawing-kawing na dasal ang ialay at ihasik sa hangin, hanggang sa umalimbukay na tila mga dambuhalang buhawi ang mga dasal sa papawirin.

Sapagkat ang dusaryo’y kakawing ng taimtim na hiling.

Dahil ang ito’y alay na padasal para sa patay.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...