Skip to main content

Singkamas

MAYAMAN pala sa tinatawag na phytochemicals o sangkap na panlaban sa samut-saring sakit ang singkamas—na sa alias nito sa Latin ay talagang kahindik-hindik na ang dating, Pachyrhizus erosus. Tunog erotikong suso sa dulo.

Jicama ang pangalan nito sa pinagmulang lupalop. Mula pa Mexico, nakarating sa ating pampangin nitong kasagsagan ng kalakalang Manila-Acapulco. Jicama. Sumablay ang bigkas dahil kasintunog ng “higa kama.” Nabalbal. Naging singkamas sa ating wika.

Pampigil sa salakay ng kanser, pampababa ng antas ng masamang cholesterol sa dugo, likas din na antibiotic o pamuksa ng mikrobyo sa katawan. Pampalakas sa likas na panlaban ng katawan kontra sakit. Anti-oxidant o pampahupa sa pagiging amoy-lupa. Karaniwan ding gamit na sangkap sa siomai at lumpia.

Hubad na lumpia! Opo, hindi hubo’t hubad ang tawag sa naturang lutuin. Hubad lang. Masarap kung may kalahok pang budbod na mani.

Kaya nakagawian nang talupan ng mga hayok. Ilalantad ang kinis-labanos na laman na pinipithaya (kahulugan kaya’y pinipitpit habang nakatihaya?). Titipak-tipakin, huwag ipagdiinan ang dalawang unang pantig. Saka isasawsaw sa asin at suka—nilalantakan ang singkamas nang sariwang sariwa.

Ang totoo nito’y naparami ang ibinunga ng tanim kong singkamas. Tatlong pitak lang. Pero talagang tumabal. Lumago. Higit sa 15 talampakan ang inihaba ng baging. Gumapang sa pader, umakyat sa kung saan-saan. Muntik saklawin ang balkonahe namin. Bughaw na langit ang kulay ng bulaklak—malamig sa mata. Nagbigay-daan sa mga bungkos ng luntiang bunga ang mga bulaklak.

Paminsan-minsan lang kung makapagluto ng pinakbet o dinengdeng-- naisasangkap dito ang murang bunga ng singkamas na manamis-namis ang hagod ng lasa sa dila. Panalo rin ang lasa ng murang bunga ng singkamas sa bulalo at sinigang.

Pero talagang hindi natapatan ng aming konsumo ang masipag na pamumunga ng gulay na karaniwang laman-ugat ang napapagbalingan, nakakahumalingan. Overproduction. Nagkaroon ng surplus. Nagsigulang ang mga labis na bunga. Unti-unting natuyo nitong pangalawang linggo ng Disyembre.

Marami akong naging binhi ng singkamas. Wala akong balak na katasin ang likas na insecticide mula sa mga buto na mabisa kontra leaf hopper. Higit sa sapat ang naiwang binhi kaysa maitatanim sa kapirasong halamanan. Ni hindi na nga hinukay ang tatlong pitak— may panibagong sibol na nakatakda sa pagsapit ng nilalagnat na Abril. Luntiang kombulsiyon mula sa dibdib ng lupa.

Teka, hindi pala nabanggit ng katotong Manny Martinez ang isang kakatwang pagsasanay ng mga kabig ni Adolph Hitler sa kanyang pagtalakay sa Spear of Destiny ni Ravenscroft. Hinihigop nila sa kung anong paraan ang anumang lakas o kapangyarihang likas mula sa mga buto ng halaman.

Hindi pa natin nabubungkal ang ganoong lihim. Kaya kung sinu-sino na ang nabigyan ng mga buto ng singkamas para itanim naman nila sa kanilang bakuran. O saanmang matatamnan.

Marami pa rin akong natirang binhi ng singkamas. Tuloy ang pamimigay ng mga naturang binhi. Nakapagdala ng sambalot sa Quezon ang kaopisinang si Nolan Abelilla. Nabigyan ng sandosenang tuyong bunga si Ria Manaois para may maitanim sa kanilang bakuran. Pati si Roman Floresca'y nagpasabing dadaanan niya sa akin ang mga binhi ng singkamas.

Kailangang makumbinse ang iba pa. Kahit itong Enero'y ubra nang simulan ang pagtatanim ng singkamas.

Maiisip pa rin na talagang aanihin anuman ang itanim. Hindi lang sambutil na palay ang gagapasin mula sa tumubong sambutil. Hindi lang sampirasong laman-lupa ang makukuha mula sa sambutong singkamas. Pati hitik na pamumulaklak. Pati pamumungang higit sa santambak.

Sabi nga sa English, whatever ye sow, you will reap more than a thousandfold.

Parang karma.

Comments

Popular posts from this blog

ALAMAT NG TAHONG

SAKBIBI ng agam-agam sa kalagayan ng butihing kabiyak-- at kabiyakan, opo-- na nakaratay sa karamdaman, ang pumalaot na mangingisda ay napagawi sa paanan ng dambuhalang Waczim-- isang bathala na nagkakaloob sa sinuman anumang ibulwak ng bibig mula sa bukal ng dibdib. Pangangailangan sa salapi na pambili ng gamot ng kapilas-pusong maysakit ang nakasaklot sa puso ng matandang mangingisda. 'Di kaginsa-ginsa'y bumundol ang kanyang bangka sa paanan ng Waczim. Kagy at umigkas ang katagang kimkim noon sa kanyang dibdib: "Salapi!" Bumuhos ng salapi-- mga butil at gilit ng ginto-- mula papawirin. At halos umapaw sa ginto ang bangka ng nagulantang na mangingisda, walang pagsidlan ang galak, at walang humpay ang pasasalamat sa mga bathala. Nanumbalik ang kalusugan ng kabiyak ng mangingisda. At lumago ang kabuhayan, naging mariwasa ang magkapilas-puso na dating maralita. Nilasing ng kanyang mga dating kalapit-bahay ang mangingisda-- na hindi ikina...

Kuntaw

I T was more than an implement—tough as metal, soft as petal—wielded like lightning to repulse conquerors. Invading Mactan in 1521, Ferdinand Magellan and his men must have thought that their fabled Toledo steel swords would be more than a match more the island’s native defenders—they were dead wrong. The Spaniards never knew what hit them. In the 1900s, American occupation forces in Mindanao particularly in the Sulu islands found themselves under constant harassment from what they called “crazy hermits” or juramentados . The native fighters would fast for days, go through special religious rites, then go forth to storm American garrisons. Even as the .445 caliber pistol was plied out in 1911 to stop seemingly unstoppable fighters, the Americans still never knew what hit them. Looking back with pride at such points in history when their fighting mettle was unleashed in battle, Filipino Muslims, especially the Tausugs of Sulu will, with a little nudge and tug at their patriotic sentimen...

LARAWANG KAPILAS-PUSO (Dulang Kyogen sa Pag-ibig at mga Musmos)

Mga Tauhan: Gombei, ang maghahabi Mariko, ang mananahi-mananandata, kabiyak ni Gombei Daimyo, ang panginoon ng kastilyo Mga Kanayon ni Gombei – pintor, panadero, magbubukid, tindera, atbp. Tatlong Paslit Tatlong Alalay ng Daimyo Dalawang Korombo bilang mga Diwata/Apsara sa Hangin Ilang Kataga sa Pagtatanghal at Tanghalan: Halaw sa isang kuwentong katutubo mula Japan ang akda. Isinalin sa anyong kyogen – dulang katatawanan, mula rin sa naturang bansa. Inangkin sa puso at binigyan ng mga sangkap na Pilipino. Karaniwang sangkap sa kyogen ang kunwa’y di-nakikitang korombo, nakasuot ng itim at madalas na tagapag-abot ng mga kagamitan sa mga tauhang nasa tanghalan. Sa dulang ito, sagisag sa ihip ng hangin at pihit ng kapalaran ang dalawang korombo. Liban sa istruktura na anyong balkonahe sa kanan ng tanghalan at mala-balangkas ng dampa sa kaliwang panig, sayad sa lupa at hitik sa posibilidad ang pagiging payak sa kabuuan ng tanghalan. Sa ganitong kapayakan nakaka...